II. Ang Uro at ang Difference

25 1 0
                                    

Sa Uro, isang islang napapaligiran ng katubigan - lugar din kun saan ako lumaki at nagkaisip, ang mga tao ay me takot na gumawa ng bagay na iba. Takot na lumabas ng bahay, at gagawin lang nila iyon kung bibili ng panghanda sa kanilang may bertdey o patay. At oo nga pala, hindi ko pa nasasabing namamatay nalang ang mga tao dito ng limot ang pangalan, walang nagawang legasiya. Hindi uso ang siminteryo dito. ‘pag namatay ka, iaanod ka nalang sa dalampasigan at lalamunin ng mga alon kasama ang limot mong pagkatao sabihin nang hindi ka naman talaga nag-exist sa mundo bago ka namatay. Hindi ike-kwento ng anak mo sa apo mo ang mga bagay na itinuro mo sa kanya, mga bagay na sana ay magulang ang unang nagtuturo sa anak, tulad ng pag-inom, sabihin na nating ang pag-inom ay isang bagay na bahagi ng pagiging makamundo, hindi ba dapat lang na sa magulang unang matututo ang anak na uminom? Kaysa namang makikita siyang kumukubli sa isang madilim na sulok kasama ang barkada at nag-iinom. Kung sisitahin mo siya bilang anak, sasagutin ka niya bilang magulang: na ok lang siyang mag-inom dahil lasinggero naman ang kanyang magulang. Kung maninigarilyo ka bilang magulang, sana naman mahiya kang sitahin ang anak mo kung siya rin ay matuto ng mga bagay na ito. Ganto lang naman sa Uro, kung wala ka lang din namang maikwuntong tama sa anak mo tungkol sa mga magulang mo, ano pa ang saysay ng pagku-kwento? Hayaan mo nalang ilibing ang magulang mo kasama ang limot niyang pangalan at pagkatao. Minsan nga’y nasabi nang isa na itong sirkulasyon ng panahon, walang patid, walang katapusan.

Umibig ka sa Uro, mabubuntis mo, magkaka-anak kayo at mamamatay ng limot ang pangalan. Ngayon, kung gusto mong magpakasal, sige. Pero nandiyan nga ang pari, walang tao. Walang ni isang tao sa Uro ang magtangkang sumama sa kasal mo kapalit ang kanyang buhay. Dahil lahat ng mgas kilos, itinuturing na dalikado at labis na katakot-takot gawin, maski ang mga personal na bulong, hindi maaaring gawin dahil nasa batas ng Uro na ang pag-uusap ay dapat gawin nang may malakas na boses para maririnig ng mga sundalong nakabantay sa bawat sulok ng Uro. Kaya ang isang bumulong at ang binulungan ay dadakipin ng mga militar at lilitisin na maaari pang humantong sa pagpapataw kamatayan sa pamamagitan ng firing squad. Batas militar dito, si Dindo ba naman ang alkalde napaka-tinding alkalde. Kung kailangan mong kausapin ang alkalde, hindi mo kaagad ito makakaharap, bagkus ay haharap ka pa sa maraming interview sa ibat-ibang sekretarya niya .

Punong-puno ng karahasan sa Uro, marami nang napatay, kaya lahat ngayon ay tikom ang bibig. Takot ang lahat gumawa ng kahit anong kilos pagkat alam nilang nakamata ang mga kawatan ni Dindo, nag-aabang sa mahinang huni, sa kaluskos, sa bawat tunog na nagmumula ultimo sa hulog ng karayom (kahit ‘ika nga sa isang libro ng isang popular na manunulat ay eksahiradong sabihin). Pinatigil niya ang pagpapatayo ng musileyo dahil ‘ika niya’y wala nang iba pang dapat na alalahanin ng mga tao kundi ang pangalang Dindo at ang muka nito. Sa bawat kanto sa Uro, lahat ng bilbord ng mga pamilihan e muka ni Dindo ang nag-eendors. Walang pangahas. Walang papayag na maputulan ng ulo kapalit ang muka sa bilbord.

Sa mga bahayan, o kung papasok ka sa mga bahay dito, magugulat ka sa tambak na mga  bagay na ayaw itapon ng mga tao. Kahit sirang mga kaldero, tv, radyo e ayaw itapon. Hindi sila pala bili ng bago. Bibili man sila, pipiliin nila ‘yung hindi naman nila magagamit at ang ending, itatambak nanaman nila ito sa kanilang bahay na pamamahayan ng mga agiw at surot.  Pag may istrangherong darating, magsisitaguan ang lahat sa kani-kaniyang bahay at magla-lock ng mga pinto, walang dapat makiharap sa isang istranghero kundi ang mga kawatan ni Dindo o maaaring si Dindo. Kaya nga wala ding Puerto sa Uro, wala ding paliparan, si Dindo lang ang maaaring magtungo sa ibang isla sakay ang nag-iisa niyang toro-toro de militar. Wala ditong eskwelahan. Walang gustong mag-aral. Sabi nila, si Dindo lang dapat ang pinaka-matalino wala nang iba. Kaya masabi na nating, ang Uro at ang mga tao dito ay takot sa pagbabago. Punung-puno ng kasabihang sinusunod noong pa mang unang panahon. Punong-puno ng mga pamahiing nakatali sa bulok na nakasanayan.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Jan 06, 2014 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Uro (sa darating na dalawampung taon)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon