Narito ako ngayon, nasa isang madilim na silid, walang liwanag na sumisilay rito. Nakakandado at walang ingay, kasalukuyan akong nakasandig sa may sulok, habang patuloy na humahagulgol.
Di ko na kaya ang puot na nararamdaman ko!Para na akong mamatay sa sakit!
Sumilay ako sa may luma na mesang gawa sa kahoy na nasa gawing harapan ko, naaninag ko ang itim na ballpen at ang isang lumang kwadernong kulay lila, napapalamutian ito ng makikintab na sequins at glitters dahilan para mapukaw ang aking interes, matagal-tagal narin nang buksan ko ito.
May kung anong pwersang pumipilit saakin para kunin at buksan ito, hinanap ko ang kandila at posporo, sinindihan ko ito, kinuha ko naman ang kwadernong maalikabok, pinagpag ito at isa-isang binasa ang nakasulat.
Mga sulat ko ito noon mula sa musmos kong isipan. Mga sulatin na hinding-hindi ko malilimutan magpakailanman.
Lalong umagos ang butil ng mga luha saaking mga mata, hindi ko ito mapigilan, kahit na pinupunas ko ito gamit ang aking mga daliri, gusto pa rin nito magpakawala.
Sumariwa sa aking isipan ang mga alaala ng kahapon. Mga pangyayaring hanggang alaala na lamang.
May nakita pa akong espasyo sa mga pahina kaya napagpasyahan kong muling magsulat.
Para sa taong pinakamamahal ko,
Kahit na ilang beses mo akong saktan at paluhain, di ako susuko. Tayong dalawa nalang ang dapat na magkaramay sa mundong ito. Sigawan mo man ako at sabihan ng mga masasamang salita. 'Di magbabago ang pagmamahal ko sa iyo.Habang isinusulat ko ang mga katagang ito, inaala ko ang bawat masasayang sandali sa piling niya. 'Di ko maiwasang huwag magtangis, ramdam na ramdam ko ang sakit at pagdurusa maging paghihinayang. Napagpasyahan kong ipagpatuloy ito.
Di ko batid kung bakit dumating tayo sa ganito. Nagkakasakitan, walang kibuan, ayoko ng ganitong sistema. Pangarap ko sanang manumbalik ang iyong pagmamahal sa akin, handa akong maghintay at ibigay ang lahat sayo. Narito lang ako palagi, sana ay tandaan mo...Ayoko ng umasa, pero may nagsasabing mamahalin mo pa rin ako.
Di ko alam kung bakit ganito ang mga isinusulat ko, dala siguro ng bugso ng damdamin ko ngayon, ang hirap maiwan sa ere, ang hirap mawalan ng minamahal o di kaya ay mawala ang pagmamahal ng taong mahal mo sa iyo.
"Ano ka ba naman Eury, ang drama-drama mo" saad ko habang iniuuntog ng marahan ang ulo ko sa pader. Muli kong pinunasan ang mga luha ko. Sumalampak ako sa malamig na sahig, itutulog ko nalang ito, 'di pa ako na sanay lagi namang ganito ang sitwasyon ko araw-araw.
Ipinikit ko ang aking mga mata, pinipilit kong kalimutan kung ano man ang nangyari sa ngayon.
Kahit sana, sandali man lang sa aking pagtulog, sana ay mawala muna ang sakit na aking nararamdaman.
***
Kinabukasan, natagpuan ko na lamang ang akong sarili na nakasalampak sa silid na puro nilumaan ang nakalagay ang mga luma kong laruan, aparador, mesa at ano itong hawak ko?DIARY.
Binuklat-buklat ko ito, at naalala ko ang nangyari kagabi, napabuntong hininga na lamang ako, at tumungo sa may pintuan, umaasang bukas na ito.
Pinihit ko ito at sinilip ang sa labas, mukhang umalis na naman siya ng hindi nagpapaalam man lang, tinignan ko ang wall clock na nakasabit sa may pader.
Alas sais na ng umaga, tuluyan akong lumabas sa pintuan at tinungo ang kusina, may nadatnan naman akong platong nakapaibabaw sa hapag. Binuksan ko ito at bumungad ang kaning lamig at tuyo. Isang normal na agahan para sa isang normal na araw.