Hanapin Siya

491 39 6
                                    


Madami akong nagawang pagkakamali sa buhay na labis kong pinagsisihan. Mga bagay na ipinagsawalang bahala. Oras na ipinagkait sa iba. Salitang hindi ko nasambit dahil mas pinili kong manahimik.

Nagulat ako nang makita ang isang balsang palutang-lutang sa tubig. Papalapit ito sa mabatong bahagi ng ilog, tatlong dipa mula sa kinatatayuan ko.

"Lumulan ka. Ihahatid ka nito sa nararapat mong patunguhan." sabi ng Liwanag.

Walang pagdadalawang isip akong sumakay sa balsa. Kinuha ko ang sagwan sa ibabaw nito. Wari'y may sarili itong buhay dahil walang tigil sa pag-uga ang balsa sa tuwing ako ay gagalaw. Kamuntik pa akong mahulog sa tubig.

Humalaklak ang Liwanag. Halos mabingi ang tenga ko sa dagundong nito.

"Ang hirap! Hindi ko po alam ang gagawin." reklamo ko.

"Natatakot kang mahulog sa ilog at tuluyang malunod? Nalilimutan mong hindi ka na maaring pumanaw."

"Hindi niyo na kailangang ipaalala! Alam ko pong pumanaw na ako." pagmamarunong ko.

Nagsimula akong sumagwan. Labis kong ikinatuwa nang unti-unting umusad ang balsa. Payapa ang tubig sa ilog kaya't hindi ako nahirapan. Maganda ang tanawin sa paligid. Walang katapusang dagat ng makukulay na bulaklak.

Nagpatuloy ako sa pagsagwan. Hanggang sa napansin kong may mali. Pinagmasdan kong mabuti ang isang malaking batong may biyak malapit sa ilog. Sigurado akong nakita ko na iyon kanina. 

Hinayon ko muli ng tingin ang paligid at napagtanto ang lahat. Tandang - tanda ko ang kinaroroonan ko. Kanina pa ako paikot-ikot sa ilog!

"Liwanag, ang sabi niyo po ay ihahatid ako ng balsa sa dapat kong puntahan. Bakit hindi ito umuusad?" Naiinis kong sambit.

Sa sandaling iyon, lumakas ang agos ng tubig sa ilog. Sa isang iglap, naibuwal ng bayolenteng hampas ng alon ang balsa. 

Natagpuan ko ang aking sarili sa pusod ng ilog. Napakalamig ng tubig sa ilalim. Habang ako'y lumalangoy, nagsilabasan ang mga mumunting bolang kumukutitap. Pinalibutan ako ng mga ito. Nadarama ko ang matinding lumbay ng mga mumunting ilaw.  

Lalo silang dumarami sa bawat sandaling lumilipas. Nagkumpulan ang mga kumukutitap na bola sa mga binti ko at balikat. 

Alam ng mga ito ang nilalaman ng isipan ko.

"Althea! Althea ang pangalan niya!" narinig kong pinaguusapan ako ng mga ito.

"Sa akin ang bagong dating!"  galit na wika ng nasa kaliwa. 

"Hindi ako papayag! Sa akin siya sasama!" sigaw ng nasa kanan.

"Dumito ka Althea.. sumama ka sa akin."  malamig na bulong ng isa pa sa tenga ko.

"Hindi na makakaalis si Althea!"  sabay-sabay na bigkas nilang lahat. 

Lalong pumalibot sa akin ang mga mumunting ilaw. 

"Takot si Althea! Hindi siya makakaalis sa lugar na ito!"  pangungutya nila. 

"Hindi! Akoyo!.. Lumayo kayo!" wika ko. 

Nagsimula akong hilahin ng mga mumunting bola patungo sa kailaliman ng ilog. Hindi ako makagalaw. Napakabigat ng katawan ko. Napuno ako ng takot.

"Liwanag! Saklolo!" ang tanging nasambit ko.

Hindi ako binigo ng Liwanag. Nangning-ning ang buong paligid at naramdaman kong muli ang init na hatid nito sa aking kaluluwa.

"Kumapit ka ng mabuti." wika ng kaibigan kong liwanag. 

Liwanag sa DilimTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon