KULTO

1.7K 29 1
                                    

Lumayas ako sa amin noong labing-anim na taong gulang pa lamang ako. Hindi ko inisip noon kung saan ako mapapapadpad o kung ano ang mangyayari sa akin. Basta’t ang inisip ko lamang ay ang makalayo. Makalayo sa aking amang nagtayo ng sarili niyang relihiyon. Hindi, ng isang kulto.

Tiningnan ko ang ang aking may-bahay na abala sa kusina. Nagpasalamat ako na hindi niya ako nakikita ngayon. Hindi niya nakikita ang pinagpapawisan at, kahit na hindi ko nakikita, namumutla kong mukha. Ibinalik ko ang aking atensyon sa hawak kong dyaro at tinitigan ang headline.

300 MIYEMBRO NG KULTO, PATAY SA PAGSABOG NG MAYON

Sa ilalim ng titulo ay may litrato ng Bulkang Mayon na nagbubuga ng makapal na usok. Katabi nito ay ang larawan ng isang matandang lalaki.

‘Tay, ano ba itong ginawa mo? naisip ko.

Muli kong binasa ang artikulo.

“Grabe ang nangyaring ‘yan, ano?”

Nagulat ako ng magsalita si misis sabay lapag ng agahan sa lamesa.

“H-Ha? Naku! O-Oo nga, eh,” sagot ko.

Tiningnan niya ako, nakasimangot. “Ayos ka lang ba, Nestor? May nararamdaman ka ba?”

“W-Wala,” sabi ko sabay pinilit na ngumiti. “Ayos lang ako.”

Pitong taon na kaming nagsasama ni Esther at mayroon na kaming dalawang anak. Ngunit wala siyang kaalam-alam tungkol sa aking mga magulang. Ang sabi ko sa kanya ay namatay ang mga magulang ko noong bata pa ako kaya nakipagsapalaran ako dito sa Maynila. Hindi niya alam na ang aking ama ang lider ng kulto na nagtago sa Mayon Volcano bago ito sumabog.

“Hay, naku! Kumain ka na nga at baka mahuli ka pa sa trabaho.”

Ngumiti lamang ako at muling itinuon ang aking atensyon sa aking binabasa.

Ayon sa artikulo, ang lahat ng miyembro ng Congregation of Papa Jesus ay lihim na umakyat sa Mt. Mayon kahit na may babala na ng paglikas mula sa awtoridad. Naniniwala daw ang grupong iyon na sa pagsabog ng bulkan ay biglang lilipad ang kanilang mga kaluluwa patungo sa kalangitan. Pagkatapos noon ay magsisimula ang paghuhukom. Dahil dito ay pinaratangan silang isang kulto ng ibang mga relihiyon.

Pambihira naman! sigaw ko sa aking isipan. Alam kong may pagka-panatiko ka, itay. Pero, sobra itong ginawa mo.

Bata pa lamang ako ay napakarelihiyoso na ng aking ama. Nagsimula iyon ng mamatay ang aking ina noong ako ay anim na taong gulang pa lamang. Akala ko ay normal lamang ang ganoon, na talagang malakas lang ang pananampalataya niya sa Maykapal. Ngunit habang lumalaki ako ay lalong nagiging kakaiba ang tatay ko. Madalas ay nagsasalita siyang mag-isa, mayroong kinakausap. Bigla-bigla rin siyang nagsisisigaw at nag-iiiyak dahil nakatanggap daw siya ng isang propesiya mula sa langit. Nagsimula rin siyang manggamot ng mga maysakit.

Hindi ko alam kung paano ako tumigil sa paniniwala sa mga itinuturo ng aking ama. Siguro ay may pagkarebelde lang talaga ako noong kabataan ko. Marahil ay naimpluwensyahan ako ng aking barkada. Kung ano man ang dahilan, isa lang ang malinaw sa akin. Takot ako sa tatay ko. Alam kong mapanganib siya. Kaya napagdesisyunan kong lumayas.

Kahit na wala na akong komunikasyon sa aking ama sa loob ng maraming taon, hindi ko pa rin maalis sa aking sarili ang manglumo at matakot sa krimeng nagawa niya. Tatlong daang tao ang namatay. May kasama pa silang mga bata.

Napailing ako at pilit na nilulon ang pait na nabubuo sa aking lalamunan.

“Naku!” bulalas ni Esther ng kumulog ng sunud-sunod. “Mukhang uulan ng malakas. Magdala ka ng payong, Nestor, ha.”

Tumango lamang ako, halos hindi ko narinig ang kanyang sinabi.

Ano kaya ang nangyari kung hindi ako lumayas? Ano kaya kung nanatili ako sa kultong iyon?

“Papa Jesus! We love you! Marami pong salamat!”

Tatlong daang tao ang sabay-sabay na nagsigawan. Lahat sila ay nakasuot ng damit na puting-puti. Lahat sila ay nakatingala at nakataas ang mga kamay. Kahit na napakaliwanag ng buong paligid ay hindi sila nasisilaw.

Isang lalaki ang tumayo mula sa kanyang ginintuang upuan.

“Naku, wala iyon, mga anak,” sagot ni Hesus. Nagliliwanag ang kanyang buong katawan na parang araw ngunit hindi siya nakakasilaw, hindi nakakapaso. Sa halip ay nakakahalina ang kanyang liwanag, puno ng pagmamahal.

“Magpahinga muna kayo dito sa aking kaharian, mga tapat kong alagad,” sabi niya ng nakangiti. “Bababa lang ako sandali sa lupa upang wakasan ang makamundong sistemang ito ng mga bagay-bagay.”

Biglang hinugot ni Hesus ang isang nagbabagang espada at pagkatapos ay lumipad. Sa likuran niya ay di-mabilang ng mga anghel ang sumunod sa kanyang pag-alis.

“Kung hindi ka lang sana lumayas, Nestor,” mahinang wika ng isang matandang lalaki na siyang lider ng Congregation of Papa Jesus noong nabubuhay pa siya sa lupa.

“Kung nanatili ka lang sana sa kongregasyong ito.”

– Wakas (ng mundo) –

*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*-*
👍vote pls...tnx

PINOY HORROR STORYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon