Timbog

4 0 0
                                    

Timbog
ni Smoochera

Isa-isa mong tiningnan ang mga kasama sa loob ng sinasakyang military truck. Lahat ay nakapikit at bumubulong ng panalangin bukod sa'yo. Ang isip mo ay may ibang pinagkakaabalahan...

Sa natatandaan mo, pamilyang angat ang kinalakihan mo. Hindi man kayo kasing-yaman ni Bill Gates, hindi naman kayo sumasala sa pagkain araw-araw. Bukod pa roon, lahat ng gusto ninyong magkakapatid ay naibibigay ng mga magulang mo. Disente at maayos ang hanap-buhay nila.

Magkatulong nilang pinapatakbo iyong p'westo ninyo sa wet market. Nagtitiis ang dalawa sa malansang amoy ng isda at karne para maitaguyod ka at ang mga kuya mo.

Sa edad mo noong siyam, bilib na bilib ka sa nanay at tatay mo. Inidolo mo sila dahil sa kanilang kasipagan, pagiging responsible, at takot sa Diyos.

Sa tuwing mapapadaan ka noon sa umpukan ng mga k'wentista sa kalye, madalas ay mga magulang mo ang topic ng mga ale. Palaging sa tindahan ni Aling Basya ang tambayan ng mga ito.

“Ang s'werte sa negosyo nila Tanya at Daniel. Tingnan niyo nga, dalawa na ang p'westo sa palengke. Balita ko pa, magtitinda na rin sila ng mga gulay.” Iyon ang narinig mo isang hapon nang mapadaan ka sa umpukan nila. Hindi mo maiwasang makadama noon nang pagmamalaki dahil nahalata mo sa boses ni Aling Mina ang paghanga sa mga magulang mo.

“Kuuu! Paano'y may ginagawang kabalbalan kaya mabilis ang pag-asenso!” Hindi mo nagustuhan ang sinabing iyon ni Aling Basya. Napasimangot ka sa negatibong gustong ipahiwatig ng matanda.

Napatingin ka kay Aling Basya ngunit inismiran ka lang niya.

“Bitter ka lang. Isang dekada na kasing itong tindahan mo pero ‘di ka pa rin nakaaahon sa utang mo sa bombay?”tudyo ng isa pang misis na ikinatawa ng lahat.

Ipinagpatuloy mo ang paglalakad para makauwi na habang iniisip pa rin ang mga narinig. Hindi no maintindihan kung bakit parang may galit si Aling Basya sa pamilya mo. Sa malabo mong alaala, nagmamano ka noon sa ginang tuwing ika-dalawampu't lima ng Disyembre pagkatapos ay bibigyan ka niya ng regalo. Lahat ng magandang alaala mo kay Aling Basya ay hindi na nadagdagan pa mula nang mamatay ang panganay niya.

Isang umaga ay nagising ka sa malambing na boses ng nanay mo. “Anak, gising na at baka mahuli tayo sa misa.”

Pagdilat mo ay nakita mo siyang nakabestida nang maganda at maayos na nakapusod ang buhok. Sa kabila ng payat na katawan, gandang-ganda ka sa nanay mo.

Nang matapos kang mag-ayos, agad kang lumabas ng k'warto at naabutan ang mga magulang at kapatid mong nanonood sa telebisyong kabibili lang noong isang linggo.

Sabay-sabay na tumayo ang apat ngunit hindi nakaligtas sa iyo ang tila aburidong mukha ng mga kapatid. Sunod-sunod kayong naglakad papunta sa simbahan. Ang mga kapatid mo ay parang may bakal sa mga paa dahil para bang hirap na hirap silang ihakbang iyon.

Espesyal ang Linggo para sa pamilya mo. Pagkatapos ng misa ay kumakain kayo sa labas at namamasyal sa kung saan bago umuwi.

Isa pa sa nakasanayan mo tuwing Linggo ay ang pananatili mo sa loob ng k'warto ayon na rin sa bilin ng nanay mo. Wala kang kamalay-malay na ang gabing iyon ay iba kesa sa mga nagdaan.

“Bawal ka nang lumabas, ha?” paalala ng nanay mo pagkahatid sa'yo sa k'warto.

“Opo.”

Ngumiti ang nanay mo at saka isanarado ang pinto pagkatapos lumabas. At dahil wala kang naisip na laro, humiga ka na lang at tumitig sa kisame. Hindi nagtagal ay nakarinig ka ng mga boses na parang nagbubulungan. Kaluskos at lagitik naman ang sumunod, pagkatapos noon ay katahimikan.

Matagal-tagal din nang isang malakas na kalabog at sigawan ang nauliningan mo. Napabangon ka dahil sa gulat.

“Itaas ang mga kamay! Walang kikilos!” Hindi mo kilala kung kaninong boses iyon.

“Hindi kami lalaban! Hindi kami lalaban!” May nginig sa boses ng tatay mo.

Nag-alala ka nang marinig mo ang iyak ng nanay mo. Kinalimutan mo  ang bilin niyang manatili sa loob ng k'warto. Tumayo ka, dahan-dahang binuksan ang pinto, at sumilip sa labas. Lumakas ang ingay at nanlaki ang mga mata mo sa nakita.

Ang daming lalaki sa sala ninyo. Ang iba'y kilala mo pero iyong mga nakasuot ng kulay asul na damit ay ngayon mo lang nakita pero alam mo kung ano ang trabaho nila. Iyong mga naka-asul na may hawak na baril lang ang nakatayo habang nakaluhod sa sahig ang iba at nakataas ang mga kamay.

Nagtangkang tumakbo ang tatay mo palabas pero umalingawngaw ang isang putok at kaagad siyang bumagsak.

“Daniel!” Nagkumahog sa paglapit ang nanay mo sa asawa ngunit nagpaputok ulit ang pulis at humandusay ang katawan ng nanay mo.

“Inaaaaaaaaaay!” hiyaw mo.

Hingal ka na dahil sa pagtakbo pero hindi mo linubayan ang paghabol sa lalaking may-ari ng bahay na ni-raid ng team mo. Matapos ang kalahating oras na habulan, sa wakas ay wala na itong matakbuhan. Hindi nito magawang akyatin ang mataas na pader na nasa likod nito. Itinutok mo ang hawak na baril sa lalaking pulang-pula ang mga mata.

“Sumuko ka nang maayos para ‘di na tayo parehong mahirapan.”

Ngumisi ang lalaki. “Kaya mo ba akong barilin, bunso? Kaya mong saktan ang kadugo mo? Nakalimutan mo na ba kung saan ka nanggaling? Kung sino ang mga magulang mo?”

“Wala akong nakakalimutan, kuya, lalo na ang sinumpaan kong tungkulin.”

“Kung gano'n, kalilimutan kong kapatid kita.” Mabilis siyang bumunot ng baril ngunit mas mabilis mong nakalabit ang hawak. Una mong tinamaan ang kamay niyang may baril at sunod na pinuntirya ang binti niya.

Bumagsak ang kapatid mong nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot  sa semento. Hindi tulad nang nangyari sa mga magulang mo, buhay pa ito.

“Itaaaaaaay!” sigaw ng pamangkin mo.

Nang makita mo ang batang umiiyak ay nagdesisyon kang kupkopin na lang ito. Pag-aralin at ilayo sa masamang mundong kinasanayan ng ama katulad ng ginawang pagkupkop ni Aling Basya sa iyo noong matimbog ng mga pulis ang sideline ng mga magulang mo.

My EntriesWhere stories live. Discover now