Kabanata 1

1.6K 49 13
                                    

Isang yapak. At isa pa.

Mga galaw ng mga mamamayang nawalan ng tahanan.

Isa-isa silang nagsidatingan sa kagubatan ni Cassiopeia. Ang kagubatan ng dating reyna ng mga diwata ang kanilang magiging kanlungan pansamantala hangga't hindi pa nabibigyan ng kalutasan ang suliraning kinakaharap nila – ang dilim na dulot ng pinakamamahal nilang hara.

Bakas ang tuyong luha sa kanilang mga wangis. Pati na kalungkutan at sama ng loob sa hindi nila makapaniwalang nagawa ng hara.

Nanlulumong pinagmasdan ni Cassiopeia ang mga encantado at encantadang umaasang mapoprotaktahan niya ang mga ito at matutulungan. Na mabigyan ng mga dugong-bughaw ng pag-asa sa dilim ang kanilang nasasakupan.

Pinikit niya ang mga mata upang matakpan pansamantala ang nasa harap niya. Mahirap. Masakit. Pagkat wala siyang mailalahad sa mga mamamayan ng Encantadia sa kasalukuyan upang maibsan ang kanilang nadarama. Tinalikuran niya ang mga ito, at sa pagbukas ng kanyang mga mata ay nakaharap niya ang mga pinuno ng tatlong natitirang lahi – Lireo, Sapiro, at Adamya.

Nabalot siya ng takot nang maalala ang pagkawala ng buong Hathoria. Sa isang iglap, sa isang kurap, naging abo silang lahat. Natatakot siya pagkat maaaring maging ganito ang kahahantungan nilang lahat sa isang maling hakbang laban kay Amihan.

Inilibot niya ang paningin sa kanyang mga kasamang nagpupulong. Pinagiliran nina Pirena, Danaya, Alena, at Pinunong Imaw ang sisidlan ng batis ng katotohanan. Sa likod nila ay sina Aquil, Muros, at Alira Naswen. Dalawang metro lamang sa kanila ay sina Wantuk at Wahid na nakasandal sa puno. Hanggang natuon ito kay Ybrahim.

Ibiningi niya ang sarili sa pagtatalo ng magkakapatid na sang'gre. Lumapit siya sa Prinsipe ng Sapiro. Malalim ang iniisip nito habang nakatingala sa mga buwan. Naaawa siya rito, lalo pa't batid niya na sa lahat, ito ang pinakanahihirapan.

Tumabi siya rito at hinintay na pansinin ng prinsipe.

"Kumusta si Bathalang Emre?" Kung hindi dahil sa kanyang matalas na pandinig, hindi niya mababatid ang ibinulong nito. Sumulyap siya rito. Nanatiling sa dalawang buwan ang paningin nito. "Mabuti ang kanyang kalagayan kahit papaano. Ngunit, hindi pa rin siya nagkakamalay simula nang..." Nabulunan siya sa mga salita. Mariing pinikit niya ang mga mata sa pag-angat ng alaala ng nanganap.

Mula nang araw na iyon, hindi nagmulat ang Bathalang Emre. Nawalan ito ng lakas sa pagprotekta sa mga ivtreng nasa pangangalaga. Mula sa langit ay bumagsak ang bathala dala ng itim na sinag na ginawa ni Amihan. Hindi niya kinailangang hulaan pa ang naganap sa bathala. Nawasak na ang Devas.

Siya ang unang nakahanap sa bathalang nawalan ng malay. Nakita niya ang bolang kristal na halatang hinawakan ng may ingat nito. Pagkahawak sa kristal ay lumabas ang libu-libong mga retre, at nang dumapo sa kanyang kamay ang isa sa mga ito, nakita niya sa kanyang Mata ang ivtreng pumapaloob rito. Mula rito, nakita din niya ang naganap sa Devas.

"Masakit pa rin, hindi ba?" Rinig niya mula rito. Mapait at may bahid ng galit ang tinig ng prinsipe. "Ilang gabi akong hindi nakatulog sa pag-iisip sa kung saan ako nagkamali. Kung ano ang pagkululang na sana ay ginawa ko upang mapigilan ito."

Bumaling siya rito. Ginulo nito ang buhok hanggang tinakpan ng kamay nito ang mukha. Nakita niya ang paghihirap ng prinsipe. "Hindi rin ako makatulog, alam mo ba?" Nabulunan ito at napansin din niya ang pagkumo ng kamay nito. "Pagkat sa t'wing susubukan kong matulog o kahit umidlip man lang, nakikita ko silang dalawa. Magkasama kaming tatlo na masaya. At sa bawat panaginip, sa t'wing iaabot ko ang aking kamay, sa isang iglap, wala na sila. Wala."

Binuka niya ang bibig ngunit wala itong mailabas na salita. Tila iniwan siya ng mga pangungusap. Nais sana niyang pagaanin ang kalooban ng prinsipe, na magiging maayos ang lahat. Ngunit, batid nilang pareho na kasinungalingan lamang ito. Kahit na magkaroon man sila ng lunas, hindi nito mabubura ang hinaing na nararamdaman nila.

Batid din niya na tanging sina Amihan at Lira lamang ang makakahilom sa nararamdaman ng prinsipe ng Sapiro. Tunay na nakakaawa ang naganap sa kanilang pamilya.

Walang pasubaling iniwan niya ito at bumalik sa kanilang mga kasama.

"Cassiopeia," Bati sa kanya ni Pinunong Imaw. "Halika't samahan mo kami rito."

"Siyang tunay, Cassiopeia." Sambit ni Pirena. "Hindi ba't ikaw ay Mata? Gamitin mo ang iyong kapangyarihan upang makita ang hinaharap nang sa gayon ay makita mo ang kasagutan sa pagbabalik ng kapayapaan dito sa Encantadia."

Tumuya si Danaya. "At ikaw pa talaga ang nagsabi niyan, Pirena? 'Kapayapaan dito sa Encantadia.' Wala kang karapatang sambitin iyan. Kung nakakalimutan mo, ikaw ang dahilan ng paglamon sa dilim ng puso ni Amihan!" Sumbat nito.

"Huwag mo akong sisihan mag-isa, Danaya! Batid mong hindi lamang ako ang may kasalanan rito."

"Ssheda! Huwag ka nang magdahilan pa! Ikaw ang nagpasiuna nito! Nang dahil sa iyo ay ginamit ni Hagorn at ng sinasamba ninyong bathaluman si Kahlil!"

"Ssheda!" Sigaw ni Alena sa dalawang kapatid. "Tama na! Hindi dapat tayo nag-aaway-away dahil naganap na ito. Hindi na natin maibabalik pa ang kahapon. Sa halip ay pagtuunan natin ang ngayon at mag-isip ng hakbang upang malabanan itong madilim na naganap."

Natahimik kapawa ang panganay at ang bunso pagkat tama ang tinuran ni Alena. Ang ngayon ang dapat nilang pagtuunan ng pansin.

"Poltre." Pagbasag ni Cassiopeia sa tensyon. "Ngunit, wala akong maibibigay sa inyong puna sa ngayon. Hindi rin magagamit ang aking kapangyarihan pagkat nababalot ng dilim ang buong Encantadia. Iminimungkahi kong magpahinga kayong lahat at tulungan ang ating mga nasasakupan sa pakikibagay sa pansamatala nilang tahanan. Masne sera."

Sinundan nila ng tingin ang dating reyna.

"Tama si Cassiopeia." Pauna ni Aquil. "Magpahinga na tayo. Ipagpaliban na rin muna natin ito ng isa o dalawang araw upang makapag-isip-isip ng maayos. Gamitin din natin ang dalawang araw upang tulungan ang mga encantado at encantada."

Hindi na nagpumiglas pa ang iba.

Kadiliman ng Reyna - HIATUSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon