HOUSE DOG
By Alex AscLabis ang kalungkutan namin dahil sa aksidenteng naganap.
Nasunog ang buong baranggay kung saan tinupok ng napakalaking apoy ang lahat ng bahay, kasama ang bahay namin na naging abo na.
Sadyang mabigat sa damdamin namin, dahil wala kaming alam na matutuluyan. Hikahos lang kami sa buhay.
Patay na si tatay noon pa, at si Nanay naman ay sakitin kaya't 'di makapagtrabaho. Wala rin kaming masyadong kamag-anak dito. Pawang mga kaibigan lang na pati sila'y nasunugan at nangangailangan din ng tulong. Malayo naman ang probinsya namin kaya't hindi rin kami makakauwi roon.
Lima kaming magkakapatid. Ako, si kuya at tatlong mga kapatid ko na pawang maliliit pa. Ako at si kuya lang ang naghahanap-buhay para sa pamilya namin.
Nagse-security si Kuya at ako naman ay naglalako ng mga gulay sa palengke.
Kasalukuyan kaming nakatambay na may kalayuan sa mga nasunog naming bahay.
Nang mapalingon ako sa malaki't makalumang disenyong bahay. Mukhang abandonado na, dahil nadadaanan ko 'to minsan, at wala akong napapansing tao.
Napapaisip ako na sana, may magmagandang loob sa amin. Na sana, may matuluyan kami. Sa hirap ng natamo namin, baka sa kalsada kami matulog at baka magutom pa kami, dahil pati pera't mga damit namin ay 'di na namin nagawang isalba.
Awang-awa ako sa mga maliliit kong kapatid na nag iiyakan. Mukhang gutom na sila.
Pumatak ang mga luha ko nang hindi ko namamalayan.
Maya-maya'y nahagip ng tingin ko ang isang lalaking naninigarilyo na nakatayo sa harapan ng malaking bahay.
Mukhang awang-awa siya sa amin. Lumapit sa amin at binigyan niya ng chicharon ang mga kapatid ko na ikinasaya nila.
Matapos ay nagpakilala kay kuya. Panandalian silang nag-usap.
Ganoon na lamang ang kasiyahan namin, nang inalok niya sa amin ang malaking bahay.
Ngunit may isa siyang kondisyon... may alaga silang aso na pag-aari pa ng lolo kamo nilang pumanaw. Mahal na mahal daw ng lolo nila ang aso na iyon.
Kaya't 'di raw nila maisama ang aso dahil ayaw iwan ang bahay.
Ang kondisyon ay aalagaan namin ang aso at papakainin lagi. Lingguhan naman ang balik ni Kuya Nestor upang dalhan ng pagkain ang alaga nilang aso.
Mayroon ding isang kwarto na 'di umano'y silid ng kanilang yumaong lolo, na ipinagbawal sa amin na lapitan o buksan.
At hindi lang tirahan ang inalok sa amin ni Kuya Nestor, binigyan niya pa kami ng pera para gastusin namin.
Grabe talaga, napakabuting tao ni Kuya Nestor. Masayang-masaya kami dahil may natuluyan kami.
BINABASA MO ANG
BLACK STORIES (Horror Abandoned Places)
Horror10 Stories ito na isinali ko noon sa isang patimpalak, ngunit dahil hindi napili, heto't pinost ko na lang dito lahat. Ang TEMA ng patimpalak ay bumuo ng horror stories about sa abandonadong lugar, kaya't puro lugar ang karugtong ng pamagat ng mga k...