"Aray!"
Malakas ang tunog ng pagbagsak ko sa lupa. At bakit ako bumagsak? Ang sakit a.
Pero saglit lang ay nalimutan ko na agad ang sakit. Nawala na sa isip ko 'yon dahil napukaw nang husto ang mga mata ko sa buong paligid. Tumayo ako at marahang naglibot ng tingin. Hanggang sa ang mga mata ko'y huminto sa taong bigla na lang sumulpot sa tabi ko.
"S-sino ka?!" tanong niya habang marahang iniaangat ang hawak na bato.
Imbis na matinag, tinitigan ko lang siya ng may pagkamangha. Nakabahag kasi siya at damit na parang vest ang datingan.
"Uulitin ko! Sino ka?!"
Sa pagkakataong ito, nanginginig na siya sa takot. Akala niya siguro mabangis akong hayop.
"Sergio. Ako si Sergio, kaibigan," masuyo kong sagot.
"Kaibigan?" Nakangiti akong tumango-tango.
"Saan ka nagmula, bakit ganiyan ang iyong kasuotan? Sabihin mo! Hindi ka taga-rito!" Napatingin ako sa kabuuan ko.
Naisip kong kakaiba nga ang suot ko. Pero kung ikukumpara sa kanya? Ibang klase.
"Pwede ba, 'wag mo nang pansinin? A, e ikaw? Anong pangalan mo?" kaswal kong sabi para na rin masagip ang buhay ko mula sa nakamamatay na batong hawak niya.
"A-ang tawag nila sa akin ay Magit."
"Magit?"
Teka, parang narinig o nabasa ko na 'yon somewhere e... Aha!
"So, Magit. Ang buo mong pangalan ay Magito Salaser. Tama ba? At, nickname mo ang Magit?"
Naalala ko 'yong libro. Ang librong may kung anong sapi at napunta ako sa lugar na 'to.
Umiling si Magit.
"Magit ang pangalan ko. Magit mula sa angkan ni Gandul."
Akala ko siya na 'yon. Pero kung sa bagay, wala sa itsura ng buong pagkatao niya ang maging parte ng isang madugong labanan.
"Saang lupain ka nagmula, kaibigan?" ang nakakagulat niyang tanong. Nabigla ako dahil bigla na lang ay kaibigan niya na ako.
"From the future!" Nakatunganga lang siya sa akin.
"Ang ibig kong sabihin, nagmula ako sa hinaharap."
At ilang saglit pa siyang nakatunganga sa akin bago sumagot, "Nagmula ka sa lupain ng hinaharap?"
Naku, mukhang mahihirapan kaming magkaintindihan nito. Ngumiti na lang ako at tumango bilang pagsang-ayon.
"Ikaw Magit? Saan ka nakatira? Nasaan tayo ngayon?"
Naudlot ang pag-uusap namin ni Magit nang bigla niya akong hilahin papunta sa likod ng puno. Natataranta siya. Kitang-kita ko ang matinding pagbubutil ng pawis sa buong mukha niya.
"Magtago ka." May tinatanaw pa siya sa kalayuan. Hindi ko alam kung ano iyon dahil wala naman akong nakikitang kung ano.
"Bakit?" minabuti kong tanungin siya.
"Parating ang datu, baka ika'y pagkamalan na isang dayuhan."
Tinanaw ko rin ang direksyonkung saan siya nakatingin. Wala talaga. Grabe, 'di kaya may sira sa utak 'to? Tamang hinala na e.
"Wala naman a."
"Sinabing magtago ka e," bulong na gusto niyang isigaw sa mukha ko.
Sinunod ko ang utos ng weirdo kahit medyo labag sa kalooban ko. Nakaupo lang ako sa likod ng puno, siya naman ay nakatayo lang habang hinihintay ang pagdating ng kung sino.
Mahigit isang minuto rin akong nagkubli habang siya, maka-ilang ulit na sa paglunok.
Ilang saglit lang, biglang yumuko si Magit. At saka ko lang napagtanto, ang talas ng paningin niya. Natanaw niya iyon? Normal pa ang paningin ko pero hindi ko talaga 'yon nakita.
Kasunod no'n ay ang pagdating ng mga kalalakihang pawang bahag ang kasuotan. Ang isa'y may kung anong burloloy na nakatali sa ulo na may kapansin-pansing kakaibang laki ng hikaw nito. Sa tinig niya, hindi mapagkakailang siya ang pinuno.
Nakatingin lang sa ibaba si Magit, hindi siya pinansin ng mga iyon sa kabila ng magandang hapunang ipinambungad niya.
Ilang minuto rin akong napanganga sa lalaking may kakaibang tindig. Napag-aralan ko na ito at hindi ako maaring magkamali, ganoon ang mga pormahan ng isang datu.
Nang makalampas ang grupo, dali-dali akong nilapitan ni Magit.
"Kailangan ko nang maghanda, maghahapunan na ang datu," natataranta niyang sabi.
"Pero paano ako? Iiwan mo ko rito? Sasama ako!" Tumingin siya sa kabuuan ko bago nagsalita.
"Huwag kang mapangahas! Sa iyong anyo? Hindi ko mabatid ang maari nilang gawin sa iyo oras na masilayan ka nila."
"Ganoon ba?" Medyo napaisip ako sa sinabi niya.
Pero hello! Saan ako sa buong kagubatang ito mananatili?
"Sige na! Please, mananahimik ako, magaling akong magtago!" Pamimilit ko pero ang tanging sagot niya ay tingin ng pagdududa.
![](https://img.wattpad.com/cover/115086933-288-k286230.jpg)
BINABASA MO ANG
Magito Salaser (Published Under PNY21)
Historical Fiction**Collab Story by Winfour2, DJWDan, and bluelicht04** A historical fiction about the historical battle of Mactan. Tara't samahan ang paglalakbay ni Sergio sa nakaraan at kilalanin kung sino si Magito Salaser.