One week later
NAKANGITING pinagmamasdan ni Vivienne ang mga bata na pumipila upang makakuha ng aginaldo na handog ni Mrs. Antigua, isa sa pinakamayamang benefactor ng Young People's Center o YPC.
"Puwede ba kitang makausap, iha?"
Nilingon ni Vivienne ang nagsalita. Masyado siyang engrossed sa panonood sa mga bata kaya hindi niya namalayang nakalapit na pala sa kanya si Mrs. Antigua.
"Ah, sige po, Ma'am." Nakangiting tugon niya rito.
"Puwede bang tayong dalawa lang ang mag-usap?" Tumingin ang matandang babae sa kanya pagkatapos ay nilingon nito ang katabi niyang si Beth, na isa sa mga house parent ng YPC.
Apologetic na napatingin siya sa kasama. Ngumiti lang ito sa kanya saka siya tinanguan.
"Thanks." Matipid niyang sabi sabay tapik sa kamay ni Beth. Binalingan niya si Mrs. Antigua. "Doon na lang po tayo sa garden." Nakangiting sabi niya at nagpatiuna na sa paglalakad.
Nang makarating sila ng garden ay dumiretso siya sa ilalim ng puno ng santol. Hinayaan muna niyang makaupo ang ginang sa garden set bago siya umupo sa harap nito.
"Ano po ang pag-uusapan natin?" Nagtatakang tanong niya.
"Hindi ba't nag-graduate ka ng Psychology sa UP?"
"Opo." Tumatangong sagot niya.
"That's good. Matutulungan mo ako kung gano'n." Nakangiting sagot ni Mrs. Antigua.
"Kailangan ninyo ang tulong ko? Paano ko naman kayo matutulungan?" Hindi siya makapaniwalang ang ginang ay nanghihingi ng tulong sa isang katulad niya. Ang pagkakaalam niya ay napakamayaman ng pamilya nito. Kaya hindi niya lubos maisip kung anong tulong ang hihingin nito sa kanya.
"May bakanteng posisyon sa HR department ng Antigua Navigations. Gusto ko sanang mag-apply ka. Kailangan ng kompanya ang isang katulad mo."
Napakamot siya ng ulo. "Ma'am pasensiya na po. Pero may trabaho na po ako. At wala po akong balak na mag-resign. Kaya hindi ko po kayo matutulungan." Apologetic niyang sagot.
"Bakit ayaw mo namang mag-resign? Ayaw mo ba ng mas malaking suweldo?" Nakataas ang kilay na tanong ni Mrs. Antigua.
"Hindi po issue sa akin ang suweldo kasi single pa ako at wala naman akong sinusuportahan maliban sa sarili. Mataas na po kasi ang posisyon ko sa opisina namin kasi matagal na ako doon. Psychometrician na po ako ngayon at hindi lang simpleng HR personnel."
Napabuntung-hininga ang ginang. "Ayoko sanang sabihin ito. But I won't take no for an answer. Besides, you owe me a lot. Ako ang nagbayad sa abogadong tumulong sa iyo para mapawalang sala ka sa kasong isinampa ng iyong ama. Ako rin ang nagpaaral sa iyo sa kolehiyo. At kahit nasa tamang edad ka na ay hinayaan ka pa rin ng management ng YPC na manatili dito sa Center dahil sa pakiusap ko. So you see, marami ka ng utang sa akin kung maniningil lang ako."
Tumaas ang kilay niya. Oh! Hindi niya alam ang bagay na iyon,ah. "Sa lagay na iyan ay hindi pa pala kayo naniningil?"
BINABASA MO ANG
CURSED
Ficção GeralIsinumpa si Vivienne ng stepfather niya na hindi siya kailanman magiging maligaya - na walang lalaking magmamahal sa kanya. Umasa siyang hindi magkakatotoo ang sumpang iyon. Ngunit paano niya mababago ang sariling kapal...