Unang kabanata
Ang pagpaslang
"Iyan na ba ang pasya mo, Clairn?" tanong ng lalaking kumupkop sa akin.
Hindi ako nagsalita. Hindi ko sinagot ang tanong niya dahil alam kong alam na niya ang sagot. Pinagmasdan ko lang silang dalawang mag-asawa na nakatayo sa aking harapan, handang mamatay para sa aming nasyon. Isang bagay na hindi ko maintindihan.
Bakit hindi sila lumalaban? Bakit nakatayo lang sila at hinahayaan ako sa ginagawa ko? Patibong ba 'to para mahuli ko? Pero kung oo, bakit hinayaan nila akong patayin ang lahat ng myembro ng Kuran Clan bago nila tapusin ang buhay ko?
"Naiintindihan ko kung bakit mo ito ginagawa. Kung ito lang ang magliligtas sa buong Arkania ay tatanggapin namin," ani Gref sa akin, ang asawa ng kumupkop sa akin.
Itinaas ko ang espada na puno na ng bahid ng dugo ng mga assassin sa aming kaharian. Hindi magtatagal ay mababahiran na rin ito ng kanilang dugo— dugo ng dalawang taong nagbigay pahirap sa buhay ko.
Nagawa kong makapasok sa silid ng pinuno dahil sa aking kakayanan. Sila ang nagturo sa akin kung paano humawak ng espada. Sila ang nagturo sa akin kung paano kumitil ng buhay pitong taon pa lamang ako. Kaya siguro hindi na rin sila nagulat nang dumating ang araw na ito. Ang araw na sila naman ang papatayin ko gamit ang mga bagay na itinuro nila sa akin.
Ang isang bagay na habang-buhay nilang pagsisisihan.
"Alam kong darating ang araw kung saan sasali ka sa Black Knights," sabi ng tumayo kong ama na si Cloud Kuran. May bahid pa ng ngiti sa kaniyang mga labi na para bang matagal na niyang hinihintay ang pagkakataong ito.
"Naging madilim ang buhay mo nang dahil sa clan. Patawarin mo kami, anak," sabi naman ng tumayo kong ina na si Gref Kuran.
Napahigpit ang hawak ko sa espada. Kailangan na nilang tumigil sa pagsasalita. Kung hindi nila iyon gagawin, mawawalan ng saysay ang ginagawa ko.
"Masaya kaming mamamatay sa kamay mo, Clairn. Matalino kang bata. Alam mo kung ano ang makabubuti sa buong Arkania," pagpapatuloy pa niya.
"Tumigil ka na, please," bulong ko.
Ngumiti silang pareho sa akin, naiintindihan kung ano ang gusto kong iparating.
Bakit ganito sila magsalita ngayon? Bakit parang ako pa ang dapat sisihin sa mga nangyayari? Bakit nakararamdam ako ng konsensya sa loob ko na hindi naman dapat mangyari?
Sila ang may maitim na balak sa lugar na ito. Sila ang may balak na puksain ang reyna ng Arkania, ang kaibigan kong si Jas. Kaya hindi ko dapat maramdaman ito.
Gamit ang espadang hawak ko ay ginilitan ko sila ng leeg pareho. Sabay na bumagsak ang katawan nila sa sahig nang matapos iyon. Bumaha agad ng dugo sa lapag nang dahil sa natamo nilang sugat sa leeg.
Napapikit ako at nagsimulang maglakad patungo sa pinto.
Ngayon... ang asawa at anak ko na lang ang kailangan kong patayin para matapos na ang lahat ng ito.
Dali-dali akong nagtago sa dilim nang bumukas ang pinto ng silid. Tanaw ko mula rito ang pagpasok ni Gab, ang aking asawa.
Tulad ng inaasahan ko, gulat siya sa kaniyang nakita. Napatakbo siya at napaupo sa tabi ng mga magulang namin, hindi malaman kung ano ang gagawin. Kung hahawakan ba niya o sisigaw para humingi ng tulong.
Nabitiwan pa niya ang espadang hawak na may bahid na rin ng dugo. Mukhang sinubukan niya ring harapin ang mga assassin na nakapasok sa kaharian namin nang dahil sa 'kin.
Napapikit na lang ako dahil hindi ko iyon kayang tingnan. Hindi ito ang tamang oras para magpakita ng awa at kahinaan lalo na sa harap niya.
"A-Amang Cloud... Ina... sinong—"
Hindi na niya natapos ang sinasabi dahil napaiyak na lang siya nang tuluyan, isang bagay na hindi ko inaasahang makikita ko sa isang tulad niya.
"Alam kong nandito ka pa. Lumabas ka na at harapin ako. Sino ka at bakit mo ito ginagawa?" bulalas na tanong niya.
Unti-unti kong inihakbang ang mga paa ko upang tumapat sa liwanag na nanggagaling sa bilog na buwan. Hindi na ako nag-abalang punasan ang bahid ng dugo sa pisngi ko nang maramdamang may tumutulo roon. Kung dugo iyon ng mga napatay ko o sa akin, hindi ko alam.
Nagawi ang tingin niya sa pwesto ko. Imbis na matakot ako, mas tinibayan ko pa ang loob ko upang matapos ko ang misyon na ito.
"C-clairn..." Nanlalaki ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa akin. Naglakbay pa ang tingin niya sa kabuoan ko na para bang hindi pa rin makapaniwala.
Tinitigan ko lang siya habang nakaluhod sa harap ko, yakap si Inang Gref at nanlalaki ang mga matang nakatingin sa akin.
"P-paano? Bakit?" tanong niya, hindi alam kung ano ang unang itatanong.
Napatingin siya sa hawak kong espada. Ang espadang puno ng dugo at ang espadang pumatay sa mga tumayo kong mga magulang. Napayuko siya sa harap ko.
Itinutok ko ang dulo ng espada sa kaniyang leeg. Napatingala naman siya sa akin at sa hindi malamang dahilan ay napangiti pa siya.
Ito na naman sila, hanggang sa huli ay pinararamdam pa rin nila sa 'kin na ako ang may kasalanan ng lahat at mali ang nagiging mga pasya ko.
Nahigpitan ko ang pagkakahawak sa espada.
Dapat ay nagagalit na siya sa akin. Dapat sinisisi na niya ako at tinatanong kung bakit ko ito ginagawa! Iyon dapat ang normal na reaksyon niya. Pero ito siya at patuloy pa rin akong pinahihirapan kahit na sa huling oras na nalalabi sa buhay niya.
"Ibang-iba ka na sa Clairn na nakilala ko," panimula niya. "Wala ng emosyon ang mga mata mo, ang mga matang nakapagpahulog sa akin, ang mga matang minahal ko."
Hinigpitan ko pang muli ang pagkakahawak ko sa espada. Kung may ihihigpit pa nga ba ito.
Minahal? Hindi ka marunong magmahal, Gab. Hindi marunong magmahal ang angkan ng mga Kuran.
Imbis na sabihin iyon sa kaniya ay pinili ko na lang na itikom ang bibig ko. Less talk, less mistake.
"Pero alam kong hindi ka pa rin nagbabago. May dahilan ka kaya mo nagagawa ito, hindi ba? At mapapahamak ka kapag sinabi mo. Kaya naiintindihan ko kung bakit mo ito ginagawa. Hindi kita sinisisi."
"Tumigil ka na," pagbabanta ko at mas lalo pang nilapitan ang espada sa leeg niya. Nagsimula iyong dumugo ngunit hindi man lang siya pumiksi o nagpakita ng kahit anong bahid ng sakit.
Ngumiti siyang muli sa akin nang dahil sa sinabi ko. May panibagong luha ang pumatak sa pisngi niya kaya itinaas ko na ang espada, handa nang kitilin ang buhay ng lalaking nagpababa sa pagkababae ko.
"May gusto lang akong sabihin sa iyo bago mo ito gawin. Isang pabor lang bago ako mamatay, mahal kong asawa."
Tiningnan ko lang siya, hinihintay ang susunod niyang sasabihin. Hindi ko alam kung magagawa ko ba iyon pero gusto ko pa ring marinig kung ano.
"Si Chloe..."
Napatigil ako sa paghinga saglit dahil sa sinabi niya.
"Kasama siya ngayon ni Hansel. Alagaan mo sana siya," sabi niya pagkatapos ay biglang natawa. "Kahit na alam kong gagawin mo naman talaga iyon kahit na hindi ko sabihin. Ngayon... makakapagpahinga na ako. Mag-iingat ka, mahal kong diyosa."
Isang malakas na pagwasiwas ang ginawa ko sa espada. Pikit-mata ko iyong ginawa kaya tanging pagtalsik na lamang ng malapot na likido ang naramdaman kong tumama sa mukha ko. Kasunod niyon ay ang pagbagsak ng lupaypay niyang katawan sa sahig.
Huminga ako nang malalim at pinigilan ang emosyong nagpupumilit kumawala sa dibdib ko. Bilang isang assassin ay tinuruan kaming huwag magpakita ng kahit anong emosyon lalo na kung nasa gitna kami ng isang misyon at iyon ang ginagawa ko ngayon. Iyon lang ang tanging magagawa ko ngayon.
Kailangan naming patayin ang mga taong kailangang patayin.
Pinunasan ko ang pisngi ko nang maramdaman ko ang pagtalansik ng dugo rito. Inilagay ko ang espada sa lalagyan nito at saka naglakad patungong silid ng aking anak.
Siya na lang ang kailangan kong patayin para makawala na ako sa pagkakatali ko sa Black Knights.
BINABASA MO ANG
Arkania's Assassin Goddess
Mystery / Thriller[ARKANIA SERIES #2] "There's only one thing to do, to save the whole Arkania; that is to kill all of the members of my clan -- my whole family."