"Bitawan niyo ako sabi!!"
Dinampot ko ang kahoy na nakita ko at pinalo ang isa sa mga lasing na lalake na nakapalibot sa dalaga.
"Aray!"
Dahil sa ginawa ko ay natuon ang atensyon nila sa akin. Nanlinsik ang mga mata nila at napakuyom sila ng mga kamao.
"Mukhang may gustong makialam sa atin." ngising sabi ng pinalo ko habang ginagalaw niya ang braso niya na pinalo ko.
Hindi ako nagsalita at inayos ko ang hood ko para takpan ng mabuti ang mukha ko.
"D-dyan ka lang muna hik Miss. Babalikan ka d-din hik namin, pagkatapos namin dito hik."
Humakbang sila palapit sa akin. Hinawakan ko ng mahigpit ang kahoy.
Sabay na umatake sa akin ang dalawa sa kanila. Umilag ako at sinipa ang paa ng isa sa kanila pagkatapos ay pinalo naman ang isa gamit ang kahoy. Dahil sa lasing sila ay nawalan ng balanse ang sinipa ko at tumama ang mukha niya sa malaking kahon na pinaglalagyan ng mga gulay. Napadaing naman ng malakas ang pinalo ko ng kahoy. Muli niya akong inatake pero tulad kanina ay naiwasan ko siya. Pinalo ko ng malakas ang batok niya gamit ang kamay ko at tinulak siya sa pader.
Hindi ko na hinintay na gumalaw ang tatlong natira sa kanila. Isa-isa ko silang pinalo at sinipa. Hinawakan ko sa kamay ang payat sa kanila at inikot siya dahilan kung bakit mas lalo siyang nahilo. Madali ko lang sila napabagsak dahil lasing sila kaya mabagal ang galaw nila.
"Salamat."
Tumango ako sa dalaga na mukhang ka-edad ko. Sinilip niya ang mukha ko kaya napahawak ako sa hood ko at yumuko. "Sige. Aalis na ako."
Hindi ko na siya hinintay na magsalita at umalis kaagad. Naglakad ako pabalik sa karinderya. Pagdating ko ay dumiretso ako sa kwarto ko.
Umupo ako sa kama at nagpakawala ng buntong hininga. Hinawakan ko ang kanang kamay ko na ngayon ay nanginginig. Kung nagtagal pa ako don ay hindi ko alam kung ano ang mangyayari. May pagkakataon na bigla nalang lumalabas sa akin ang apat na mahika.
Normal na ang kakayahan ng black magic na meron ako ngayong nandito ako sa panahon na ito. Nagagamit ko na ang apat na mahika. Ngunit, minsan ay nagwawala ito kapag hindi ako nakakapaglabas ng mahika ng matagal. Siguro ay naiinip ang mahikang meron ako sa tuwing hindi ko ito ginagamit. Ang panginginig ng kamay ko ang unang sign na gusto nitong lumabas.
Sinara ko ang bintana ng kwarto ko at pinatay ang ilaw kaya namuo ang dilim sa loob. Humiga ako sa kama habang nakaharap sa kisame. Tinaas ko ang kanang kamay ko at nagpalabas ng mahika sa palad ko.
Unang lumabas sa akin ang kulay asul na mahika, ang tubig. Pagkatapos ay sumunod ang hangin, apoy at lupa. Hinayaan ko silang maglibot sa kwarto ko. Para silang mga bituin na nagbibigay ng liwanag sa gitna ng dilim. Sobrang ganda nila na mapapaisip ka nalang kung itim na mahika ang ganitong klasing kapangyarihan.
Hindi ko na namamalayan na nakatulog ako habang pinapanood ang apat na mahikang pinalabas ko.
Paggising ko ay wala na sila. Nawala na din ang panginginig ng kamay ko kaya bumaba na ako sa karinderya. Buti nalang ay sabado ngayon. Wala akong trabaho tuwing sabado pero kahit ganon ay tumutulong parin ako sa karinderya.
"Bumalik ka na pala Jana. Hindi ka namin nakitang pumasok." sabi sa akin ni Carl, kasama ni Tia na nags-serve sa mga customers.
Dahil sa pagmamadali ko kanina na pumunta sa kwarto ay nakalimutan kong magpakita sa kanila kaya hindi nila alam na kanina pa ako dumating.
"Oo. Kanina pa." sabi ko lang at nagpaalam na tutulong ako kina ate Vivi at Aling Lita sa kusina. Sila ang nagluluto ng mga pagkain dito sa karinderya. Madalas silang tulungan ng pinsan ni Mang Deles na si Aling Dalia lalo na kapag sobrang dami na ng cutsomers. Wala siya ngayon dahil uuwi ang asawa niya galing sa malayong lungsod.
Pagkapasok ko sa kusina ay nakita kong nags-slice ng mga sangkap si Ate Vivi habang si Aling Lita naman ay nagluluto. Pumunta ako sa lababo at hinugasan ang ibang mga sangkap. Marunong akong magluto ngunit hindi ganon kasarap tulad ng niluluto nina Ate Vivi at Mang Lita.
"Bakit bumalik ka kaagad Jana?" tanong sa akin ni Aling Lita.
Hinubad niya ang sout niyang gloves. Kumuha siya ng bimpo at pinunasan niya ang pawis niya pagkatapos ay naghugas siya ng mga kamay bago sinuot ulit ang gloves niya. Isa sa pinakagusto ko sa karinderya nila ang kalinisan nila. Malinis at maingat sila sa kanilang gawain.
"Sobrang dami ng tao sa labas at ang init din ng panahon." sagot ko.
Totoong mainit ang panahon ngayon at balak ko din umuwi kanina, hindi lang dahil sa gustong lumabas ng kapangyarihan ko kundi dahil din sa maraming tao ngayon sa labas. Hindi ko alam kung may paligsahan ba ngayon sa lungsod na 'to. Wala naman akong narinig.
"Ganon ba? Mukhang may dumating na naman na mga noble para tingnan ang kalagayan ng lungsod natin." biglang sabi ni Ate Vivi.
"Mga noble? Galing sa kaharian? Saang kaharian?" sunod-sunod na mga tanong ko at natigilan ako nang bigyan nila ako ng nagtatakang tingin.
"Ah. Alam niyong sa probinsya ako lumaki kaya kunti lang ang alam ko dito sa lungsod." sabi ko at ngumiti.
Hindi ko na naman napigilan ang sarili ko na magtanong. Sa lahat ng taong pinagkukunan ko ng impormasyon dito ay sila ang iniiwasan ko dahil palagi silang nagtataka sa akin kung bakit wala akong alam tungkol sa mga patakaran sa lungsod na 'to at iba pa. Alam kong hindi gumagana sa kanila ang dahilan ko na galing ako sa probinsya. Kaya tinigilan ko ang pagtanong sa kanila dahil ayaw kong umabot sa punto na maghinala sila sa akin.
"Siguro ay nasa dulo ka ng probinsya kaya kunti lang ang alam mo. Ang mga noble na pumupunta dito ay galing sa Kaharian ng Kanluran. Madalas na nagpapadala ang kahariang kanluran ng mga noble dito o 'di kaya'y ibang tao para tingnan ang kalagayan ng mga lungsod na sakop ng kaharian at isa na dito ang lungsod natin." paliwanag ni Ate Vivi na kinatango ko.
Sakop ng kahariang kanluran ang lungsod ng Yenna?! Ibig sabihin ay malapit lang dito ang kaharian?
Bakit hindi ko ito alam?
BINABASA MO ANG
The White Magic (COMPLETED)
FantasyBook 2 of Dragon's World : The White Princess [I do not own the photos I used in the cover. Credits to the rightful owner.] © All Rights Reserved 2017