* * *"Sir, heto na po ang kape niyo."
Maingat na inilapag ng waiter ang isang tasa ng espresso sa mesa. Maigi ko itong tinitigan at bahagyang napangiti nang may isang napaka-espesyal na alaala ang sumagi sa isip ko.
Isang malamig na umaga tatlong taon nang nakalipas. . .
"Binalaan na kita pero hindi ka nakinig kaya magtiis ka hangga't hindi ka nagtitino!!!"
Isang napakagandang pambungad ng araw. Nasa labas ako ng isang convenience store habang sinisermunan ni papa sa telepono. Pinutol niya lahat ng credit cards ko. Ipina-hold lahat ng bank accounts ko at maaaring sa susunod ay ipaputol na rin niya ang linya ng telepono ko.
Wala akong ibang pwedeng sisihin sa lahat ng kamalasang ito kundi ang magaling kong tiyahin. Dalawang taon buhat nang mamatay si mama, pinakasalan siya ni papa kahit na ito ay labag sa kagustuhan ko. Naisip ko, kung hindi ko man sila kayang buwagin, mas mabuti pang gawin kong miserable ang buhay nila.
Nagrebelde ako sa pag-aakalang magugulo ko sila. Subalit ang nangyari, buhay ko mismo ang unti-unti kong sinira.
"Galit ako sa 'yo pa. Galit na galit ako sa 'yo!" padabog kong sabi bago tinapos ang tawag.
At dahil sa wala akong maipambili ni isang balot ng biskwit, nagpasya na lamang akong maglakad pabalik ng kotse. Bubuksan ko na sana ang pinto nito nang may marinig akong sumigaw, dahilan upang agad akong mapalingon.
"Magnanakaw!!!"
Kasabay ng sigaw na yun ay ang paglipad ng kung anong matigas na bagay at tumama sa kanang pisngi ko. Sa sobrang sakit, hindi ko napigilang magmura. Napayuko ako at napansin ang isang itim na sapatos sa aking paanan.
"Naku, sorry!" sigaw ng isang babaeng tumatakbo papunta sa kinatatayuan ko.
Nang tuluyan na siyang makalapit, mabilis kong hinawakan ang braso niya. Bubulyawan ko na sana siya nang bigla naman niya akong kagatin. Dahil dito, agad ko siyang nabitawan. Mabilis niyang pinulot ang sapatos at kumaripas nang takbo.
"Sorry talaga!" pahabol niya.
Pambihira.
Nang sumunod na araw, nagpunta ako sa isang kaibigan upang makahiram ng pera at walang-wala na talaga ako. Nakakahiya. Kelan pa naubusan ng pera ang isang Jensen Madrigal?
Habang naglalakad, isang napakapamilyar na mukha ang nakita ko sa kabilang kalye. Hindi ako maaaring magkamali. Siya yung babae kahapon. Kausap niya ang isang may edad na babae at dalawang binibining hindi nalalayo ang edad sa kanya.
Tatawid na sana ako nang bigla akong matigilan sa mga sumunod na nangyari. Malulutong na sampal at marahas na sabunot ang inabot niya habang iyak siya nang iyak. Nang makaalis na ang tatlo, agad ko siyang nilapitan at kinausap.
"Sira ka ba? Ba't hindi ka lumaban?"
Hindi ko na napigilan ang magalit dahil sa mga nakita lalo pa't hindi man lang niya nagawang ipaglaban ang sarili. Dahan-dahan siyang tumingala at di hamak na mas matangkad ako ng ilang pulgada sa kanya.
"Di ba ikaw yung-"
"Oo, ako yung binato mo ng sapatos kahapon," putol ko habang nanatili siyang gulat at tila nahihiya. "Anlakas ng loob mong humabol ng magnanakaw pero hindi mo magawang ipagtanggol ang sarili mo. Ibang klase ka."
"Nandito ka ba para singilin ako?" bigla niyang tanong na siyang ikinapagtaka ko.
Marahil ay nabasa niya ang pagkunot ng aking noo kaya nilinaw niya ang sarili sa pagtuturo ng namuong pasa sa pisngi ko.
BINABASA MO ANG
Espresso a Day (One Shot)
De Todo"Hindi ako ang tipo ng taong mahilig sa kape ngunit mabilis akong sumang-ayon." Nagsimula ang lahat sa isang di inaasahang pagkakataon na siyang nakapagpabago ng mga tipikal na araw ni Jensen. * * * Ang maikling storyang ito ay isang orihinal na kat...