Paalam

6 0 0
                                    


Ipinanganak ako sa isang tipikal na pamilyang Pilipino. Isang mahirap, maingay at masayang pamilya. Lumaki ako na naranasan ko ang pagmamahal ng aking mga magulang at ang kasiyahan ng pagkakaroon ng mga kapatid.

Hindi ako panganay. Ako ay gitna sa aming limang magkakapatid. Alam ko kung paano gumawa ng mga gawaing bahay tulad ng paglalaba, paghuhugas ng pinggan at pagluluto ng ulam. Naturuan rin kami ng tamang asal at pakikisamang tao sa iba.

Kung ayaw mong gawin sayo, bakit mo gagawin sa ibang tao? Ito ang laging sinasabi sa amin ng aming mga magulang. Sila ay debotong mga katoliko. Marami silang itinuturong tama at marami rin ang akala ko'y tama. Pero dahil dito, lumaki akong marunong kumilala ng utang na loob at may malasakit sa ibang tao.

Hindi ako katoliko. Hindi ko masasabing relihiyoso akong tao ngunit naniniwala ako sa Diyos. Alam kong may Diyos. Hindi lang ako naniniwala sa relihiyon.

Ang dami ko nang nasabi ngunit wala itong kabuluhan.

Sa totoo lang, kaya ko sinusulat ang liham na ito ay para malaman mo kung bakit ito ginawa. Kung bakit ko piniling tapusin na ang lahat.

Una sa lahat, gusto kong malaman mo na hindi ko ito ginawa dahil sa iyo o para sa ibang tao. Dapat mong maintindihan na walang bagay sa aking nakaraan ang naging sanhi ng mga bagay na ito. Masaya ang aking naging kabataan. Kung may pagkakataon akong ibalik ang dati ay wala akong babaguhin kahit isa.

Nakatapos ako ng kolehiyo sa isang teknikal na kurso. Hindi man ito ang gusto ng aking mga magulang para sa akin ay masaya na rin sila na nakatapos ako kahit papaano. Nagkaroon ng konting kaginhawaan ang aming buhay nang mangsimula akong magtrabaho. Makakatapos na ang aking bunsong kapatid ng mangyari ang aksidenteng bumawi sa buhay ang aking nanay.

Hindi ako nagalit sa Diyos dahil dito. Wala akong sinisisi sa nangyari, kahit ang drayber na nakabangga kay nanay. Matagal ko na siyang pinatawad. Dapat mong maintindihan na matagal na kong payapa sa kalagayan ng aking ina.

Noong mga panahon na iyon nakilala kita. Kung naalala mo, kauumpisa pa lang ng taon at nagsimula akong magtrabaho sa bagong posisyon na ipinagkatiwala sa akin. Mabilis tayong naging magkaibigan dahil sa ating hiling sa mga libro at pelikula. Hanggang sa isang gabi na hinatid mo ako galing sa trabaho at sinabi mong may pagtingin ka sa akin. Simula noon ay naging magkasintahan tayo.

Ilang taon rin naging masaya ang ating pagiging magkasintahan. Gusto ka ng aking pamilya at maayos rin naman ang pakikitungo sa akin ng sa iyo. Nakatapos ang aking mga nakababatang kapatid at nagkaroon na rin ng sari-sariling buhay. Sa ating ika-limang anibersaryo, inaya mo akong magpakasal.

Araw-araw kong ipinagpapasalamat sa Diyos na nailakad ako ng aking ama sa simbahan bago siya pumanaw. Kung naaalala mo ay nagkasakit siya ilang araw bago ang ating kasal at pumanaw ilang araw matapos ito. Malaki ang lunggot na aking naramdaman noon. Wala na akong magulang. Ngunit sa kabila noon, masaya ako na may bago na akong pamilya na makakasama ko habang buhay.

Makalipas ang isang taon ay nagkaroon tayo ng supling na babae. Isang masigla at magandang sanggol na mahal na mahal natin ng buong puso. Hanggang ngayon, masakit pa rin sa akin ang pagkawala niya. Ngunit kilala mo ako. Naaalala mo ba ang sinabi ko sayo pagkatapos natin siyang ihatid sa kanyang huling hantungan? Na nasa langit na siya kung saan makakasama niya ang kanyang lolo at lola.

Alam ko kung ano ng tumatakbo sa iyong isipan ngayon. Kung wala rito ang dahilan, ano? Simple lang ang kasagutan. Pagod na ako.

Mahal kita. Mahal na mahal. Hindi ko kakayanin kapag nawala ka sa akin. Ikaw na lang ang nagbibigay sa akin ng lakas upang bumangon sa umaga at magpatuloy sa aking buhay. Hindi ko ito ginawa upang masaktan ka. Ngunit para sa akin, wala nang kabuluhan ang aking buhay. Hindi ko na alam kung bakit ako nagpapatuloy. Anong buti ang maidudulot sa akin kung lahat ng bagay na mahalaga sa akin ay wala na? Ikaw na lang ang naiiwan, at hindi ko kayang mawala ka pa. Ayokong maabutan ang mundo na wala ka roon. Kaya ako na lang ang aalis.

Paalam.

====================================================

Para sa aking sinta,

Ikaw ang buhay ko. Kung hindi mo kayang mabuhay ng wala ako, paano ako mabubuhay ng wala ka? Ayoko ring abutan ang mundo ng wala ka rito. Umalis kang mag-isa ngunit sa iyong paglisan, sasamahan kita. Hahawakan ko ang iyong kamay at hindi kita pakakawalan kailan man. Maging sa buhay o kamatayan, hindi kita iiwan.

Potpourri: A Collection of Short StoriesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon