Wala mang kulay, nasisiguro niyang ang mismong larawan ang makikita sa maliit na bahagi ng ipinintang obra ni Lianne.
Kung ganoon, ang mga nakita niyang maliliit na bilog sa loob niyon ay mga planeta?
Binasa niya ang diskripsyon na nakasulat sa lumang libro na kusa namang nasasalin sa kaniyang isipan.
Ang mundo ng mga mortal ay hindi lamang nag-iisa sa kalawakan. Marami pang mundo at dimensiyon ang hindi basta nararating ng mga pangkaraniwang nilalang. Isa na roon ang 'Diamánti vasíleio', isang lugar na nasa kabilang panig lamang ng uniberso at mayroong lagusan sa pagitan ng langit at lupa. Pinamumugaran ito ng mga imortal na may naiibang katangian sa mga tao.
Nakita ni Cassy sa mga sumunod na pahina ang iba pang nakasulat. Ang mga naninirahan doon ay tinatawag na 'Athánatos'. Ang mga nilalang na ito'y nahahati sa iba't ibang kategorya, ang Katharóaima (tagapangasiwa), ang Fýlakas (tagabantay), ang Kidemónas (tagapangalaga), ang YPERASPISTIS (tagapagtanggol), at ang Akólouthoi (tagasunod).
Ang mga Katharóaima(purong 'Athánatos' o pure-blood) ay mga imortal na kawangis ng tao, ngunit may higit na kapangyarihan at kaakit-akit na itsura. Sa kanilang lahi rin nagmumula ang Natatanging Katharóaima na may karapatang mamuno sa iba't ibang nilalang, sapagka't ito lamang ang nag-iisang magagawang makontrol ang ano mang elemento, kahit pa ang oras at panahon.
"Anong ginagawa mo rito?" Napatayo siya dahil sa pagkagulat kay Lianne.
Tumingin ito sa ibabaw ng mesa kaya muling natuon doon ang kaniyang pansin, ngunit kataka-takang wala na roon ang libro. Makailang-ulit tuloy siyang pumikit at kinapa pa ang pinagpapatungan nito kanina, subali't hindi na niya ito nakita.
"Tara na, mag-i-start na ang class natin," wika ng kaibigan.
Kahit nag-aalangan ay kinuha niya ang bag at naglakad kasama ito. Bago tuluyang makalayo ay muli siyang lumingon sa mesa, pero katulad kanina, walang kahit na anong nakapatong doon.
Namalikmata na naman ba siya?
Isinukbit ni Lianne ang mga braso sa kaniya at nagsimulang magkuwento patungkol sa ipinipinta nitong mural sa grand hall. Muli niya tuloy naalala ang mga nabasa kanina. Napakadetalyado kasi niyon para isiping isang guniguni.
"Cassy, nakikinig ka ba sa akin?" tanong ni Lianne na napahinto sa paglalakad.
"Ha?" bulalas niya, saka pa lang siya nagising. "Ah, Lianne, 'di ba, nabanggit mo na mula sa dream ang inspiration ng painting na iniregalo mo sa akin before?"
Ngumiti ito bago sumagot, "'Yong abstract painting? Oo, napanaginipan ko 'yon after kong mabasa ang book ni Ms. Lucielle. Alam mo ba na kailan ko lang nalaman na siya pala ang nagsulat ng 'Parallel'?"
"Sinong Ms. Lucielle?" usisa niyang napalakas ang tinig.
Sinenyasan tuloy sila ng napadaan na student-assistant ng library na tumahimik.
Nginitian lang ito ni Lianne, at hinila na siya palabas.
Nang makarating sila sa koridor ay muli itong nagsalita, "Hindi mo kilala si Ms. Lucielle? Siya 'yong nililigawan ni Professor Evangelista. Hindi siya photogenic, pero nakita ko siya sa Administration Building noong isang araw, grabe, ang ganda pala niya! Mas matanda siya ng seven years kay prof, pero hindi mo masasabi 'yon kapag na-meet mo siya. 'Yong skin niya, natural na naggo-glow—"
"Lianne," sinaway na niya ito, dahil hindi naman 'yon ang gusto niyang malaman. "Puwede ko bang mahiram 'yong libro?"
Hindi iyon nadala ni Lianne, pero nagsabi ito na tiyak na may kopya niyon si Professor Evangelista. Kaya matapos ang klase ay nilapitan niya ito para makahiram. 'Di naman ito tumanggi at nagkuwento pa nga patungkol sa nilalaman ng libro.
BINABASA MO ANG
Parallel Worlds: In Another life
ParanormalSa mundong lahat ay posible. Harapin ang takot. Tuklasin ang natatagong lihim. Sa mga katanungan na hahanapan ng kasagutan. "Nagsisimula na." "Malapit nang sumapit ang katapusan." "Kailangan mong mabago ang magiging kahihinatnan." "Dahil hind...
