UHS TRIVIA OF THE DAY
"DEMONYO SA SEMENTERYO"
NADAANAN MO NA BA ANG REBULTO NG DEMONYO SA SEMENTERYO NG TUGATOG, MALABON?
Sa sementeryo ng Tugatog, Malabon ay mayroong makikitang rebulto ng isang demonyo malapit sa isang nitso roon na nababalot ng misteryo at hiwaga. Makikita sa rebulto na may hawak itong armas na handang saksakin si San Miguel. Sa bandang kanan ng rebulto ay may makikitang sulat na naglalaman ng sagutan ng kabutihan at ng kasamaan. Ito ang nakasulat sa lapidang iyon:
LUCIFER: Bakit ka nakikialam sa kaharian ko dito, sa lupa ay hindi na kayo kundi ako ang hari ako ang nagturo kay Eva at Adan kaya nagkaroon ng sangkatauhan.
SAN MIGUEL: Ang lupa at langit ay gawa ng aking panginoon, kaya hanggang dito ang aming kapangyarihan.
LUCIFER: Bulaan. Hambog. Kung ano ang ibig ko ay siya ritong nasusunod. At hindi ang ibig ng hari mo. Digmaan, apihan, dayaan, sugal, lahat ng layaw ng katawan, naibibigay ko sa tao pati mga alagad ng panginoon mo napapasunod ko; ano ang ginagawa mo rito?
SAN MIGUEL: (Sa sarili) Panginoon kong nasa langit, nasaan ang kapangyarihan mo?
SAN MIGUEL: Tao, tulungan ninyo ako na labanan ang kasamaan, pairalin ang katarungan at pag-ibig sa kapwa. Iwaksi ang kasakiman sa salapi at kapangyarihan na pinagmumulan ng ligalig.
Balik tayo sa kuwento. Doon sa mga malapit sa Tugatog, Malabon dito, or kung sino man dito ang nadadaanan ang semeteryo ng Tugatog, Malabon, ano ang unang pumapasok sa isip ninyo kapag nakikita ninyo ang rebulto ng demonyo sa harap ng isang misteryosong puntod?
Marami ang naging kuwento-kuwento tungkol diyan. Ang sabi ng iba, aso raw ang nakalibing sa nitso kaya napa-ibabaw ang demonyo at napa-ilalim naman ang anghel. Ang sabi naman ng iba, dati na raw lasenggo ang nakalibing doon o masamang tao. Ayon naman sa iba, illuminati raw ang nakalibing doon kaya ito nagpagawa nang ganoong rebulto. Pero ang iba, sinasabing meron daw 'dahilan' ang may-ari ng puntod na iyon kung bakit nagpatayo ito ng rebulto ng demonyo sa harap ng puntod niya.
Ayon sa programang "Magandang Gabi, Bayan", ang pangalan ng taong nakalibing doon ay si Simeon Bernardo, isang fish pan operator at tubong Conception, Malabon. Ipinagawa raw niya ang rebutlong iyon bago siya namatay sa sakit sa puso noong ika-labing lima ng Agosto taong 1934.
Siguro'y isang malaking palaisipan sa inyo kung bakit naisipan ni Ginoong Bernardo na magpatayo nang ganoong rebulto sa harap ng kanyang puntod. Ang nakaka-alam sa dahilang iyon ay ang isa sa mga nabubuhay pa niyang anak na si Atty. Sumilang Bernardo.
Sa isang lumang diary na natagpuan ng katulong ni Atty. Sumilang Bernardo noon, nakasulat doon ang mga kaapihan at paghihirap na dinanas ni Ginoong Bernardo noong nabubuhay pa ito. Ayon sa diary, si Ginoong Bernardo ay laban sa mga kastila. Sinuway nito ang aral ng simbahan kung kaya pinagbintangan siyang Filibustero o rebelde o isang tulisan. Isa sa mga kaapihan na dinanas niya mula sa mga Kastila ay noong dinala siya sa itaas ng bundok at pinagpapalo sa init ng araw pagkatapos ay pinainom din siya ng isang balde ng tubig na pinaglagyan ng dumi ng tao.
Dahil sa mga kahirapan at kaapihang dinanas ni Ginoong Bernardo, nawala ang kanyang pananampalataya sa Diyos. Iyon ang dahilan kung bakit nagbilin siya na magpatayo ng rebulto ng demonyo sa kanyang puntod bago mamatay. Sinabihan din niya ang sampu niyang anak noon na huwag daw silang maniniwala sa kapangyarihan ng Diyos. Ngunit sa kasalukuyan, pito sa anak ni Ginoong Bernardo ang naging katoliko at sumuway sa bilin ng ama nang sila'y makapag-asawa na. Tatlo na lamang sa anak niya ang hindi sumira sa sumpa ng ama na huwag maniwala sa Diyos, at isa na roon si Atty. Sumilang Bernardo.
Ayon kay Atty. Sumilang Bernardo, hindi raw siya naniniwala sa langit o impiyerno. Bakit? Kung saan-saan na raw nakarating ang mga astronaut sa kalawakan ngunit wala man daw silang natagpuang langit o impiyerno. Kapag daw namatay na ang tao, tapos na raw ang lahat sa kanya. Hindi raw siya naniniwala sa life after death. Ang sabi pa niya sa interview sa kanya ng Magandang Gabi Bayan noon, wala raw talagang impiyerno. Ang impiyerno raw ay ito raw mismong mundo natin. Hindi rin daw siya naniniwala na may demonyo. Dahil ang demonyo ay ang mismong mga tao rin daw na gumagawa ng masama. Hindi rin daw siya naniniwala sa Diyos na s'yang magliligtas sa lahat ng tao, dahil kung totoong may Diyos, bakit daw marami pa rin ang taong namamatay sa hindi magandang paraan gaya ng patayan o torture.
MARAMI ang naniniwala na ang demonyo o satanas ay mayroon daw nakakatakot na anyo. May kakayahan din daw ito magpalit ng anyo gaya ng hayop, aswang, kapre, tikbalang, o manananggal. Meron daw itong isang kasuklam-suklam na anyo na hindi nanaisin makita nang sinuman kahit sa panaginip.
Batay naman sa bibliya, ang tinatawag nilang demonyo ay si Lucifer, ang pinakamagandang anghel noon ngunit pinalayas lamang sa langit dahil sa pagmamataas at pagsuway sa kagustuhan ng Diyos. Ang pagbagsak ni Lucifer ang sinasabing pinagmulan daw ng kasamaan at isa iyon sa mahalagang bahagi ng kristyanismo.
Ngunit para kay Atty. Sumilang Bernardo, ang demonyo ay ang mga tao rin mismo na gumagawa ng kasamaan sa kapwa at pagpatay sa kapwa.
Walang Diyos.
Walang Demonyo.
Walang Langit.
Walang Impiyerno.
Iyan ang paniniwala ni Ginoong Bernardo.
Alam n'yo mga haunters, hindi rin natin masisisi si Ginoong Bernardo na hindi maniwala sa kapangyarihan ng Diyos dahil din sa labis-labis na kaapihan at paghihirap na dinanas niya noon. Marami rin sa mga tao sa mundo ang nawawalan ng pananampalataya sa Diyos kapag sila'y nakakaranas ng malaking dagok o pagsubok sa buhay.
Pero ang totoong dahilan kung bakit nagpagawa ng rebulto ng demonyo si Ginoong Bernardo sa kanyang puntod ay hindi dahil sa hindi siya naniniwala na may Diyos. Ipinatayo niya ang rebultong iyon kung saan ang demonyo ang nasa ibabaw at ang anghel ay nasa ilalim dahil naniniwala siya na ang kasamaan ay patuloy pa rin daw nangingibabaw sa mundo mula noon hanggang ngayon. Iyon din ang paniniwala at sinabi ng kanyang anak na si Atty. Sumilang Bernardo noong na-interview siya sa Magandang Gabi, Bayan.
Kaya kayo mga Haunters, kung sakaling mangyari sa inyo ang kaapihan at paghihirap na nangyari kay Ginoong Bernardo, gagawin n'yo rin ba ang ginawa niyang pagtaboy sa Diyos? Magpapagawa rin ba kayo ng rebulto ng demonyo kapag kayo ay namatay na? Na sumisimbolo ng patuloy na paghari ng kasamaan, kriminalidad, droga, at patayan sa mundo?
Dito na po nagtatapos ang ating munting trivia tungkol sa rebulto ng demonyo na makikita sa sementeryo ng Tugatog, Malabon. Sana ay kapulutan ninyo ng aral ang trivia na ito pati ang masaklap na karanasan ni Ginoong Bernardo.
#UHSMonthlyTrivia
BINABASA MO ANG
Horror Trivia Collection Vol. 2 (University of Horror Stories)
HorrorMay mga bagay sa mundo na hindi mo dapat makita, pero kailangan mong matuklasan. Kaya naman naisipan ng University of Horror Stories na pagsama-samahin sa babasahing ito ang ilan sa mga mind blowing horror trivia na maaaring magbigay ng bangungot sa...