Makapangyarihan ang diyos ng karagatan na si Neptuno.
Kaya niyang pakalmahin ang alon ng dagat kung kanyang nanaisin at sinusunod din siya ng karamihan sa mga isda at nilalang ng karagatan. Sakop ng kanyang kaharian at kapangyarihan ang sinumang naninirahan dito — mga isda, balyena, pating, lumba-lumba, alimango, dikya, sireno at sirena at iba pang hindi na mapangalanang lamang-dagat sa dami ng uri.
Kaisa-isang anak ni Neptuno si Ariela — isa itong sirena.
Payapa, marilag at mayaman pa noon ang karagatan sa pangangalaga ni Neptuno.
Kulay asul ang malinis na tubig, malayang lumalangoy sa ibabaw nito ang laksa-laksang uri ng lamang-dagat, ang mga corals sa ilalim nito na nagsisilbing tahanan ng mga maliliit na isda ay kay gaganda, ang mga halamang dagat na kanilang pagkain ay tila hindi nauubos sa sobrang sagana.
Sa maiksing salita, ang karagatan ay makulay at maganda.
Bagama’t limitado lamang ang dami at uri ng mga isda na nahuhuli ng mga mangingisda noon, hindi naman sila umuuwing walang bitbit o huli para sa pamilya, mayroon pa ngang natitira upang may maitinda para sa pamilihang bayan. Ngunit ang tao ay sadyang mapaghangad ng sobra sa kanyang pangangailangan.
Si Greko ang lider ng grupong namamalakaya sa dagat pasipiko ay niyakag ang kanyang mga kasamahang mangingisda sa lugar kung saan mas maraming uri ng isda ang mahuhuli.
“Magtungo tayo sa banda roon, napakakaunti ng isdang ating nahuhuli rito. Masyadong mababa ang presyo ng ating itinintidang isda marahil nagsasawa na ang mga mamimili sa paulit-ulit na isdang ating inaalok sa kanila.” pagyakag at mahabang paliwanag ni Greko sa mga kasama. Ang tinutukoy na lugar ni Greko ay ang Isla Orakulo – lugar kung saan hitik sa napakaraming uri at bilang ng isda ang makikita.
“Ngunit hindi ba’t ipinagbabawal sa atin ang magtungo roon? Magagalit ang diyos ng karagatan na si Neptuno ‘pag ginawa natin yaon…” alinlangang sagot ng kasamang mangingisda ni Greko na si Milan.
“Kung gusto ninyong magkaroon ng karagdagang kita para sa inyong pamilya sasama kayo sa akin! At ‘wag kayong maniniwala na mayroong diyos ang dagat, hindi totoo si Neptuno! Hindi totoong may diyos ang dagat!” pagmamatigas ni Greko.
“Sino sa inyo ang nais na sumama sa akin upang mangisda sa Orakulo?“
Agad na nagtaas ng kamay ang walo sa siyam na mangingisda. Samantalang si Milan ay alanganin kung sasang-ayon o hindi, sa bandang huli’y nagpasya na rin siyang hindi sumamang magtungo sa Orakulo.
Gamit ang kani-kanilang mga bangka ay nagtungo ang walong mangingisda sa isla ng Orakulo. Maliban kay Milan na nakuntento na lamang sa kanyang nahuling isda at umuwi na lamang sa Bayan ng Maui.
Dis-oras ng gabi ng makarating ang grupo ni Greko sa Isla Orakulo.
Hindi nga nagkamali si Greko sa kanyang hinala. Napakarami ngang uri ng lamang-dagat at kanilang natagpuan sa Isla Orakulo! Kanya-kanyang hagis ng lambat ang mangingisda — walang hindi natutuwa sa dami ng isdang kanilang nahuhuli. Walang hindi nasisiyahan sa posibleng napakaraming perang kanilang kikitain.
Halos lumubog na ang mga bangka ng grupo ni Greko sa sobrang dami ng lamang-dagat na kanilang huli. Hindi maipaliwanag ang labis na kasiyahan na nadarama ng mga mangingisda. Hindi pa sila nakararating sa dalampasigan ay alam na nilang pagkakaguluhan sila ng mga negosyanteng namamakyaw ng mga huling isda.
“Sabi sa inyo e! Sa dami at espesyal na isdang nahuli natin sigurado malaki ang kikitain natin ngayong araw na ito!” pagmamalaki ni Greko sa kanyang grupo.
“Oo nga, oo nga! Whoo!” pagsang-ayon ng lahat habang sila’y malakas na pumapalakpak.
Saglit lang ay agad nang naibenta ang mga huling lamang-dagat ng grupo ni Greko. Kumita sila ng higit sa triple kumpara sa dati nilang kinikita. Malaki-laking halagang maiuuwi para sa pamilya. Bagama’t si Milan ay nakararamdam ng kaunting inggit dahil sa malaking kinikita ng kanyang mga kasama hindi naman siya nagpatalo sa inggit na ito. Nagpatuloy lang siya sa nakagawiang pangingisda — sapat na para sa kanya ang may maiuwing pagkain para sa pamilya at sapat na para sa kanya ang perang magtutustos para sa pangangailangan ng pamilya.
BINABASA MO ANG
Kwentong Epiko Ng Mitolohiya
Non-FictionA little help sa kapwa ko grade10 students. Sana makatulong.