Nagulat si Ursula sa sinabi ni Sam, pero saglit lang at napahinga rin siya nang malalim. Minsan talaga nakakaligtaan niyang may mga saltik nga pala ang mga taong narito.
"Tapos ka na ba? May gagawin pa kasi ako." Nanatili siya sa puwesto habang nakatingin sa salamin at doon sila nag-uusap ni Sam.
Ibubuka sana ni Sam ang bibig para sumagot kay Ursula nang walang ano-ano ay napahawak ang huli sa may takip niyang bibig at tumakbo sa kinaroroonan niya. Agad na tinanggal ang mask at dumahak sa lababo.
Napaatras si Sam nang makitang tatlong ngipin ang agad na lumagpak dito na lumikha pa ng tunog kasabay ng mga dugong nagmumula sa bibig ni Ursula. Mabilis na binuksan nito ang gripo at nagmumumog. May maliit na strainer sa butas ng lababo kaya hindi ganap na nahulog ang mga ngipin doon. Natutulalang hindi makapaniwala si Ursula sa nakikita.
Tatlong ngipin agad?!
Napapalunok siya kahit pa nalalasahan niya ang sariling dugo sa kaniyang dila.
Humugot siya ng ilang tissue na nakalagay sa lalagyang nasa kaliwang bahagi niya at dinampot niya nga ngipin gamit ito. Basta na lang din niya iyong itinapon sa basurahang nasa ilalim ng lababo.
Kumuha muli ng ilang tissue at habang pinupunasan ang labi ay napasulyap sa natitigilang si Sam na nasa kanan niya.
"Okay ka lang?" Mula sa tinitingnang lababo ay lumipad ang tingin ni Sam sa nagtanong na si Ursula.
"Nagsimula ka na palang magsulat. Wala ka na ngang kawala." Mahinang saad ni Sam na lalong nagpakunot sa noo ni Ursula.
Pero nang mahinuha niyang maaaring may alam si Sam sa mga hindi maipaliwanag na nangyayari sa kaniya; ang pagkalagas ng sunud-sunod ng kaniyang ngipin na hindi man lang siya nakaramdam ng sakit o kahit kirot, mabilis siyang lumapit sa pinto ng banyo at binalak na isara iyon.
Baka lang maliwanagan siya kahit kaunti at kahit pa nagdadalawang isip siya rito.
Pero laking gulat niya nang makita ang lola na matalim na nakatingin sa kaniya sa mismong pinto ng banyo ito nakapuwesto. Agad niyang ikinabit ang mask na nakasabit sa kaliwang tainga niya at kinakabahang tumango sa abuela bilang pagbati.
"Sumunod ka sa akin sa opisina!" at isa pang nagbabantang tingin ang iniwan nito sa kaniya bago lumabas ng kuwartong iyon.
Napabuga ng hangin si Ursula.
***
"Nagpa-check up nga po ako ng ngipin. Nagpabunot na rin kasi kagabi pa ako hindi makatulog gawa nang pananakit nito."Hindi na mabilang ni Ursula kung ilang beses na siyang nagpaliwanag kung bakit late na siyang pumasok. At paulit-ulit din nitong ibinabato sa kaniya ang linyang nakipaglandian lang daw siya sa kalye ng ganoon kaaga. Kahit pa, ipinakita niya ang reseta ng gamot at pati na rin ang botelya ng mga ito ay bahagya lang itong naniwala.
"Kapag nalaman kong may boyfriend ka na, sinasabi ko sa 'yo Ursula. Makakatikim ka sa akin ng hindi mo pa natitikman!"
Inilabas nito ang cellphone at nag-dial. Matapos na itapat sa kanang tainga ang cellphone, iminuwestra nitong maaari na siyang lumabas. Hindi na pinilit ng kaniyang lola na tanggalin ang kaniyang mask dahil sabi niya nga bagong bunot siya. Kaya kahit hirap silang magkaintindihan, hinayaan na lang siya nito.
Eksaktong pagliko niya sa isang pasilyo ay muntik niya pang mabangga si Noemi.
"Hi! Nakita mo ba si Christian? Kanina ko pa kasi kinokontak ang cell niya pero nakapatay ata." labas ang mapuputing ngipin nito at magiliw na kinakausap siya.
Iiling sana si Ursula ng halos sabay pa silang nagulat nang biglang lumabas kung saan si Christian at hinalikan sa labi si Noemi. Napaismid naman si Ursula sa nasaksihan.
Ang lalandi!
"What are you doing here, babe?" humilig pa si Christian sa ibabaw ng ulo ng nobya at nakangiting tumingin kay Ursula. Lalo tuloy nairita ang dalaga na parang ipinararamdam talaga nitong silang dalawa lang ang bagay.
Nakakainis!
"Eula, bakit may bakas ng dugo sa mask mo?" nakakunot ang noong umalis ang doktor mula kay Noemi at binalak na hawakan ang mask niya pero agad na nakaiwas si Ursula.
"Wala ito. Sige mauuna na ako." Bahagya pa siyang tumango sa dalawa at mabibilis ang hakbang na dumiretso ng locker room.
Nagkakatinginan ang dalawa at nakangiting inakbayan ni Christian ang nobya. Kumpleto na naman ang maghapon niya at narito ang pinakamamahal.
***
Hindi makapaniwala si Ursula na sa huling pagdura niya sa lababo ay parang naubos na ata ang lahat ng ngipin niya sa dami niyon! Kahit pa naghahalo sa dugong iniluwa niya, sigurado siya sa bagay na iyon. At tama nga ang hinala niya nang tingnan niya mismo sa harap ng pahalang na salamin. Ibinuka niya pang maigi ang bunganga at halos puro gilagid na lang ang nasisilayan niya. Kinapa niya pa ang palibot nito gamit ang dila at wala na ngang natira sa ngipin niya.Nanghihinang napahawak si Ursula sa gilid ng lababo habang nanatiling nakatingin sa salamin at hindi makapaniwalang nakatikom ang bibig.
Ano ba talagang nangyayari?!
Ilang segundo rin siyang hindi makapag-isip ng matino sa dapat niyang gawin. Mayamaya pa ay naluluhang hinagilap ang cellphone sa bag para kontakin ang kaniyang dentista. Hindi maaari ang ganitong sa isang iglap ay nawala ang buong ngipin niya! Sa hindi pa niya malamang dahilan!
Subalit, dala siguro ng katarantahan hindi niya mahanap ang aparato. Naiinis na ini-lock niya muna ang pinto ng banyo para wala munang ibang pumasok bago ibinuhos ang lahat ng laman sa gilid ng lababo.
Inisa-isa niya ang mga gamit at hindi sinasadyang matabig ang notebook ng wishlist. Lumagpak iyon sa kaniyang paanan nang nakabukas. Binalewala iyon ni Ursula at nagmamadaling dinampot ang cellphone. Agad na dinayal ang numero ni Dra. Bautista bago itinapat sa kanang tainga. Nakakatatlong ring na iyon nang sumagot ito sa kabilang linya.
"Hello, Dra. Mira. Puwede ka ba..." hindi naituloy ni Ursula ang sasabihin nang mapasulyap sa bandang paanan at makita roon ang notebook. Nakakunot ang noong ikiniling pa ang ulo para siguraduhin kung tama ba ang nababasa niya sa naglalakihang may letra nito.
At bigla, sabay nang pagtutop niya sa kaniyang bibig ay ang pagbagsak ng kaniyang cellphone sa sahig.
Nabigla siya sa nabasang nakasulat mismo sa wishlist!
Wishlist 3:
Ursula
2017
BINABASA MO ANG
Wishlist 3: Ursula
TerrorAno ang hiling ng mayamang si Ursula? Ang pangatlong libro ng wishlist, susubukin muli ang kakayahan ng mga gustong humiling. Na may kaakibat na utos. Kailangang sundin ni Ursula ang lahat, kapalit ng kaniyang nais. Mapagtagumpayan kaya niya o gay...