Copyright © ajeomma
All Rights ReservedKakaibang putik
TILA KAHAPON lamang ang iyong NAKARAAN.
Impit ang iyong pagluha habang hinahagod ng tingin ang iyong mga obra, at sa kanang kamay ay tangan ang bilog na bote ng nakalalasing na alak. Panay na panay ang pagtungga mo sa laman, animo nilalagok ay tubig lamang. Waring nais mo'y mapatid ang nararamdamang uhaw at lunurin ang iyong nanunuyong lalamunan.
Ang nais mo'y malasahan ang likidong mapait at hindi ang mga salitang masasakit na naglagos sa iyong pusong maramdamin. Ang pang-aalipusta at paghamak ng mga taong kapita-pitagan ay nais mong makalimutan, at kung maaari nga lang, burahin nang tuluyan upang hindi na magnaknak ang pagkatao mong nasugatan.
Nangangatal ang iyong kamay habang pinapahid ang luhang ang pagpatak ay 'di mapigilan. Nagngangalit ang iyong bagang, at ang ngipin ay magkadikit, nagkikiskisan gawa ng galit. Panay ang iyong iling na tila isang baliw dahil paminsan-minsan ikaw ay nangingiti.
Nang maubos ang iyong inumin, ang bote'y sa malayo mo inihagis. Lumikha ng tunog ang nabasag na bubog, kasunod ng iyong malakas na hagulgol. Tinitigan mo ang boteng basag tulad ng iyong pagkataong pakiramdam mo'y nawarak. Naikuyom mo ang palad at ang mga mata'y tumalim habang namumula naman ang magkabilang pisngi. Hindi lang dahil sa espirito ng alak na sa iyo ay sumanib, kundi sa hinanakit at pagkamuhing nagsisimulang umahon sa iyong dibdib.
Dahan-dahan mong ipinaling ang paningin paligid. Hinagod ng tingin ang mga nilikhang sining. Mga mukha ng mga kakaibang nilalang na nagmula sa iyong mga panaginip, at mga imaheng nilikha ng ilusyong tanging ikaw ang nakamamasid. Ang mga iyon ay nanggaling sa pook na iilan lang ang nakararating. Mga katulad mo lamang na ang isip ay nakapaglalakbay at nakababalik sa mundong puno ng hiwaga at pantasyang daigdig. May malalaki, maliliit; may lumilipad sa himpapawid; lumalangoy at nabubuhay sa ilalim ng tubig; lumalakad, tumatakbo sa ibabaw ng lupang nasasapnan ng hiyas na makinang. Ikaw man ay nagugulat sa iyong sarili, ikaw man ay humahanga sa nararating ng iyong isip.
Hindi ka mapakali hanggang hindi nailalabas ang lumiligalig. Pakiramdam mo'y punong-puno ang iyong ulo sa dami ng konseptong nagsisiksikan sa iyong isip. Matatahimik ka lang at mapapayapa kapag mga ito'y naiguhit, hanggang sa mabuo at mabigyang buhay gaya ng ninanais. Kaya kahit sa kalaliman ng gabi at pagtulog nang mahimbing, ikaw ay napapabalikwas at nagigising. Pusikit man ang liwanag, at sindi ng gasera ay aandap-andap, nalilikha mo ang nakita ng sub-conscious mind.
WALA KANG pamilya. Lumaki ka at nagkaisip sa isang lugar na pinamumunuan ng mga bulaang propeta; ng mga matatalinong taong nagpapanggap na tagaakay ng mga kaluluwang naliligaw at nais makita ang tamang landas. Kaya nang mamulat sa tama at mali, nagpasya kang tumalilis; walang paalam na umalis.
Mapanganib na lansangan ang iyong naging tahanan at malamig na semento ang iyong higaan. Sa kabila ng katayuan, hindi ka bumitaw sa pinaniniwalaan. Nagtitiwalang hindi ka pababayaan ng MAYKAPAL, at may lugar sa mundong SIYA ang may lalang.
Wala ka mang pinag-aralan, ikaw naman ay biniyayaan ng malikot na imahinasyon at mahuhusay na kamay. Kaya abot-abot ang pasasalamat mo sa talentong sa iyo'y pinahiram. Habang tinatanaw ang bituing higit sa iba ang ningning, ang pangangarap ay nakasanayan mong gawin. Ginagamit mo iyong lakas at tibay sa pagsalubong ng komplikadong bukas. Sa panibagong umaga na minsa'y kinatatakutan mong dumating, sapagkat paminsan-minsa'y pinanghihinaan ka ng loob at naninimdim. Sinasaway mo na lang ang iyong sarili at pinatatapang ng mga panaginip na nangyayari kahit ika'y gising.
Pinaghugutan mo ng sigla at inspirasyon ang napanood, nang minsang mapagawi ka sa isang karinderyang nakabukas ang telebisyon. Kagaya mo sila. May pagkakaiba ngunit kapareho; katulad mong malikhain at talentado. Nakita mo sila kasama ng kani-kanilang obra. Nasabi mo sa sarili, kung nakaya nila ay makakaya mo rin; kung ipagpapatuloy ang hilig, may tutulong at makapapansin.
Tiwala mo sa sarili'y unti-unting nadaragdagan sa tuwing sa iyo'y may lalapit, at nagpapagawa ng takdang aralin sa paaralan. Wala kang hinihinging kapalit o kabayaran. Malaking kasiyahan na ang pagbabalik nila, upang ibalitang mataas na marka ang nakuha. Ang sayang nakikita mo sa kanilang mukha ay kaligayahan na, lalo na't matamis ang kanilang ngiti habang nagsasalita.
Ang pasasalamat nila ay sapat na subalit hindi para sa kanila. Kaya dinadalhan ka ng pagkain, pinaglumaan ngunit maayos na damit at higit sa lahat, magagamit sa iyong sining. Tumatanggi ka man, sila pa rin ay nagpipilit. Iyon daw ay pasasalamat sa natatangi at angkin mong galing.
Sa kabila ng iyong kalagayan, turing nila sa iyo ay mataas; nirerespeto ka nila at hinahangaan. Madalas pa ngang sabihin na kung ikaw ay sisikat, huwag mo sana silang kalilimutan.
Ang kiming ngiti ay nanunungaw sa iyong labi at ang puso'y nagagalak sa positibo nilang sinasabi. Lumalakas ang iyong loob at inspirado sa pagkilos dahil mayroong naniniwala sa iyong talento. Sa maliit nilang kakayanan at munting pamamaraan, naitutulak ka nila upang hindi sumuko sa pag-abot ng 'yong pangarap.
Hinasa mo ang munting kaalaman sa lugar na iyong tinitirhan. Sa isang gibang bahay na walang hagdanan, ngunit malalapad ang mga bintana at pintuan. Maliit na porsiyento lang ng bahay ang nabububungan ng mga kalawanging yerong maraming butas. Magkagayunpaman, hindi ka nauulanan at naiinitan. Nakatirik iyon sa may kalakihang loteng madawag ang bakuran. Dahil sa iyong kalagayan, pinatira ka ng may-ari at sa iyo'y pinabantayan.
Orasan mo sa umaga ay tilaok ng manok, at pisik ng butiki o ingay ng tuko sa dapit-hapon. Ang kaulayaw mo'y mga sanga ng puno at nagsasayawang mga dahon. Kapiling mo ay makakapal na damo at nagtataasang talahib, at mga halamang kusang tumutubo at nagsisilaki. Sila ang kinakausap mo tuwing nalulungkot, kapag wala pa sa langit ang bituing paborito.
Ayaw mong maging pabigat sa lipunan, at sumandal sa mga taong maawain at may mabuting kalooban, kaya araw-araw ay lumalabas ka sa lansangan upang maghanap-buhay. Diyaryo at pandesal sa umaga ang iyong bitbit, at balot, mani at sitcharon ang laman ng iyong basket kapag gabi.
Papalit-palit ang uso; gaya rin ng panahong pabago-bago. Kapos ka sa gamit kaya ikaw ay naghanap ng kahalili sa mamahaling materyales na 'di mo kayang bilhin. Sa pagbaybay sa paligid, napansin mo ang lupa sa tabi ng nakalbo ngunit matipunong puno. Walang dahon ang mga sanga at ang katawan ay puro dagta. Dahan-dahan iyong naglalakbay pababa at tumutuloy sa bilo-habang hugis ng kulay tsokolateng lupa.
Maingat kang lumapit, hawak ang istik ng isaw na inulam mo kagabi. Inilubog iyon sa basang lupa na hindi pa man nahahawaka'y alam mo nang malagkit. Sinuri mo ang itsurang kley na nakuha gamit ang mga daliri. Bahagyang inilapit sa ilong at nilanghap ang amoy. Nalanghap mo'y mabangong katas ng kung anong dahon.
Dahil pino sa pandama at bahagyang malagkit, naisipan mong dumakot nang marami. Ika'y napangiti dahil sa balat ay hindi kumukulay at hindi kumakapit. Minasahe mo ang malagkit na putik at nilaro sa mga palad bago naisipang bumuo ng hugis. Nanlaki ang iyong mga mata sa natuklasang kakaiba. Nakapaghulma ka ng isang imahe gamit ang kulay tsokolateng lupa!
Umapaw ang iyong pananabik kaya nagmadali kang kumuha pa nang higit na marami. Gumawa ka ng isang imaheng medyo malaki. Sa tulong ng iba't ibang lapad at kapal ng brush na pampinta; nang kinanaw na sementong nakita mo sa bodega, napakinis mo ang iyong obra. Pinatuyo sa katamtamang init at hangin, at saka pinintahan ng tamang kulay. At nang makita ng mga kaibigan mo ang iyong natapos na obra, napanganga sila sa paghanga.
BINABASA MO ANG
Obra Maestra
Tajemnica / ThrillerDugo ang humahalo sa natatanging putik. Umaagos ang luhang pumait sa pagkamuhi, Tagaktak ang pawis habang hinuhulma ang hugis. Sa bawat paghagod ng mga palad at daliri, huni ng kakaibang ibon ang kasabay sa paghikbi. Labing tatlong hatinggabi sa n...