MALAYO pa si Viviene ay naririnig na niya ang sigawan at iyakan sa loob ng bahay nila. Kinakabahang binilisan niya ang paglalakad. Lakad-takbo ang ginawa niya. Kung may pakpak lang siguro siya ay kanina pa siya lumipad. Hinihingal siya nang huminto sa harapan ng nakapinid na pintuan ng kanilang bahay. Sapo ang dibdib at nagmamadaling pumasok siya sa loob ng bahay.
Halos malaglag ang puso niya sa nabungarang eksena. Pinagsusuntok at pinagsisipa ng Tatay niya ang Nanay niyang nasa isang sulok. Impit na umiiyak at nagmamakaawa ang kanyang Nanay habang pilit na sinasalag ang bawat suntok at sipa ng Tatay niya. Agad na nilapitan ni Viviene ang ina at pilit na pinipigilan ang kanyang ama sa ginagawa nito. Ngunit hindi natinag ang Tatay niya. Sa halip ay itinulak pa siya nito na naging dahilan para sumadsad siya sa kabilang sulok. Naramdaman niyang parang may mahapdi sa gilid ng bibig niya. Nang salatin niya ito at tingnan ang kamay ay nagulat siya. May dugo sa daliri niya. Dugo na galing pala sa kanyang bibig. Mabilis siyang tumayo. Ang akmang paglapit niya sa kanyang ina ay natigil nang makarinig siya ng mahinang ungol. Nang sundan niya ng tingin ang pinanggalingan ng ungol ay natigalgal siya. Nakatali na magkatalikod sa isa't isa ang dalawang bata at may nakatakip pang masking tape sa mga bibig ng mga ito Biglang umakyat ang dugo sa kanyang ulo sa nakitang kalagayan ng dalawa niyang nakababatang kapatid. Kumawala ang tinitimpi niyang galit. Patakbong kinuha niya ang kahoy na ginagamit na tungkod para sa bintana ng bahay nila. Mahigpit ang hawak na iniumang niya ang kahoy sa likuran ng Tatay niya.
"Walang hiya ka!" Galit na sigaw niya rito. Pagkatapos ay ubod-lakas at sunud-sunod na pinagpapalo niya ang likuran ng ama. Ang lahat ng naipong galit, hinanakit at sama ng loob ay nagbigay sa kanya ng lakas ng loob para gawin ang bagay na iyon.
"Tama na! Tama na!" Umiiyak na sigaw ng Nanay niya habang nakahawak ito sa mga binti niya.
Parang nahimasmasan si Vivienne sa nangyari lalo na nang marinig ang tinig ng ama .
"B-bakit....mo...nagawa....ito? I-itinuring...kitang...parang.....t-tunay....na...anak. N-n-ngu...nit....b-bakit....ganito...ang.... iginanti.... mo...sa...a-akin." Naghihirap na sabi ng ama niya nang malugmok na ito. "Isinusumpa...ko...mula...sa...araw...na....ito...hindi...ka...kailanman...liligaya. W-walang...lalaking...iibig..sa...katulad...mong...anak...ng...kriminal." Pagkasabi nito ay nawalan ng malay ang kinilala niyang ama.
"Roberto!" Agad itong nilapitan at niyakap ng kanyang ina.
Nanghihinang napaupo siya sa sahig. Kasabay ng pagbitiw niya sa hawak na pamalo ay ang pag-agos ng masaganang luha sa mga mata niya.
*************
Susubukan ko po na magsulat sa ibang genre. Pang-SPG po ito. First time kong gawin at hindi ako sure kung may magbabasa. Pero sana naman ay meron. Mag-comment lang po kayo para alam ko kung anong gagawin. Thanks!!!!!
Leah Rebekah
BINABASA MO ANG
CURSED
General FictionIsinumpa si Vivienne ng stepfather niya na hindi siya kailanman magiging maligaya - na walang lalaking magmamahal sa kanya. Umasa siyang hindi magkakatotoo ang sumpang iyon. Ngunit paano niya mababago ang sariling kapal...