Ikaanim na Kabanata
Pagbangon
Point of View: Clairn Novich Kuran
Dahan-dahan kong idinilat ang mga mata ko. Tiningnan ko ang paligid at napagtantong nasa isang silid ako. Saglit pa akong napatulala at agad napabalikwas nang upo. Nang dahil sa ginawa ko ay 'saka ko lang naramdaman ang sakit ng buo kong katawan. Agad akong napahiga ulit at napahawak sa tagiliran ko habang umiingit sa sakit.
Nang medyo mawala na ang sakit ay 'saka ko ulit inilibot ang paningin ko. Hindi ako pamilyar sa lugar. Para akong nasa loob ng isang tahanan ng may kayang pamilya. Ang dami kasing gamit sa loob at halata mong mamahalin ang mga babasaging kagamitan. Ang ilan pa sa mga iyon ay kulay ginto. Hindi na rin panlalaki ang suot ko at mukhang nabihisan na rin ako. Kulay asul ang hanbok na suot ko ngunit wala akong balabal pang-itaas. Ang tanging tumatakip lang sa parteng iyon ay isang puting tela. Nang silipin ko ang panloob ko ay napansin kong may benda ang buong itaas ng katawan ko.
"Gising ka na, binibini," bati ng isang lalaking hindi ko kilala. Ito na naman ang binibini. Hindi na matapos-tapos. Hindi na ako isang binibini. May asawa na ako. Pero imbis na punahin ay hinayaan ko na lang. Hindi naman nila alam. Ayon sa suot niya, isa siyang manggagamot sa lugar na ito. Pero hindi tulad ng doctor sa amin na halos may edad na, parang kasing edad ko lang ang isang ito. Kulay puti ang kaniyang suot, tanda na isa siyang manggagamot. May mga benda rin sa kaniyang likuran at ilang mga maliliit na bote.
"Sino ka?" tanong ko sa kaniya. Inilibot ko ang tingin ko. "Nasaan ako?"
"Huminahon ka, binibini. Nasa ligtas kang lugar ngayon."
Napalunok ako dahil sa tuyo ang lalamunan ko. Gusto ko sanang manghingi ng maiinom. Siguro naman ay bibigyan nila ako. Niligtas nga nila ako mula sa kamatayan, hindi ba nila ako mapagbibigyan sa isang simpleng tubig lang? Hindi nagtagal, may isang babaeng pumasok. Sa tingin ko ay kasing edad ko lang din siya at ayon sa kulay ng suot niya ay isa siyang katulong. Kulay rosas ang kaniyang mahabang damit na umaabot sa kaniyang paa.
"May kailangan ka po ba, binibini?" tanong niya sa akin habang bahagyang nakayuko pa rin.
"Ahmm... pwede ba akong makahingi ng tubig?" tanong ko.
Bahagya siyang yumuko at 'saka ako dinalhan ng tubig. Para bang ngayon lang ako nagkaroon ng lakas para tumayo dahil kanina pa tuyo ang lalamunan ko. Sinipat ko ang braso ko, may benda rin iyon. Ngayon ko lang din napansin na pati ang binti ko ay may benda. Para tuloy akong naglalakad na mummy. Muli kong nilibot ang paningin sa paligid. Hindi talaga pamilyar. Iba talaga ang hatid sa 'kin ng mga hindi pamilyar na lugar. Nakatatakot. Nakababahala. Para bang wala na ako sa mundo ng mga tao at nandito na ako sa langit. Pero ano ang ginagawa ko sa langit?
"Nasaan ako?" tanong ko sa babae. Nakayuko pa rin siya sa isang gilid at nakatayo na para bang walang balak umalis hangga't hindi ko sinasabi.
"Nasa isang silid ka sa loob ng palasyo, binibini."
Napanganga ako nang dahil sa sinabi niya. "Palasyo? Hindi ako pwedeng manatili rito," sabi ko, natataranta man ay hindi ko pa rin pinahalata sa kanila. Sinubukan kong tumayo. Kahit na masakit pa rin sa binti ay kaya ko naman ang lumakad. Paniguradong bukas lang ay magaling na ang katawan ko. Hindi man tuluyan ay sapat na para makatakas ako.
"Hindi po maaari, binibini. Mahigpit na ipinagbabawal sa amin ang palabasin ka rito hangga't hindi dumarating ang prinsipe," aniya, kalmado lamang ang boses at parang walang pakialam kung umalis man ako o hindi. Pinigilan din ako ng lalaking doctor sa pagtayo kaya kinunutan ko sila ng noo.
"Prinsipe? Siya ba ang nagligtas sa akin?"
"Hindi ko po alam, binibini. Pero dala ka po ni Chief Rhonwen dito na matalik na kaibigan at kanang kamay ng prinsipe." Hindi ko na siya pinakinggan pa. Kailangan kong makaalis dito dahil baka mahanap na naman ako ng mga Black Knight. Hindi ko alam kung kakampi ko ba talaga ang prinsipe na iyon o hindi. Niligtas man niya ako ay nakasisiguro akong may dahilan iyon.
BINABASA MO ANG
Arkania's Assassin Goddess
Детектив / Триллер[ARKANIA SERIES #2] "There's only one thing to do, to save the whole Arkania; that is to kill all of the members of my clan -- my whole family."