Chapter 1

5.7K 71 12
                                    



NAPATILI ako nang makitang pumasok ang three point shot ni Derrick. Sa dami ng kasabay kong tumili sa loob ng gymnasium, alam kong bale-wala na kung makabasag-eardrums ang pinakawalan ng vocal chords ko sa tiling iyon. Paano ba naman? Fifty percent yata ng kababaihang nanonood sa interschool basketball competition na iyon ay may crush kay Derrick. Fifty percent ang kasabay kong tumili.

Oo. Ganoon karami ang kaagaw ko kay Derrick Villados. Sino ba naman kasi ang hindi magkakagusto sa isang tulad niya? Guwapo, matangkad, athletic at may napakagandang ngiting nakita ko sa buong buhay ko. Isa siya sa campus heartthrobs ng St. Catherine High School. Captain ng basketball varsity. Galing sa isang kilalang angkan ng businessmen at athletes. Sa madaling salita, perfect siya. Perfect.

Sa sobrang perfect ni Derrick, pati ang conceited brat na si Kara Serrano nagpapaka-fangirl sa kanya. Kanina ko pa nakikita ang bruha na maarteng nagchi-cheer para kay Derrick dahil nakaupo siya sa row sa unahan ng sa akin, nasa tapat ko mismo ang seat niya. As if naman papatulan siya ni Derrick sa sama ng ugali niya. Kung ako nga na mabait at pretty—sabi ng mga honest na tao sa paligid ko—hindi pinapansin ni Derrick, si Kara pa kaya?

Feeling ko naman, may pag-asang magustuhan din ako ni Derrick. Mga ten percent. Oo, medyo mababa. Pero at least, may chance. Hindi ko pa nga lang alam kung kailan talaga ako magkakaroon ng chance para mapansin niya. Ilang beses ko nang pinlano ang magpapansin sa kanya pero nachi-chicken ako. Nagwo-worry kasi ako. Baka pumalpak ako at maglaho nang tuluyan ang ten percent chance na iyon at maging zero.

Kaya naman hindi pa ako gumagalaw at patuloy pa ring nangangarap na mangyari din sa akin iyong mga napapanood ko sa romantic movies. Iyong serendipity. Iyong destiny. Malay ko ba at baka naman si Derrick talaga ang lalaking itinadhana para sa akin. Hindi pa lang kami pinaghaharap ng tadhana dahil hindi pa ito ang tamang panahon.

Niyugyog ko sa balikat ang kaklase at kaibigan kong si Janice at dahil sa sobrang kilig. Ang talim na ng tingin niya sa akin pero dahil nangako akong tutulungan siya sa report sa klase, hindi siya makaalma. Kanina ko pa siya halos nabubugbog sa tuwing nagpapakitang-gilas si Derrick. Mabuti na lang at magkaiba kami ng crush ni Janice. Si Gary na point guard ang tinitilian niya sa game na iyon.

Parang gusto kong magreklamo nang i-announce ang half-time break kasi pumasok na sa locker room ang SCH varsity team.

Malungkot akong bumuntonghinga habang nakatanaw sa pinasukan ng team. "Bes, ba't gano'n? Kahit ilang minuto lang mawala sa paningin ko si Derrick, miss ko na siya?"

Naramdaman ko ang pagtulak ni Janice sa ulo ko. Hindi na yata nakatiis na hindi makaganti sa halos pambubugbog ko sa kanya kanina.

"'OA mo!" nakangiwing comment niya. "Crush mo pa lang 'yan, ha. Lalo na siguro kung maging kayo."

Napasinghap ako sa sinabi ni Janice. Hindi ko napigilan ang kiligin sa 'maging kayo.' Napahagikgik ako. "Sana nga, bes. Sana nga maging kami ni Derrick. Promise. Ako na ang gagawa ng lahat ng class reports mo hanggang college kapag nagdilang-anghel ka."

"Gusto ko 'yan, bes!" Nakihagikgik na rin si Janice.

"Gosh. Ang dami talagang mga ambisyosa sa paligid."

Napatigil kami ni Janice sa paghahagikgikan at napatingin sa harapang row. Alam kong si Kara ang nagsalita. Kunwari ay nakabaling pa siya sa kaibigan niyang si Lenny pero alam kong ako ang pinaringgan niya. Naiintindihan ko kung bakit nairita siya sa narinig niya dahil crush din niya si Derrick pero dapat nag-shut up na lang siya tulad ko kanina habang pinanonood ang kaartehan niya habang nagtsi-cheer kay Derrick. Pare-pareho lang naman kaming nangangarap na magustuhan ng crush namin. Kaya wala dapat basagan ng trip.

Relationship Status: Friendzoned (St. Catherine High Series Book #6)Where stories live. Discover now