Lulan ng isang pampasaherong jeep, ako'y nagpunas ng sarili dahil sa walang tigil na pag-ulan. Sinamantala ko ang araw na ito habang walang pasok sa opisina. Matutuwa si Inay at nakuha ko na rin ang mga padala ni Ate – kape, sabon, de-lata at iba pa. Sa isang kapatid ko kasi sa San Mateo ibinagsak ang balikbayan box kaya't kailangan ko pang puntahan doon. Mabilis naman ang byahe, yun nga lang mahirap magpasalin-salin ng sasakyan kapag ganitong panahon.
Walang gaanong sakay ang jeep kaya't ito'y tumabi muna sa kahabaan ng Marcos Highway upang mag-abang ng mga pasahero. "Rosario, Pasig" ang sigaw ng barker. Habang abala sa pagtawag ng pasahero, abala din ang katabi kong babae sa pagpunas ng kanyang inuupuan. "Basa nga" sabi ko sa sarili sabay hawak sa aking puwitan.
Hiniram ko ang basahan at nagpunas na rin ng aking inuupuan habang patuloy ang pagsakay ng mga tao. "'Sario, Pasig, 'Sario" sigaw muli ng barker. Madaling napuno ang sasakyan kaya't walang bahid ng pagkainip ang mga pasahero.
Kinuha ng barker ang tip niya mula sa driver at isinilid ito sa bulsa ng kanyang maluwang na shorts. Umabante na ang aming sinasakyan. Walang stereo ang jeep kaya't tahimik sa loob ng sasakyan habang bumibiyahe.
Ilan sa mga pasahero ay may pinakikinggan gamit ang kanilang earphones. Napatingin ako sa kaharap kong babae. Di siya gaanong maganda sa unang tingin nguni't pag tinitigan mo'y lumalabas ang kanyang kagandahan. Kayumanggi at katamtaman ang pangangatawan niya. Mukhang estudyante dahil may suot s'yang I.D. at may nakasulat na "Tourism" sa lace nito. Di ko nga lang nabasa ang iba pang nakasulat dito.
Habang ang iba'y abala sa kanilang cellphones, tahimik lang siya, hawak ang kulay fuscha na Jansport backpack na nakapatong sa kanyang hita. Napansin niyang nakatingin ako kaya't inalis ko ang pagkakatingin sa kanya.
Patuloy ang biyahe, may bumababa at may sumasakay. Rush hour na rin kasi at umuulan pa kaya't maraming pasahero. Panay pa rin ang sulyap ko sa babaeng nasa harapan ko. Doon ko napansin na maganda nga siya at mukhang matalino. Ang hitsura niya ay 'yung mga nakikita kong sumasali sa beauty pageant – Filipina beauty ,'ika nga. Siguro'y may sampung taon ang tanda ko sa kanya. Pero 'di naman pinag-uusapan ang edad pagdating sa pag-ibig, 'di ba?
Maya maya'y nagbayad na siya ng kanyang pamasahe. Malapit lang pala ang bababaan niya, sa isip isip ko.