“Nabasa mo na ‘to?” tanong niya sa’kin. Nakaupo kami sa may terrace. May hawak siyang kopya ng dyaryo habang nagyoyosi ako. “May mga nawawala raw na bata.”
“O?” sabi ko. Hindi ako masyadong nakikinig noon. Nakatingin ako sa malayo, sa kung saang kawalan man yun sa kadulo-duluhan ng Ilocos. Alas tres ng hapon noon at malamig ang simoy ng hangin galing dagat. May isang bangka na nangingisda. Pag gabi dumadami sila at ang makikita ko lang ay ang mga lampara nilang sumasabay sa hangin sa gitna ng kadiliman. “Parang kahit saan naman may mga kinikidnap,” sabi ko.
“Iba to e,” sabi niya sa’kin. “Bigla nalang raw nawawala. Pangapat na raw ‘to ngayong buwan.”
“Grabe naman.”
“Sabi dito, liliwanag raw ng sobrang lakas tapos bigla nalang ganun. Wala na yung bata.”
“Ano naman yun? Kinuha ng alien?”
“Malay,” sabi niya. Binaba na niya ang dyaryo. “Bobo ng kwento mo,” sabi ko. “Baka naman totoo yan.”
“Baka nga,” sabi niya sa’kin. Kinuha n’ya ang kaha ko at sumindi. Matagal kaming ganoon, parang nakatulala lang sa may terrace at nagyoyosi. Walang salitaan. Tahimik lang. Paminsan minsan tinitingnan ko kung paano siya magyosi. Ang galing niya. Hindi niya alam to, pero sinimulan ko manigarilyo dahil sa kanya. Ang presko ng hangin galing sa dagat. May mga bata na naglalaro sa may buhangin. May linilibing sila na kasama nila. Napangiti nalang ako.
“Tara,” bigla niyang sinabi. “Lakad lakad tayo ng onti.” Umoo ako at tumayo kami. “Hanap tayo ng makakainan,” sabi ko. Sawa na ko sa pagkain ng hotel. Masyadong mamantika. Kung ‘di naman mamantika, matabang. Mas okay pang kumain nalang sa labas. Mura na nga, mas authentic pa. Mahilig ako sa ganun e. Gusto ko yung authentic. Di poke’t nakakain ka na sa hotel o kaya sa kung saang restaurant na may “Ilokano cuisine” e nakakain ka na talaga ng pagkaing Ilocos. Dapat matikman mo yung kinakain talaga ng Ilokano, hindi yung lutong panturista.
Medyo malayo ang hotel namin sa bayan pero hindi naman siya nakakabagot lakarin. Sanay na rin naman kami maglakad. Habang lumalapit kami sa bayan nararamdaman kong umiinit ang panahon at dumudumi ang hangin, pero siguro kasi masyado lang akong nasanay sa may tapat ng dagat. Naglakad-lakad lang kami sa bayan. Halatang mga turista kami pero hindi ko na inisip ‘yon masyado. May manang na tinitindahan kami ng mga souvenir. Ayoko sa mga souvenir. Kung gusto ko maalala ang isang lugar na napuntahan ko, ayoko ng binili ko lang siya. Hindi nabibili ang alaala.
Napadaan kami sa simbahan. May plaka doon na nakalagay na ginawa raw siya noong panahon ng mga Kastila, at dating taguan raw ‘to ng mga Katipunero noong panahon noon. Bumili siya ng sampaguita. Hindi ko inakalang may sampaguita rin pala dito sa Ilocos. “Suot mo, para magmukha kang mabait,” sabi ko. “Gago,” sabi niya, at ngumiti siya sa’kin ng bahagya.
Naglakad kami hanggang sa dumilim, at naisipan namin maghanap ng makakainan. May nakita kaming karinderya sa kabilang kanto. Wala halos tao. Umupo kami sa may sulok at umorder ng pagkain.
“Lam mo,” sabi niya sa’kin, “parang gusto ko ng lugaw ngayon. Lugaw o kaya goto.”
“Wala naman atang goto sa Ilocos,” sabi ko. Inihain na ang pagkain namin. Umorder kami ng sisig at binagoongan, tapos Red Horse. Pwede na. Anlayo ng lasa kumpara sa pagkain sa hotel. Kakaiba yung binagoongan nila, kasi mukha rin siyang sisig. Kung hindi ko nga alam na binagoongan ang kinakain ko maiisip ko na parang dalawang order ng sisig ang nakahain sa harap ko noon. Yung isa, sizzling, tapos yung isa, crispy. Sa unang tingin, magkamukha talaga. Nasa sizzling plate lang yung isa. Pero kung titingnan mo ng maigi, mapapansin mo lahat ng pagkakaiba. Kung aalamin mo, hindi mo mapagkakamalan na sisig yung binagoongan.
BINABASA MO ANG
A Painter's Story, at mga Iba pang Kwentong Siomai.
KurzgeschichtenNaisip ko ganito nalang gawin ko kasi uso ata sa Wattpad ung mga series. Di ko alam trip nyo e. Anyway eto. Pero hindi related ang mga kwento dito. Or maybe related sila, ikaw bahala. Imagination mo nalang yan.