Binati ako ng kakaibang simoy ng hangin pag-apak ko pa lamang sa lupain ng aking ninuno. Para bang alam na niya ang pakay ko sa pagpunta rito sa Cebu. Napangiti ako sa pagsalubong na ito.
"Magliliwaliw na lang muna ako sa paligid ng Mactan Shrine," bulong ko bigla sa sarili.
Pagkababa ng eroplano, ito ang unang pumasok sa isipan ko; ang pasyalin ang lugar kung saan naroon ang masasayang alaala tungkol sa mga kwento ng katapangan ng aking ninuno. Tutal, dito rin ako susunduin ni Aling Lena, ang tagapangalaga at kasama ni Lolo sa bahay. Hindi ko na rin kasi kabisado ang daan papunta sa tinitirhan nila rito sa Punta Engaño, isang barangay rito sa Mactan.
Tiningala ko ang monumento ni Lapu-Lapu. Bahagya man akong napapapikit dahil sa tindi ng sikat ng araw, nakikita kong matayog pa rin itong nakatayo. Ang taas-taas niya, napakalayo sa kinatatayuan ko. Ganito kataas ang paghanga ko sa kanya noong musmos pa lang ako.
"Tama! Si Lolo Rogelio," napasigaw ako sa sarili.
Sa kanya ko natutunan ang lahat tungkol sa katapangan ni Lapu-Lapu. At kumpara kay Lolo at sa musmos na Sergio, wala pa sa kalingkingan ang ginawa kong pagmamalaki na kadugo ko ang unang bayaning Pilipino. Para kasi sa kanya, isa itong gintong pamanang dadalhin niya panghabang buhay.
Naputol ang pagmumuni-muni ko nang may kumalabit sa 'kin. Isang batang babae; payat at medyo nangingitim ang balat. Dulot siguro ito ng palagiang pagbibilad sa araw. Sa kabila nito, bakas sa mga labi niya ang isang malapad na ngiti.
"Kuya, palit ka po key chains?" tanong niya sa akin. Binibentahan niya ako.
Nakakagulat at naintindihan ko ang mga sinabi niya kahit hindi na ako marunong mag-Bisaya. May labing-dalawang taon na rin kasi yata ang nagdaan mula nang umalis kami rito.
"Fresh na fresh from the City of Lapu-Lapu pa po ito," masigla niyang pahayag.
Napangiti ako. Mapagbirong bata. Kahit kaunti, napalitan niya ng pagkaaliw ang kadramahan ko kaya bumili na rin ako ng tinitinda niya. Isang key chain na gitara ang pinili ko kasi ito ang isa sa mga sikat na produkto rito.
"Salamat, Kuya. Sa susunod ulit." Masaya niyang paalam bago tumakbo papunta sa loob ng isang souvenir shop.
Inihatid ko siya ng tingin. Doon ko napagtanto kung gaano kakulay sa lugar na 'to. Nagsusumigaw ang kasaysayan ng Mactan kung saan si Lapu-Lapu pa rin ang itinuturing unang bayani ng bansa.
Sa ilang oras na pamamasyal, sa wakas ay dumating na rin si Aling Lena. 'Di ko siya nakilala agad.
"Welcome to Cebu, Sergio!" masayang bati niya. Kamot-ulong napangiti ako sa sigla ng pagsalubong niya.
Oras ng siesta nang dumating kami sa bahay ni Lolo. Gaya pa rin ito ng dati; malaki pa rin ang buong kabahayan sa paningin ko. Mas naging tahimik nga lang gawa ng wala na masyadong tao maliban kay Lolo at kay Aling Lena.
Naabutan namin si Lolo na nakaupo sa may bintana. Nakapikit niyang nilalanghap ang sariwang hanging nagmumula sa bakuran.
"Aayusin ko lang po ang gamit ko sa kuwarto," pabulong kong paalam kay Aling Lena.
Inilapag ko ang dalang maleta sa tabi, nahiga at hinayaang alisin ang pagod sa byahe. Ang daming pumapasok sa isipan ko. Isa na rito ang pagkadesperado. Masyado na itong matindi para magdesisyon akong saliksikin ang bagay na muling mag-aangat sa karangalan ko. Hindi ko gusto ang nararamdaman ko lalo na't naiisip kong parang papel na lipad nang lipad ang buong pagkatao ko na 'di alam kung saan lulugar.
"Dong Sergio, mangaon na ta," tawag ni Aling Lena. Sakto, gutom na rin ako kaiisip.
"Opo, papunta na."
Pagkalabas ko ng sala, saka ko lang napansin na gabi na pala.
"Sergio, anhi na diri," tawag sa akin ni Lolo. Nang dahil sa pagkamangha, muntik ko nang makalimutan kung saan ako pupunta.
"Ba't 'di ka nagsabi na dumating ka na pala?" pagsesermon niya habang nagmamano ako.
"Natutulog po kasi kayo. Ayaw ko pong makaistorbo," magalang kong paliwanag.
"Asus, sige kain na," sabi niya nang makaupo na ako sa harap ng mesa.
Habang kumakain, sinamantala ko ang pagkakataon na sabihin ang pakay ng pagdating ko.
"Lo, puwede po ba ako sa aklatan ng bahay bukas? Magbabasa na lang po ako ng libro rito," pagpapaalam ko.
"Maari iho, pero ‘yon lang ba ang gagawin mo rito sa buong bakasyon mo?" pag-uusisa ni Lolo.
"Kaning bataa jud. Gawas pud panagsa sa balay," sambit ni Aling Lena na nasa harapan ko lang.
"Tama si Lena, lumabas ka rin ng bahay paminsan-minsan," pagsang-ayon ni Lolo.
Ngumiti na lang ako. Baka isang araw siguro, maisipan kong sa halip na pursigidong hanapin ang sagot sa katotohanan ay lumabas na lang ako; magsaya at kalimutan ang lahat tungkol do'n... Sana.
"O, sige, kung 'yan ang gusto mo," sabi na lang ni Lolo. 'Di na kasi talaga ako nakasagot.
BINABASA MO ANG
Magito Salaser (Published Under PNY21)
Historical Fiction**Collab Story by Winfour2, DJWDan, and bluelicht04** A historical fiction about the historical battle of Mactan. Tara't samahan ang paglalakbay ni Sergio sa nakaraan at kilalanin kung sino si Magito Salaser.