Ikalimang Pahina

35 6 5
                                    

Nakarating kami sa kubo ni Magit nang walang nakakapansin sa akin. Magaling siya, matalas ang paningin kaya't madali niyang nalalaman kung may taong paparating. Pagpasok namin sa loob, agad niyang hinalungkat ang kung anong bagay na nakapaloob sa isang banga.

"Anong hinahanap mo?" tanong ko sa kanya pero hindi niya ako pinansin. Abalang-abala siya sa kanyang hinahanap.

Mga ilang sandali pa, napahinto siya. Nagtaka ako kaya't ako na ang lumapit.

"Ano ba 'yan?" pag-uulit ko.

Humarap siya sa akin sabay abot ng kapirasong tela. Alam kong hindi iyon isang damit, hindi ko rin masasabing isang kasuotang pambaba.

"Suotin mo ito," sambit niya.

"Ano? Susuotin ko 'yan?" Napaatras ako nang bahagya nang mapagtanto ko kung ano ang bagay na hawak-hawak niya.

Bahag!

"Kailangan mo itong suotin, hindi maaaring kakaiba ka sa paningin ng lahat. Labis silang magtataka kung ganiyan ang iyong anyong panlabas."

Alam kong tama ang mga sinabi niya pero, hindi puwede! Nakakahiya! Hindi ko nga kayang maligo sa pool ng naka-brief lang, tapos magsusuot ako ngayon ng bahag?

"No, thanks. Please, ayoko niyan," pilit kong pagtanggi.

"Wala tayong pagpipilian kaibigan, kapag inakala nilang isa kang dayuhan, maaari ka nilang parusahan."

"Hindi naman ako mukhang dayuhan, magkakamukha lang tayo o," giit ko pa.

Binigyan niya lang ako ng tingin na susuotin ko ba 'yon o siya na mismo ang magsusuplong sa akin.

Hay, ano pa nga ba? Mapapahamak ako kapag hindi ko sinunod ang sinasabi niya. Pero nakakahiya talaga!

Tiningnan ko siya. Tumango siya tanda ng pangungumbinsi sa akin. Wala na nga siguro akong magagawa kundi ang maging katulad niya, katulad niyang nakabahag lang. Kahit labag sa kalooban ko, pipilitin ko para na rin sa sarili kong kaligtasan.

Inabot ko ang telang iyon, inusisa ko muna ito. Mukhang isa ito sa pinaglumaan niya. Pero talo-talo na! Dapat ko itong suotin.

"Tumalikod ka," utos ko.

Hindi siya natinag. Hindi yata niya naunawaan ang sinabi ko. Nakatingin lang siya sa akin na halata ang pagtataka sa mukha.

"Magbibihis ako, huwag mo kong tingnan."

Do'n lamang niya napagtanto ang nais kong iparating.

Magito Salaser (Published Under PNY21)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon