Make up Artist

1.2K 12 0
                                    

Si Lila ay isa sa mga kilalang make-up artist sa kompanya nila. Patunay dito ang ilang National Make-up Contest na naipanalo na niya. Halos mapuno na ng mga trophies at certificates ang sala niya sa condo.

Dahil sa husay at angking talento, heto sya ngayon at ipinadala ng kompanya niya sa Singapore para lumaban sa isang International Make-up Contest.

Sobrang nasabik siya ng unang ibinalita sa kanya na dadalo siya dito. Hindi lang dahil unang pagkakataon niya itong makapunta ng Singapore kundi dahil tanyag ang patimpalak na ito na dadaluhan pa ng ilang mga sikat na personalidad.

Dahil kinabukasan pa ang patimpalak, nagpasyang maglibot muna si Lila sa ilang sikat na lugar sa Singapore. Mabilis lang ang kanyang paglilibot, hanggang sa mapadpad siya sa isang antique shop.

Manghang- mangha siya sa isang lumang salamin na nakita. Kasintaas lang nito ang mesa niya sa condo. Panahon pa daw ito ng giyera sabi ng nagbi-benta. Pero dahil nilinisan ito at nilagyan ng barnis, napakagandang tingnan. Naisip niyang pwede siyang mag-ensayo ng pagmi-make-up sa harap nito kaya binili niya.

Alas-syete ng gabi. Kinuha niya ang salamin at ipinatayo sa mesang nakadikit sa dingding. Umupo sya at tinitigan ang sarili sa harapan nito. May kilabot siyang nararamdaman habang nakatingin dito. Pero dahil hindi naman siya naniniwala sa multo, nagpatuloy lang siya sa ginagawa.

Alam na niya ang teknik na gagawin sa patimpalak kinabukasan, kaya nagsimula na siya.

Ilang minuto lang ang nakalipas, naramdaman niyang lumamig ang buong kuwarto. Naisip niya na dahil siguro sira ang aircon.

Malapit na siyang matapos sa pagpapahid ng foundation nang biglang nalaglag ang suklay niya sa ilalim ng mesa.

Agad naman siyang yumuko at inabot ito. Muntik na siyang mamatay sa gulat nang pag-angat niya ay iba na ang babae sa repleksyon ng salamin. Napasigaw siya sa takot at nanindig lahat ng balahibo niya sa katawan. Maputi ang buong mukha ng babae at matiim na nakatingin sa kanya habang sinusuklay ang mahaba at tuwid na buhok.

Nang ngumiti ito sa kanya at lumabas ang maraming itim na likido sa bibig nito, nanginig na siya sa takot kaya tumakbo siya ng mabilis palabas ng kuwarto niya.

Halos maubusan na siya ng hininga ng makarating sa elevator.

Pagpasok niya, umiyak na siya sa sobrang takot dahil pagtingin niya sa repleksyon ng salamin, nakita niya ang multo ng babae. Nakangiti ito sa kanya habang nagsusuklay.

PINOY HORROR STORYTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon