Chapter 1
Present day...
Ilang linggo na lang ay sasapit na ang ika-isang libong taong anibersaryo ng pagkakatatag ng Atlantria kaya bawat mamamayan ng maunlad na bansang iyon ay naghahanda na para sa nalalapit na espesyal na okasyon. Abala man ang mga ito sa ginagawa ay naroon pa rin ang saya at aliwalas sa kanilang mga mukha tulad ng maaliwalas na langit sa araw na 'yon.
Ang kalsada at mga parke sa lungsod ng capitol ay nalalagyan na ng palamuti at kung anu-anong dekorasyon. At hindi mawawala roon ang pitong bandila kung saan nakaburda ang sagisag ng pitong maharlikang angkan na nagtatag ng bansa.
Samantala sa isang lugar sa capitol, halos magiba ang buong stadium sa lakas ng ugong ng mga sigawan at hiyawan ng mga hindi magkamayaw na mga manonood at mga tagasuporta ng magkalabang koponan sa ginaganap na semi-finals ng soccer para sa anibersaryo ng taong iyon.
Tampok sa larong 'yon ang magkalabang koponan ng dalawang premyadong eskwelahan ng bansa, ang Montblanc na may unipormeng kulay black at gold, at Frimer na green at yellow naman ang kulay ng uniporme. Napakainit ng laban lalo pa't ang tinanghal na kampeon noong nakaraang taon, ang Montblanc, ay nilamangan na ng dalawang puntos ng kalaban hindi pa man nangangalahati ang first half ng laro.
"Guys focus!!!" sigaw ni Coach Briggs ng Montblanc sa team nito. Medyo mainit na ang ulo ng kuwarenta anyos na coach dahil sa nangyayari idagdag pang wala pa ang ace player ng team. Gayunman ay pinilit nito ang sarili na kumalma at isa-isip na lang ang pagmumura dahil sa pagkadismaya.
Samantala, isang babae na may katamtamang pangangatawan at katangkaran ang cool na naglalakad sa pasilyo sa kabilang bahagi ng stadium. Nakasuot ito ng kulay itim na cap at itim na polo na pinatungan ng kulay itim ding varsity jacket. Ang mga kamay nito ay nakasilid sa kulay itim na shorts na may kulay gold na lining. Katerno naman ng gray na soccer shoes na suot nito ang medyas na umaabot hanggang tuhod.
Halos wala itong makasalubong o makitang ibang tao roon dahil ang lahat ay nanonood na ng laro.
Saglit itong napahinto at napalingon sa mga stalls na nasa isang bahagi. At imbes na magmadali patungo kung saan ginaganap ang laro ay lumapit ito sa mga stalls."Ano'ng nasa balita ngayon?" tanong nito habang nakatuon ang tingin sa pahayagan na nasa gilid. Nakapako ang tingin nito sa larawan na nandoon.
Kumunot ang noo ng tindera dahil malaki naman ang mga letrang nakalimbag sa pahayagan pero bakit tinatanong pa 'yon ng babaeng kaharap.
Imbes na basahin ng tindera ang pahayagan ay nilakasan na lang nito volume ng radyo na nasa stall para marinig ng kaharap.
"Sakto, 'yan din ang nasa pahayagan."
"Van Zygmunt along with the other six noble houses finally approved Amanda von DeVere to conduct the symposium about the history of Atlantria at Montblanc Academy—"
"Tss. Wala pa lang kwenta," bulong nito at ito na mismo ang nagpatay ng radyo.
Pagkatapos ay sinabi na nito sa tindera ang bibilhin.
"Bigyan mo 'ko ng lima nito," wika nito habang nakaturo sa display ng binibili nitong chocolate drink na Chuckie.
Agad namang tumugon ang tindera pero hindi nito naiwasang tanungin ang kaharap lalo pa't base sa kasuotan nito ay isa itong manlalaro. Nagtataka ito lalo't nag-umpisa na ang laro.
"Player ka, 'di ba? Late ka na oh, umpisa na ng game niyo," sabi nung tindera. Sinabayan naman 'yon ng dagundong ng mga manonood na naririnig nila sa bahaging 'yon mula sa pinagdarausan ng laro.
"Alam ko at wala akong pakialam," walang emosyong tugon nito sa tinderang biglang natameme at hindi na muling umimik pa dahil sa tinuran ng kaharap.
Pagkatapos bumili ay agad itong umalis pero hindi kakikitaan ng pagmamadali ang bawat kilos. Kadalasan sa mga manlalaro ay hindi magkamayaw sa pagmamadali para makahabol sa laro pero ito ay walang pakialam. Kung maglakad pa ito ay para lang itong namamasyal sa parke. Binuksan pa nito ang Chuckie at marahang sumimsim mula sa straw habang naglalakad.
BINABASA MO ANG
The Void Century
FantasiX000 - X100 Isang siglong binaon sa kaibuturan ng kasaysayan na hindi na dapat matuklasan pa. Walang itinirang buhay sa lahat ng mga nilalang na naging bahagi ng siglong ito. Lahat ng mga bagay na may kaugnayan dito ay winasak lahat...walang itinira...