SA LOOB ng dalawang linggo ay laging ganoon si Gab. Lagi itong nag-iiiyak at gustong umuwi kina Rob. Madalas nitong hinahanap ang nakagisnang mga ama. Ngunit sa katagalan ay parang unti-unti na ring natanggap ni Gab ang kanyang bagong tahanan. Oo nga at may mga oras na nagtatanong pa rin ito kung kailan niya makikita sina Rob at Pau, pero hindi na kagaya ng dati na halos maglupasay ito sa kaiiyak.
Sina Rob at Pau naman ay minabuting huwag na munang makitang muli si Gab. Tiniis nila ang kanilang sarili na iwasang magtagpo ang landas ng batang napamahal na sa kanila nang lubos.
Dumating ang araw ng pagtatapos ni Gab. Sina Marlon at Imelda lang ang kasama niya sa eskuwelahan. Si Shane ay gusto rin sanang sumama pero mas minabuti ni Marlon na huwag na lang dahil malaki na ang tiyan nito at baka ma-stress lang ito sa biyahe at oras na gugugulin sa okasyon. Lahat ng klase ng pag-iingat ay ginagawa nilang mag-asawa para sa ikabubuti ng ipinagbubuntis ni Shane. Masaya si Shane na ilang buwan na lang ay lalabas na ang baby nila ni Marlon. Pero labis din ang nadaramang kasiyahan ni Marlon. Ang tagal rin nilang naghintay ni Shane na magkaanak. Oo nga at nariyan na si Gab, pero iba pa rin siyempre iyong anak na sa kanilang dalawa ni Shane nanggaling.
Pupunta ba tayo sa school?" tanong ni Pau kay Rob. "Graduation ni Gab ngayon. Gusto ko sanang makita siya na nasa stage." Nasa salas sila noon at nanonood ng pang-umagang programa sa telebisyon.
"Invited ka ba?" sagot na tanong naman ni Rob.
"Hindi. Pero hindi naman bawal na pumunta sa school, ah. Papapasukin naman tayo roon kahit walang imbitasyon."
"Ikaw na lang ang pumunta. Balitaan mo na lang ako mamaya."
"Seryoso?" Hindi makapaniwalang tanong ni Pau. "Graduation ng anak mo, ayaw mong pumunta."
"Hindi ko anak iyon," matamlay na sagot ni Rob. "Kelan mo ba matatanggap sa sarili mo na naroon na siya sa tunay niyang ama? Pinahihirapan mo lang ang sarili mo. Dapat, pag-aralan mo nang kalimutan si Gab."
"Bakit? Lumabas na ba ang desisyon ng korte sa isinampa mong mosyon? Hindi pa naman, 'di ba? Bakit ganyan ka nang magsalita? Ang dali kong sumuko. Nag-aral ka pa ng abogasya kung ganyan lang pala kahina ang dibdib mo."
"Huwag mong isinasali ang pag-aaral ko sa usapan," napipikong sabi ni Rob.
"At bakit hindi? Naturingan kang law student, imbes na ikaw ang magpalakas sa loob ko ikaw pa ang unang-unang pinanghihinaan ng loob."
"Kasi alam ko ang mga posibleng mangyari," napataas ang boses niya. "Dahil may alam ako sa pasikot-sikot ng batas, alam ko kung gaano kaliit ang tsansa nating mabawi pa si Gab. Masisisi mo ba ako kung ngayon pa lang ay sanayin ko na ang sarili kong walang Gab na babalik sa bahay na ito?"
Hindi nakapagsalita si Pau.
"Huwag kang magsasalita na parang ikaw lang ang nagmahal kay Gab dahil hindi mo alam ang mga nararamdaman ko. Hindi mo alam ang mga naiisip ko. At lalong hindi mo alam kung gaano kahirap ang ginagawa kong pagtatago ng emosyon ko para lang ipakitang okay na ako kahit ang totoo naman ay hindi." Iniwan ni Rob si Pau at hindi na hinintay na sumagot. Umakyat siya sa ikalawang palapag ng bahay at pumasok sa kuwarto upang doon magmukmok.
***
"Yaya?" Palinga-linga si Gab habang papalabas sila ng auditorium kung saan ginanap ang graduation. Tila may hinahanap ang bata."Bakit?" tanong ni Imelda.
"Daddy Rob and Daddy Pau did not attend my graduation," malungkot na sabi ni Gab. Umasa siyang makikita niyang muli ang kinagisnang mga ama.
"Maybe, they are busy," sagot ni Marlon. "Don't worry, we will have a celebration at home. Your mommy Shane prepared some foods."
"Can you invite Daddy Rob and Daddy Pau so they can celebrate with us?" pakiusap ni Gab sa ama. "Please? I really miss them."
"Okay, I'll call them later."
Hindi na nangulit si Gab. Kahit paano ay may pag-aalinlangan pa rin ito pagdating sa pakikitungo sa ama.
Sumakay na sa kotse ang tatlo. Hindi nila napansin na nasa isang bahagi ng eskuwelahan si Pau at nakatanaw lang sa kanila. Kanina pa siya nagmamasid. Naumpisahan at natapos niya ang programa ng pagtatapos ni Gab. Gustong-gusto man niyang lapitan si Gab ay hindi niya ginawa. Sapat na sa kanya ang makita si Gab sa stage. Pero kahit malayo siya kay Gab, kitang-kita niya ang lungkot sa mukha nito. Alam niyang may hinahanap si Gab. May mga taong gustong makita ng bata at makasama sa mahalagang okasyong iyon ng kanyang buhay.
Nang makaalis na sa eskuwelahan ang kotse ni Marlon ay minabuti ni Pau na umuwi na rin.
Pagdating sa bahay ay sinalubong siya ni Rob ng isang balita.
"Tumawag si Shane."
Kinabahan si Pau. "Bakit daw? Anong sabi?"
"Nag-imbita. May konting salu-salo raw sa bahay nila, selebrasyon sa graduation ni Gab."
Biglang sumigla si Pau. Nawala ang kabang kanina ay naramdaman niya. "Punta tayo."
Umiling si Rob. "Ikaw na lang ang pumunta. Hindi naman kailangang nandoon tayong dalawa."
Sumimangot si Pau. "Bahala ka kung ayaw mo. Basta, pupunta ako. Anong address nila?"
Iniabot ni Rob ang kapirasong papel na pinagsulatan niya ng address ni Shane.
"Malapit lang pala. Magta-taxi na lang ako."
"Bakit hindi mo na lang dalhin ang kotse?" tanong ni Rob.
"Baliw! Marunong ba akong mag-drive? Eh, kung sumasama ka na kasi para makita mo naman si Gab."
"Mag-taxi ka na lang," umiiling na sabi ni Rob.
"Diyan ka na nga!" Mabilis na siyang naglakad papalabas ng bahay.
Mabilis naman niyang narating ang bahay nina Shane at Marlon. Swerteng pamilyar sa address ang driver ng nasakyan niyqng taksi. Huminga muna siya nang malalim bago niya pinindot ang doorbell.
Isang babae ang nagbukas ng gate.
"Ahh, magandang hapon. Inimbita ako ni Shane para sa graduation celebration ni Gab."
"Pumasok po kayo. Hinihintay na po kayo sa loob," magalang na sagot ni Karing.
Pagpasok ni Pau sa loob ng bahay ay agad siyang nakita ni Gab na kasalukuyang nagbubukas ng regalong galing kay Marlon. Walang pagdadalawang-isip na binitiwan ng bata ang regalo at nagtatakbo papunta kay Pau.
"Daddy Pau!" Hindi maikubli ang saya sa mukha ng paslit. Agad nitong niyakap si Pau na bahagyang yumuko para salubungin ang yakap ng bata.
"Congratulations!"
"Where's Daddy Rob?"
"Kain ka muna rito, Paulo," paanyaya ni Shane. "Nasaan si Rob?"
"Ah, masama ang pakiramdam niya," pagsisinungaling ni Pau. "Kaya sabi niya ako na lang daw ang pumunta."
"Ganoon ba? Kumain ka na muna." Bumaling ito kay Karing. "Kumuha ka ng plato para kay Paulo."
"Gab, your visitor will eat. Dito ka na muna and continue opening your gifts," tawag ni Marlon sa anak.
Hindi nakaligtas sa pandinig ni Pau ang sinabi ni Marlon na visitor siya ni Gab. Sabagay, ano nga ba siya rito sa bahay ni Marlon? Ibinaba niya ang kargang bata. "Mag-open ka na muna ng gifts."
"Don't go home yet, Daddy Pau."
"Oo," tumatangong sagot niya kay Gab.
***
ALAS KUWATRO na ng hapon nang makauwi si Pau. Sinulit niya ang bihirang pagkakataong makasama si Gab. Ayaw pa nga siyang pauwiin ng bata pero ayaw rin niyang may masabi sa kanya si Marlon. Hindi nga ito umalis sa tabi ng anak na para bang itatakas niya ito ano mang oras. Hindi rin ito nakipag-usap sa kanya na labis niyang ipinagpasalamat dahil ayaw rin naman niya itong makausap. Si Shane ang bumangka sa usapan habang walang patid ang pangungulit sa kanya ni Gab. Kahit sa maikling oras na iyon ay sobrang kasiyahan ang naramdaman ni Pau nang muli niyang makasama ang batang miss na miss na niya.
BINABASA MO ANG
Two Daddies and Me (Completed)
Humor"Where happiness ends, reality begins..." Akala nina Rob at Paulo ay puro saya na lang ang buhay sa piling ni Gab na ngayon ay apat na taong gulang na. Hindi nila inasahan na kasabay ng pagkamulat ng murang isipan ni Gab ay ang pagdating ng mga pro...