"MARCO MAURICIO!!! Lagot ka talaga!" halos mapatid ang litid ko sa pag sigaw sa pangalan ng pinakakinaaasaran kong tao.
Siya naman tawa pa ng tawa habang mabilis na tumatakbo palayo sa akin.
Grabe talaga yun!
Imbis na habulin, inayos ko na lang ang mga gamit kong ginulo niya, ayokong mastress dahil sa abno na yun. Iniwan ko lang kasi saglit sa classroom yung gamit ko para mag lunch pero pagbalik ko... ayan, sabog sabog na at kalat kalat. Bastos na bata talaga.
Padabog kong inunat lahat ng mga notebook at papel na nalukot. Napapamura na lang ako sa isip ko, kasi naman since the first day of class inalagaan ko yung mga gamit ko tapos ngayon ikakalat lang niya... walanjo! Trip talaga ako nung lalaking abnoy na yun eh.
Matatapos na sana ako sa ginagawa ko nang may napansin ako. Binilang ko pa ulit lahat ng gamit sa bag ko pero may kulang. Nawawala yung extra notebook ko.
Naman! Nandoon lahat ng kalokohan ko since first day.
Grabe! Tinakbo ko ang buong field sa pagbabakasakaling nandoon ang unggoy na salarin. Hinanap ko sya sa loob ng canteen, science lab, computer lab at H.E room. Wag na sa library at sa chapel dahil alam kong hindi sya makakapasok doon.
Parang nag cardio na rin ako nito, hindi nga ako nag eexercise tuwing umaga eh. Leshe talagang tunay yang lalaking yan eh, ipapadala ko talaga siya sa zoo kapag nakita ko siya.
Napahawak na lang ako sa tuhod ko dahil sa hingal. "Miss me?" Napataas ang kilay ko at napatingin sa taong pinanggagalingan ng nakakairitang boses.
"Miss? Eh kung tadyakan kaya kita? Wag kang feeling" ngumiti lang sya. Sa nilayo layo ng tinakbo ko, dito ko lang pala sya matatagpuan sa taas ng puno ng mangga. Unggoy talaga.
"Ito ba hinahanap mo?" Nanlaki yung mata ko. Yung notebook na sinusulatan ko ng kalokohan, hawak hawak niya. Napakagat na lang ako ng labi.
"Akin na nga yan!" Utos ko sa kanya pero sa halip na sumunod, tinawanan niya lang ako. "Tsk! Buset ka talaga kahit kailan! Marco baba! Akin na yan!" Benelatan niya ako.
"Ayoko nga, kiss muna" tinuro nya yung pisngi niya. "Eww! No!" Singhal ko. "Anong eww? Edi No din. Ayaw mo edi wag... haha akyat ka dito kunin mo" nakangiti pa rin sya ng nakakaloko.
"Arrggghhhh! Marco! Para kang bata" inis kong sabi. Inangat niya ang notebook. "Marvy... Marvy... Marvy... ano kayang laman nito? Masyado kayang importante para i-lock mo pa at halos magpakamatay ka para makuha mo 'to" taka niyang tanong sa sarili.
Sinalat ko ang susi sa wallet ko. Hala, wala na sa akin. Nakuha niya siguro kanina nung P.E class. Arrggghhh! Binubwiset niya talaga ako.
"Stop! Wag mong bubuksan yan! Binabalaan kita Marco!" Wala na susugal na ako, napansin kong napangisi sya. "Oh? Talaga? Umakyat ka muna dito. Tsaka ko ibibigay sayo" napakagat labi ulit ako. Naknang! Inaasar talaga niya ako.
"Ayoko nga! Mamaya mahulog ako dyan eh" pagmamatigas ko. "Hindi ka mahuhulog dito, at kung mahulog ka man sasaluhin kita." Ewan ko pero kinakabahan talaga ako.
"Eh? Pag ako talaga nahulog... kakalbuhin kita" natawa sya bigla. "Hindi kita hahayaang mahulog, sa pangit mo ba namang yan dadagdagan ko pa. Kawawa ka pag nangyari yun" pinapainit niya talaga ulo ko eh. Maniniwala na sana ako, buti na lang hindi.
No choice, kahit nakapalda ako kailangan maka akyat ako doon at makuha yung notebook, sasaluhin naman daw niya ako eh. Unti unti kong inakyat ang mataas na puno ng mangga.
"Hoy! Wag mo akong mamanyakin sinasabi ko talaga sayo" pagbabanta ko ng mapansin kong nakangisi siya. "Luh? Wag kang mag-alala wala naman akong masisilip. Hahaha!" Baliw talaga.
Nang malapit na ako sa kanya, inabot niya ang kanyang kamay sa akin. Syempre, mag papaka choosy pa ba naman ako? Ayokong mahulog 'no.
Bigla niya akong hinatak kaya na out of balance ako. Napapikit ako, sa pag aakalang matigas na lapag ang lalagpakan ko. Pero hindi dahil nakatayo pa rin ako at ramdam ko ang mahigpit na paghawak niya sa aking bewang pati na rin ang mainit niyang hininga.
Kundi ako nagkakamali malapit lang kami sa isat isa. Minulat ko ang aking mga mata ngunit muntikan na akong mapatalon dahil napakalapit niya pala sa akin.
Hindi ko alam pero parang tinatambol yung puso ko for a moment. Nararamdaman ko rin ang pag init ng aking mukha. Tinulak ko sya.
"Tsansing!" Singhal ko. Napangisi siya. "Naku... ako pa tsansing. Sino kaya yung kung mamula eh parang kamatis?" Halata ang pang aasar sa tono niya. Effective grabe...
Alam niyo yung feeling na kikiligin ka na sana kaso sinira niya yung moment.
"Tsk. Akala ko ihuhulog mo ako eh" pag iiba ko ng usapan. "Sabi naman kasi sayo, sasaluhin kita ayaw mo lang magtiwala... kung pwede nga talaga kitang ihulog gagawin ko eh" napangiwi ako. May balak pa pala syang ihulog ako, the feeling is mutual.
"Akin na nga yang notebook ko pakialamero!" nginisihan niya ako at agad itong itinaas. Hala. Pilit kong inaabot yun pero wala eh, mas matangkad sya. Pandak problems ito.
Bigla niya akong niyakap out of no where.
"Marvy... nahuhulog ako" bulong niya sa akin. Ewan ko pero parang nag alala ako sa kanya bigla. "Kumapit ka kasi" concerned na sabi ko sa kanya. Mas lalo niyang hinigpitan ang kapit. "Kahit kumapit pa ako ng mahigpit nahuhulog pa rin ako"
Ewan ko sa mga pagkakataong yun pumintig na naman ng napakabilis ang puso ko. Uminit ang paligid.
"Sasaluhin mo ba ako?" Ako naman ang humigpit ang hawak ko sa kanya. Para na kaming nagyayakapan. "Hindi... hindi kita masasalo" for a moment medyo bumitaw sya sa pagkakahawak sa bewang ko.
"Hindi kita masasalo kasi... nahuhulog na rin ako" bumitaw sya at tumingin sa akin. Bakas mo na namumula na rin ang mukha niya. Napangisi ako. Akala ko dati one sided love ang drama ko, pero tingnan mo nga naman, crush din pala ako ng unggoy na ito.
May mga dahon syang inalis sa sanga ng puno. Hinawakan niya ang kamay ko at ipinakita ang nakaukit dito.
M<3M
Napangiti ako. "Dati pa lang pala pinapantasya mo na ako" pabiro kong sabi. "Asa ka. Nakita ko lang yan dyan" depensa niya. "Talaga lang ah" kunwaring pag sang ayon ko. "Fine, Kailan lang yan" pag amin niya. I just chuckled.
Binuhat niya ako at tumalon pababa. "Wahhhh! Baliw! Ayoko pang mamatay!" Sigaw ko. "Hahaha... ang baba lang nito wag ka ngang OA mas lalo kang pumapangit" pinalo ko sya sa braso. "Ano?!" Pero tumawa lang sya.
Nakalapag na pala kami. "Baba ka na ang bigat mo" padabog akong bumaba. Ang matsing makapanlait wagas. Hindi naman ako mataba.
"Teka may itatanong nga pala ako" nilingon ko sya, seryosong nag iisip. "Ano naman yun aber?" Masungit kong tugon.
"Bakit nga pala ang dami mong picture ko? Stalker ba kita?" Nanlaki ang mata ko sa tinanong niya. So ibig sabihin? Hala siya!
"MARCO MAURICIO! Humanda ka sa akin! Bakit mo binuksan?!" Natatawa siyang tumakbo habang hawak hawak ang notebook at kumakaway pa sa akin.