INUTUSAN ni Tita Dhes si Jonathan na iuwi na ako ng umagang iyon. Halatang natakot siya sa mga tinuran ni Chroa. Itinuring niya iyong banta sa aking kaligtasan. Subalit, sa halip na umuwi, nakiusap akong dalhin niya muna ako sa ibang lugar. Iyong tahimik. Iyong kami lang. Dahil doon, dinala niya ako sa bahay na inuupahan niya.
"Mag-isa ka lang ba rito?" tanong ko.
"Oo. Pasensiya ka na kung medyo magulo," aniya habang dinadampot ang ilang dyaryo at iba pang kagamitan na nakapatong sa mesa. Itinabi niya ang mga iyon at pinunasan ito.
"Nasa'n ang pamilya mo?" tanong kong muli habang iginagala ang aking paningin.
"Ulila na ako. Iniwan kami ni Tatay no'n kaya si Nanay na lang ang nagpalaki sa 'kin. Isang taon na ang nakalilipas nang mamatay siya," kwento niya.
"Ah, sorry."
"Okay lang. Magkape muna tayo. Mabuti na lang bumili ako ng biskwit kanina," alok niya sa akin. Kaagad naman siyang nagtimpla para sa aming dalawa.
"Pasensiya ka na talaga."
"Para 'yon lang. Ako nga dapat ang mahiya sa 'yo."
"Alam mo, may pinag-iipunan akong bahay. Mabibili ko rin 'yon," nakangiti niyang tinuran.
"Masipag ka naman. Kayang-kaya mo yan."
"Malay mo, mas maganda pa ro'n ang mabili ko para sa 'yo."
"Para sa 'kin?" Napamulagat ako.
"Para sa 'tin?" makahulugan niyang balik-tanong.
"Jon, masyadong komplikado ang sitwasyon para isipin pa ang mga ganyang bagay. Sorry, pero ayaw kong umasa ka," paliwanag ko.
"Mahal mo pa ba siya?" malungkot niyang tanong.
Napailing ako. "Hindi pa ako handang magmahal ulit."
"Handa akong maghintay," tugon niya.
"Bakit hindi ka mangarap para sa sarili mo? Bakit kasama pa ako? Baka masaktan ka lang. Napakabuti mong kaibigan para masira lang nang dahil sa 'kin."
"Bahagi ka ng pangarap ko at hindi ko isusuko 'yon. Hindi ko man maunawaan ang mga nangyayari at kung ano ka ba talaga, hindi ito dahilan para itapon ko 'yon," tugong hindi ko alam kung ituturing kong isang pangako.
"Natatakot ako," pag-amin ko.
"Saan?" tanong niya.
"Baka hindi mo rin ako matanggap. Isa pa, bawal sa isang katulad ko ang umibig sa isang mortal," sagot ko na nagpakunot ng kanyang noo.
"Anong sinasabi mo?"
"May aaminin ako sa 'yo. Sa 'yo ko lang sasabihin 'to," mariin kong tinuran.
"Makikinig ako."
"Isa akong Kataw. Isang Taong-Kalapati. Isang prinsesa sa ibang mundo. Ang bunga ng pagmamahalan ng isang Kataw at mortal. May mga kakayahan ako na hindi kayang gawin ng isang ordinayong tao na katulad mo," pagpapakilala ko sa kanya ng aking tunay na pagkatao.
Mayroong pagdududa sa kanyang mga mata ngunit patuloy siyang nakikinig.
"Si Chroa?"
"Sa pagkakaintindi ko kanina, isa siyang Tawak. Isang Taong-Uwak. Ang angkang gustong sumakop sa tahimik naming lupain," sagot ko.
"At ang tunay mong pangalan ay, Bukang-liwayway?" urirat niya.
"Nang dalhin ako rito ni Papa, Dawn na ang ipinangalan niya sa akin. Pero 'yon nga ang aking tunay na pangalan. Itinakas niya ako no'ng bata pa ako dahil gusto akong patayin ng mga Tawak."
BINABASA MO ANG
BLUE MOON
FantasyWW1-Short Novel Writing Contest Entry ~ @ Top 7 --- Sa mata ng pag-ibig, mahalaga nga ba ang anyo para mahalin? Nililimitahan ba nito ang patutunguhan? Katanggap-tanggap bang lisanin ang isang pusong tunay na nagmahal dahil lang kakaiba siya? O naka...