Obra Maestra

1.1K 72 9
                                    

Copyright © ajeomma
All Rights Reserved

OBRA MAESTRA

PATULOY sa pag-agos ang iyong luha habang mga kamay ay pinagmamasdan. Limang katao ang namatay dahil sa iyong kagagawan. Magsisi ka man ay huli na, hindi na maibabalik ang kahapong nagdaan. Patay na silang lahat at ayaw mo nang madagdagan pa ang bilang ng mga taong masasaktan. 

"Bakit mo sisisihin ang iyong sarili? Ano ba ang iyong pagkakamali upang ituring kang basahan at kawawain? Dapat lang sa kanila ang nangyari! Ngipin sa ngipin, patalim sa patalim! Tinapakan nila ang iyong pagkatao, ininsulto na tila ba wala kang damdaming masusugatan at magdurugo! Hindi ka ba tao? Ang puso mo ba'y bato na walang nararamdamang kahit ano? Naging malupit sila sa'yo! Tinabingan nila ang tanging liwanag na pinagkukunan mo ng kasiyahan sa pagsalubong sa isa na namang bukas; sa panibagong araw sa buhay mong nagbabata ng hirap! Pinatay nila ang pag-asa sa puso mo; ang tanging pangarap na nagdudugtong sa paghinga mo. Kaya dapat lang silang patayin! Upang mabawasan ang mga tulad nilang ang tingin sa mga tulad mo'y basurahan lamang ang mararating! Wala silang pakialam sa iyong paghihirap; sa iyong pinagdadaanan! Dapat silang mamatay upang hindi na pamarisan ; upang hindi na tularan ng mga taong tingin sa sarili ay nakahihigit at napakataas!"

Patuloy ka sa pag-iling. Umaagos ang luha dala ng masidhing pagsisisi. Ang isang bahagi ng utak mo'y tumututol sa nangyari. Hindi pumapayag sa katwirang isinasaksak sa gulong-gulo mong isip. Sumisigaw ang iyong kunsensiyang nabibigatan, humihiyaw at humihingi ng kapatawaran.  

Hirap na hirap man ay sinikap mong lapitan ang iyong huling nilikha. 

"Tama na," katagang paulit-ulit mong inuusal.

Pagmamakaawang ninais mong pakinggan at pagbigyan.

Pagod na pagod ka na.

Gusto mo nang magpahinga.

Sumusuko ka na.

Ayaw mo na.

Hinagod mo ng tingin ang iyong obra. Mapait na ngiti ang sumilay sa iyong mga labi. At sa paana'y yumakap ka nang mahigpit. 

"P-pa... a-a... l-lam," ang halos pabulong mong sambit, at saka huling hininga ay hinigit.

.

.

... SIMULA

"Buhay na buhay pati ang mga matang para bang nakatingin din sa tumitingin sa kanya."

"Tama ka. 'Yung lungkot niya nararamdaman ko. Naiiyak ako na ewan!"

"Ang galing ng gumawa sa kanya. Mula ulo hanggang paa walang kapintasan. Perfect! Deserving talaga ang obra maestra na ito para bigyan ng pinakamataas na parangal."

"Oo, kaya lang sayang. Patay na ang gumawa sa kanya."

"Replika siya ng artist 'di ba? Magkamukhang-magkamukha sila. Kapag tinitignan mo siya para ka na ring nakatingin sa gumawa sa kanya."

"P-pero, teka. Para kasing kamukha niya 'yung mamamatay taong pinaghahanap ng mga pulis. Yung description ng witness na pinakita sa TV noon."

"Yan nga rin ang napansin ko. H-hindi kaya..."

"Sus! Mabait siya, no? Masipag at matulungin."

"Paano ka naman nakakasiguro? Malay mo---"

"Imposible mangyari ang sinasabi niyo."

"Ha? Bakit naman?"

.

.

.

.

"Ipinanganak siyang putol ang mga hita, walang binti at mga paa."

.

.

.

Naririnig mo pa ba sila? 

Kung nasaan ka man, sana'y masaya ka na. Sana sa napuntahan mo'y wala na sa iyong umaalipusta. Sana'y hindi ka na nagtitiis ng gutom, hindi na umiiyak, hindi na hinahamak, hindi na nasasaktan at lumuluha. 

Kung sakaling wala pa ring nagbago... gumawa ka uli ng obrang kamukha mo. Iyong lahat ng gusto mong maging sa pangarap mong anyo; 'yong makikinig uli sa mga pagdaramdam mo; 'yong makikihati sa pagdadalamhati mo; 'yong makauunawa sa lahat ng hinanakit mo; 'yong tatanggap sa lahat ng kakulangan mo; 'yong makakasama mo sa bawat araw, at sa pagsapit ng gabi'y ... magtatanggol naman sa iyo. 

Muli kang lumikha ng isang OBRA MAESTRA. 

.

.

.

.

.

.

.

Likhain mo uli... AKO.

.

WAKAS

To GOD be the Glory.

Sana po ay naibigan niyo ang kuwentong ito. Antabay na lang muna sa iba pa nating mga kuwento, mga bebe kong mahal. Maraming salamat po sa inyong lahat.

~ajeomma




Obra MaestraTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon