Kabanata 2

1.1K 43 15
                                    

Nakatayo sa labas ng isang kubol ang Mashna ng Lireo. Nakapikit ang mata, ngunit, bukas ang iba pang pandama sa anumang galaw. Dahan-dahan niyang minulat ang mata nang marinig ang yabag ng yapak sa loob ng binabantayang kubol.

"Aquil?" Nabatid niya ang pagkagulat ng nagsalita. "Narito ka pa? Hindi ba't sinabi ko sa iyong hindi mo na kinailangang magbantay pa at mauna nang magpahinga? Kaya ko na ito kaya hindi mo na ako dapat na samahan pa."

Hindi niya hinarap ang mahal na sang'gre. Bagkus ay itinuon ang paningin sa paligid. Pinagmasdan niya ang ibang mga mamamayan ng Encantadia na natutulog sa mga nakatayong kubol, habang ang iba, lalo na ang mga kalalakihan, ay namamahinga o hindi kaya'y nagpapalitan ng salita sa katabing kaibigan malapit sa siga ng apoy. May iba ring encantado ang tumulong sa pagmamasid sa paligid, at napapansin niya na ang iba sa mga ito ay nakapwesto sa mga sanga ng puno at alerto.

"Hindi ko kayo maaaring iwan mag-isa, Sang'gre Danaya, lalo na't alam ko kung gaano kayo napagod sa pagtulong sa paggawa ng mga kubol kanina. Huwag niyo po sana mamasamain ang aking sinasabi, ngunit, hindi niyo na kayang tumayo sa sarili niyong paa. Nilalabanan ninyo ang antok at pagod upang matulungang magamot si Bathalang Emre." Gabi-gabi, gamit ang brilyante ng lupa, hinihilom ng mahal na sang'gre ang kanilang bathala. Nabanggit ng dating Reyna Cassiopeia na hindi tinatablan ng pamamaraanng panggamot ang bathala, kaya naisip nilang gamitin ang brilyante. "Ninais kong samahan kayo pagbalik niyo sa sarili niyong kubol at masigurong nagpapahinga kayo nang maayos."

Bumuntong-hininga ang katabi niya. "Avisala eshma, Aquil." Mahinang sambit nito. Halata sa tinig ang kapaguran ng diwatang sang'gre. "Aquil, kailan..." Hinintay niyang tapusin ng sang'gre ang sasabihin nito. Nabatid niyang nag-aalangan ito at hindi nito alam kung papaano isalaysay ang ninanais. Nagpakawala itong muli ng malalim na hininga. "Wala. Kalimutan mo na."

Sinundan niya nang may distansya ang Sang'gre Danaya patungo sa kubol nito. Sa kanilang paglakad, hinayaan niya ang sariling kumawala ng maliit na ngiti nang mahagip ang mga retreng lumilipad sa paligid. Ang mga retre na lamang ang nagbibigay liwanag sa kanila pagkat hindi na sumisibol ang araw simula nang mawala ang kanilang Diwani Lira at nabalot sa kalungkutan ang kanilang Hara Amihan.

"Masne sera, Aquil."

"Masne sera, Sang'gre Danaya." Sinundan niya ito ng tingin hanggang sa makapasok na ito sa kubol. Naghintay siya ng ilang saglit upang makasigurong nahihimbing na ito. Bilang kawal ng Lireo, kasama sa pagsasanay nila ay ang pagiging matalas sa paligid na nalalaman nila ang paghinga ng kanilang kasama o kanilang kalaban. Nang makasiguro, umalis na siya para tulungan si Muros.

¤¤¤

"Mashna." Bati sa kanya ng kanyang kanang-kamay pagdating niya sa kanlurang bahagi ng gubat. Tumango siya bilang pagbati at naghintay sa ulat na ilalatag ni Muros. "Mashna Aquil, wala po kaming napansing kakaiba habang nagmamatiyag kami sa bahaging ito ng gubat. Katulad ng mga nakaraang gabi, tahimik po ang paligid at walang masamang elemento."

"Avisala eshma, Muros. Paiigtingin pa rin natin ang ating depensa kahit na tahimik man ang paligid. Sa ngayon, magpahinga na muna kayo ng ating mga kawal kahit panandalian. Sesenyasan ko kayo kung mayroon mang kalaban."

Hahakbang na sana siya upang makapagmasid nang tinawag siya ng kanyang kanang-kamay. Hinarap niya ito at nagtaas ng kilay nang mapansin ang hindi mapakaling galaw nito. "Ano iyon, Muros?"

Ginulo ng kasama ang buhok nito. "Mashna, hindi ko alam kung papaano sasabihin ito... Batid ko ang tunay na dahilan kung bakit talaga tayo nagmamatiyag gabi-gabi. Batid kong ito rin ang dahilan ninyo ng ating mga pinuno, Mashna. Ngunit, sa tingin niyo ba, kaya tayong saktan ng mahal na reyna?"

Nanigas at ngumiwi ang kanyang baba. "Muros..."

"Mashna Aquil, sa palagay ko ay hindi. Kung ninais ng mahal na reyna, matagal na sana tayo nalagay sa alanganing kalagayan. May kapangyarihan ang mahal na reyna na sa isang iglap ay patayin tayong lahat tulad ng ginawa niya kay Hagorn at sa mga Hathor. Huwag rin nating kalimutan na may posibilidad na nasa kanya rin ang mga brilyanteng nasa kamay dati ni Hagorn. Maaari niya itong gamitin laban sa atin. Ngunit, hindi niya ito ginawa."

Hindi siya makaimik sa tinuran ni Muros. Pumikit siya at kinumo ang mga kamay. "Ano ang ibig mong ipahiwatid, Muros?" Pinilit niyang pigilin ang panginginig ng kanyang katawan. Kinailangan niyang huminahon. Hindi makakabuti kung magpapalamon siya sa kalungkutan, sama ng loob, at pagdududa.

"Na may natitira pang kabutihan sa ating Hara Amihan." Buo ang tinig nito sa sinambit. Minulat niya ang mga mata at natigilan sa nakitang walang pigil na paniniwala nito sa kanilang reyna. Na may kabutihan pa rin ang Hara Amihan. Na hindi tuluyang nilamon ng kalungkutan at kadiliman ang reyna na nagbunga mula sa kapahamakan ng anak nitong si Lira.

Binuka niya ang bibig ngunit naunahan siya ng nagsalita mula sa kanilang gilid. "Iyan din ang nahihinuha ko, Muros." Sabay sila ni Muros na bumaling sa bagong dating. Si Prinsipe Ybarro. Lumapit ang prinsipe sa kanila.

"Prinsipe Ybarro."

"Umaayon ako kay Muros, Aquil. At sa aking palagay, kinakailangan na nating pagpulungan ang susunod nating hakbang." Nagpalitan sila ni Muros ng tingin. Pareho silang hindi sigurado sa nais ipahiwatig ng Prinsipe ng Sapiro. "Bukas, pakisabihan ang mga sang'gre at si Pinunong Imaw na may pag-uusapan tayo. Gaya ng aking sabi, ukol ito sa ating magiging hakbang kay Amihan."

"Masusunod, Prinsipe Ybarro." Aniya. Tumango ang prinsipe at tinalikuran na sila ni Muros. Umalis na ito patungo sa kagubatan. "Mahal na prinsipe, saan po kayo pupunta?" Pahabol niya.

"Sa isang lugar. Siya nga pala, Aquil, Muros, sabihan ninyo ang mga kawal na nagbabantay na magpahinga na kasama ang kani-kanilang pamilya. Kasama na kayong dalawa doon. Binibigay ko ang aking salita na walang masamang mangyayari ngayong gabi."

"Ngunit—"

"Sundin ninyo ako, Aquil. Utos ito mula sa Prinsipe ng Sapiro." Wala na silang nagawa ni Muros. Sinundan niya ng tingin ang prinsipe hanggang sa natabunan na ito ng kagubatan.

"Mashna?" Alanganin ang tindig ni Muros. Naghihintay ng pasya niya sa kung ano ang susunod na gagawin.

"Halika na, Muros. Sundin natin ang utos ng prinsipe."

"Masusunod, Mashna Aquil."

Habang naglalakad, binalikan niya ng tingin ang dinaraanan ng prinsipe. 'Ano man ang pinaplano mo, Ybarro, sana ay makabubuti ito sa lahat at sa Encantadia.'

Kadiliman ng Reyna - HIATUSTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon