Buhay Kapalit ng Tagumpay

29 0 0
                                    

Buhay Kapalit ng Tagumpay

“Itaas ang kamay ng mga pabor sa laruang dinisenyo ni Ginoong Leon Calasag,” wika ng presidente ng kompanyang Take D Toys, ang pinakamalaking pagawaan ng mga laruan sa bansa.

Sa kauna-unahang pagkakataon, dalawa lang ang bomoto para sa laruang dinisenyo ni Rhum na kanyang ikinadismaya. Nasanay siya na laging napipili ang kanyang mga gawa. Sa loob ng sampung taong pagtatrabaho niya doon ay libo-libo nang laruang dinisenyo niya ang nag-akyat ng pera sa kompanya.

“Sino naman ang pabor sa dinisenyo ni Ginoong Dennis Talang?”

Gustong magdilim ng kanyang paningin nang makita niya ang boto para sa gawa ng bagong empleyadong iyon. Malinaw pa sa sikat ng araw na ang laruan nito ang mapipili.

Pumalakpak ang lahat ng nasa loob ng silid nang ianunsiyo kung kaninong gawa ang napili maliban sa kanya. Inulan nang papuri si Dennis at upang ipakitang ayos lang sa kanya ang pagkatalo, tumayo si Rhum at kinamayan ang una. Napakalapad ng pagkakangiti niya rito kahit pa ang totoo ay galit siya dahil sa kanyang pagkabigo.

Hindi niya kailan man naisip na may makahihigit sa galing niya at isang baguhan pa. Wala naman siyang makitang espesyal sa ginawa nitong kulay kahel na robot na pinangalanan nitong Dark Saver.

Nagpatuloy ang pagbati kay Dennis at walang pumansin sa kanyang presensiya. Unti-unti ay lumayo siya sa nagkukumpulang mga tao at pinagmasdan ang mga ito. Noon ay siya ang hindi magkamayaw kung paano makakamayan ang mga bumabati sa kanyang tagumpay ngunit ngayon ay wala man lang tumatapik sa kanyang balikat.

Laglag ang mga balikat na lumabas siya ng silid na iyon at tumuloy sa kanyang mesa. Doon ay matamlay siyang bumalik sa pagtatrabaho. Umaasang ang susunod na kanyang gagawin ay magugustuhan ng kanilang amo.

Pagkauwi niya sa kanilang bahay ay sinalubong siya ng kanyang asawa. Malambing itong humalik sa kanyang pisngi na ginaya naman ng kanilang nag-iisang anak na babae. Kahit paano ay naibsan ang galit na nadarama niya dahil doon.

“Kumusta ang trabaho?” tanong ng kanyang asawa.

Napalatak siya. “ Hindi napili iyong gawa ko. Mas pinaboran nila iyong gawa ng bago.”

Napang-unawang ngumiti ito sa kanya at hinaplos ang kanyang balikat. “Ayos lang iyan. Sa susunod, iyong sa'yo na ulit ang mapipili. Huwag ka nang malungkot.”

Subalit ng sumunod na buwan ay hindi pa rin siya nanalo sa botohan. Ang gawa pa rin ni Dennis ang nanalo. Nababahala na siya dahil kapag nagpatuloy ang ganitong senaryo ay baka tuluyan na siyang mabalewala sa kompanya. Baka mawala ang mga benepisyong kanyang nakukuha at ang masaklap ay maaari rin siyang mawalan ng trabaho. Ano pa ba ang kakailanganin sa kanya ng kompanya kung mayroon nang mas magaling sa kanya?

Dumating ang kanyang kinatatakutan nang isang araw ay ipatawag siya sa opisina ng CEO.

“Magandang umaga po, Sir,” bati niya sa lalaking nasa likod ng mesa. “Ipinatawag niyo raw po ako.”

Sinenyasan siya nitong maupo na kanya namang sinunod. Naghatid ng kaba sa kanya ang seryosong mukha nito.

“Mister Calansag, isa ka sa pinakamagaling na empleyado ng kompanya. Sa loob ng mga taong pagtatrabaho mo rito ay napatunayan mo iyon. Nitong mga nakaraang buwan ay tila nawawala na ang iyong mahika sa iyong ginagawa. Wala nang dating ang mga disenyo mo. Kapag nagpatuloy ito, mapipilitan kaming alisin ka sa posisyon mo. Siguro naman alam mo na walang lugar dito ang mga walang silbi.”

“Naiintindihan ko po, Sir.”

Noon din ay nagpasya siyang mag-overtime. Gusto niyang makagawa ng kakaibang disenyo ng laruan para makabawi. Ayaw niyang mawalan ng trabaho. Bukod sa malaki ang sahod niya ay mahal niya ang kanyang ginagawa. Hindi niya maisip na may iba siyang pinagkakaabalahan bukod sa pagdidisenyo ng mga laruan.

My EntriesWhere stories live. Discover now