MALALIM na ang gabi. Tuluyan nang nasisilayan ang sinag ng pulang buwan sa madilim na kalangitan, na siyang tanging nagbigay liwanag sa buong paligid. Huni ng mga kulisap lamang ang nadidinig sa nakabibinging katahimikan ng kagubatan.
Isang babaeng nakaputi, suot ay pulang talukbong ang lumitaw sa gitna ng mga nakasinding kandila, nakahanay na pabilog habang siya'y nakaluhod.
Nasa harapan niya'y isang makapal na aklat na nakabuklat sa isang pahina. Doon ay kaniyang itinapat ang kanang palad, at ito'y walang pakundangang sinugatan gamit ang hawak niyang punyal.
"O, nigrum potentia... corneli exaudita est oratio..." sinimulan niyang sambitin ang kakaibang mga salita. "Quod oblatum ... in commutatione sanguis vitae." Maragsa ang pagpatak ng dugo sa puting pahina ng aklat.
"O, nigrum potentia... corneli exaudita est oratio... Quod oblatum ... in commutatione sanguis vitae!" malakas niyang ulit.
"O, nigrum potentia... corneli exaudita est oratio... Quod oblatum ... in commutatione sanguis vitae!"
Kasabay ng malakas na hangin ay ang paglitaw ng itim na usok mula sa pahina. Paulit-ulit niyang sinasambit ang mahiwagang mga salita habang unti-unting kumakalat ang usok sa paligid.
Nawalan ng liwanag ang buwan. Tinatakpan na ito ng itim na ulap. Kasabay ng pag-ihip ng malakas na hangin ay ang pagdagundong ng kulog at ang paglitaw ng isang kidlat mula sa langit.
"O, nigrum potentia... corneli exaudita est oratio! Quod oblatum ... in commutatione sanguis vitae!" Paulit-ulit niyang sinasambit ang mahiwagang mga salita. At kasabay nito ay ang paglitaw ng itim na usok mula sa pahina ng aklat.
Lalong lumakas ang ihip ng hangin. Gayundin ang nagngangalit na kulog na nakabibingi sa pandinig.
Yumayanig ang lupa habang unti-unting nasisilayan ang napakatayog na pintuang bakal. Kilabot, sa paligid ay bumalot.
Patuloy pa ring sinasambit ng babae ang kakaibang mga salita. Lalong lumalakas ang kaniyang tinig. Paulit-ulit sa pandinig.
Itinapat niya sa direksyon ng pintuan ang duguan niyang mga palad. At isang malakas na puwersa ang nagpabukas dito. Marahas na hinihigop ang itim na usok patungo sa loob ng lagusan. Sanhi upang magimbal ang mga alagad ng dilim, na napapanahon na upang ang kanilang paghahasik ay tuluyan nang magwakas.
Sila ang mga nilalang na hayok sa dugo. Mga bampira kung sila ay tawagin. Ngunit ito na marahil ang kanilang katapusan. Ang kanilang kamatayan ay nakatakda na sa salamangkang hatid ng itim na usok.
Sigaw ng pasakit ang umalingawngaw sa daigdig ng kadiliman. Ang buong lahi ay nagiging abo na. Paunti-unti.
"Ista malediction, fili est tenebrae est! Immortalem, aeternum et vult mala!"
"AAARGH!!!" Atungal ng paghihirap ang umalingawngaw.
Ito na ang pinakahihintay ng babae. Nasisiguro niyang natagpuan na niya ang kaniyang nais— Ang pagdurusa ng prinsipe ng dilim.
Nanghihinang napaluhod ang prinsipe. Masisilayan ang itim na mga ugat sa kaniyang balat. Nakaririmarim ang nag-aapoy niyang mga mata, ngunit may bahid ng poot at paghihirap.
Siya ang pinakamalakas at makapangyarihan sa lahat, ngunit ngayo'y hindi niya malabanan ang itim na usok na bumabalot sa buong kastilyo. Hindi niya mailigtas ang kaniyang angkan laban sa malakas na sumpang idinikit sa kanilang daigdig.
Napadaing nang malakas ang prinsipe nang tuluyang bumalot sa kaniyang katawan ang itim na usok. Kasabay nito ay ang pangingitim ng nagbabaga niyang mga mata.
Mainit. Anila'y pugon ng kamatayan ang tumutupok sa kaniya. Hinihigop ng itim na usok ang kaniyang lakas at kapangyarihan. Hindi niya mawari kung ano ang pinanggagalingan ng salamangkang bumabalot sa kaniya.
Muli ay umalingawngaw ang malakas niyang atungal.
____________________________
"Ista malediction! Fili est tenebrae est, immortalem, aeternum et vult mala!" pinagsiklop ng babae ang kaniyang mga palad. Nilalabanan ang puwersang pumipigil sa kaniyang orasyon. "Fili est tenebrae est, immortalem, aeternum et vult mala! Ianuam clauderent et tenebrae in finem!"
Anila'y malakas na kulog ang nadinig sa pagsara ng pintuan.
Nadarama ng babae ang lakas ng kapangyarihang bumabalot sa kaniya. Ang itim na usok ay yumakap sa buo niyang sistema bago ito tuluyang maglaho kasabay ng lagusan.
Huminahon ang paligid.
At ang mga ngiti sa labi ng babae ay nasilayan --- isang matagumpay na ngiti.
-----------------------------------------
Sigurado na ito. :))
READ. VOTE. AT MAGKOMENTO. :D (paFAME, oh!)
-jhie
BINABASA MO ANG
The Dark World Chronicles (ON-GOING)
VampireSi Xiandra Moyer ay isang baguhang guro sa bayan ng Citta Miasto. Ang paghahangad niyang makapagturo sa kabataan ay isang kaligayahan na para sa kaniya. Subalit, nang dahil lamang sa isang misteryosong gabi na iyon ay nagbago ang kaniyang pananaw sa...