Unang Lata - Fafa Junior

83 4 0
                                    

"Sino 'yang hampas-lupang ipinagpalit mo sa 'kin, Ligorio?!"
Ang malakas na sigaw ni Donya Masteria ang nangibabaw sa kuwartong iyon nang makita niya ang babaeng mahimbing na natutulog sa kamang naroroon, walang iba kundi si Mega.
"Hayaan mo 'kong magpaliwanag mahal ko," nanginginig na sagot ni Don Ligorio. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ng kanyang asawa upang mailabas ito roon.
"Hindi! Gusto kong marinig ang paliwanag mo rito," giit ni Donya Masteria matapos siyang maitulak nang malakas nito. Mabuti na lamang sa gilid ng kama siya bumangga kundi magkakahiwalay na ng tuluyan ang napakapayat niyang katawan.
"Isang linggo lang akong nagbakasyon sa France kasama ang unico hijo natin, tapos pagbalik namin pinalitan mo na ako agad," sumbat nito habang mangiyak-ngiyak na nagsasalita.
Niyakap niya ang mga matatabang hita ng kanyang asawa upang lambingin ito. "Mahal, siya 'yong nabangga ng tarantahing si Daemon no'ng nakaraang linggo." Lumaki ang mga butas sa ilong nito bilang tanda ng paniniwala sa kanyang mga sinasabi.
"E' ba't inuwi mo 'yang panget na 'yan dito?" pag-uusisa nito, sa malambing na ring boses. "Siguro talagang---"
"Hindi a'. Ikaw lang ang nag-iisang babae dito sa puso ko, mahal," putol agad niya sa maling iniisip nito. "Nagka-amnesia siya dahil sa aksidente kaya pinatira ko siya rito. Alam mo na, baka masira ang reputasyon natin kapag nalaman ng mga kalaban natin sa negosyo ang tungkol sa kanya."
Mas lalong nanlaki ang mga butas sa ilong ni Donya Masteria, na sinabayan pa ng pagsingkit ng mga mata nito. "Sige na, naniniwala na 'ko pero---"
"Ano'ng pero na naman 'yan, mahal?"
"Kapag gumaling 'yan, palalayasin mo na 'yan." Binalingan muna ni Donya Masteria si Mega na alam niyang nakikinig lang sa kanilang mag-asawa. Kanina pa niya napansin na nagising ito dahil sa ingay ng bunganga niya. "Isa pang kondisyon, mahal, habang nakatira siya rito ay magiging katulong natin siya. Maliwanag ba, babaenh hampas-lupa?" pagpapatuloy niya sabay hila sa kumot na itinalukbong ni Mega sa katawan nito.
"O-opo..." matipid na sagot ni Mega habang nakatitig sa mga mata ni Don Ligorio.
Sabay na umalis ang mag-asawa sa kuwarto ni Mega kaya nakahinga na siya nang maluwag. Bumangon na siya ng tuluyan mula sa kama at saglit itong inayos.
"Diyos ko, sana po hindi nila mabistong nagsisinungaling lang ako. Kailangan ko lang po talagang gawin ito e'," bulong niya sa kanyang sarili. "Promise po, magiging 'honesto' pa rin po ako sa kanila tungkol sa buhay ko," giit niya sabay taas ng kanyang kanang kamay.

TILA nakakaramdam pa rin ng pagdududa si Donya Masteria kay Mega kaya naisip nitong pahirapan siya habang naninirahan sa mans'yon ng mga ito. Pinagawa nito sa kanya ang mga gawaing hindi kayang gawin ng isang tao lamang gaya na lang ng paglilinis ng napakalaking chandelier sa malawak na salas.
"Hoy, babae pagkatapos mo r'yan, linisin mo rin 'yong bubong. Maliwanag?"
Hindi na nagawa pang sumagot ni Mega dahil sa pagkalula sapagkat halos dalawang palapag na gusali ang taas ng kanyang kinaroroonan. Tanging makapal na lubid lamang ang sumusuporta sa kanyang katawan, na nakatali sa mataas na scaffholding. Sa kabila ng pananaig ng takot ay ipinagpatuloy pa rin niya ang paglilinis sa napakalaking mga bumbilya ng chandelier. Pinairal na lang niya ang ibayong pag-iingat dahil ano mang maling galaw ay tiyak ikakamatay niya iyon.
"Humanda ka, dragon ka. Kapag nabaliw sa 'kin 'yung asawa mo, palalayasin kita rito." nanggigil na lang niyang bulong dahil sa inis.
"Kailangang malinis mo 'yun bago lumubog ang araw," paalala pa ni Donya Masteria.
Napangisi pa ito nang sulyapan siya sa itaas. Alam nitong hirap na hirap na siya pero sigurado siyang mas mahihirapan pa siya nito sa mga susunod na araw hanggang sa kusa na lang siyang lumayas.
Mahigit tatlong oras ang ginugol ni Mega bago niya natapos ang paglilinis sa chandelier. Puwede na ngang manalamin kahit sa mga bakal nito dahil sa sobrang kintab.
"Ano'ng oras na kaya? Malilinis ko pa kaya 'yong lecheng bubong na 'yon?" inis niyang sabi habang dahan-dahang bumababa sa scaffholding gamit ang lubid na sumusuporta sa kanyang katawan.
"WELCOME BACK, SINYORITO JUNIOR!"
Halos ilang metro na lamang ang layo niya sa sahig nang magulat siya dahil sa malakas na sigaw ng mga katulong. Bahagya ring yumanig dahil pagtakbo ng mga ito. Kaya hindi sinasadyang nakabitaw siya sa lubid at bumulusok pababa!
"ARAY! ANG ULO KO!"
Umalingawngaw ang boses ng isang lalaki nang mabagsakan siya ng isang malaking butiki mula sa kisame.
"UMALIS KA SA DIBDIB NI SENYORITO!"
Muling nagbagsakan ang mga tutuli sa tainga ni Mega dahil sa malakas na sigaw ng dalawang matatabang katulong, ang kambal na sina Dyosabil at Dyesebil. Halos kaladkarin pa siya ng mga ito maalis lang sa malapad na dibdib ng lalaking kanyang nabagsakan.
Natulala siya nang makilala niya kung sino ang lalaking iyon. Sa lahat naman ng mababagsakan sa nag-iisang anak pa ng mga amo niya. Si Ligorio Youngstown Jr.
"PINATAY MO S'YA!" Galit siyang sinugod ni Dyosabil at marahas na niyugyog ang kanyang mga balikat.
Samantalang taranta namang tumakbo paalis si Dyesebil upang humingi ng tulong.
"Hindi ko naman sinasadyang mabagsakan s'ya," katwiran niya. Marahas pa niyang itinulak si Dyosabil upang makawala sa matataba nitong mga braso. "Nagulat kasi ako dahil sa lakas ng sigaw n'yo. Kaya kayong mga balyena ang may kasalanan," giit pa niya rito.
Hindi na nakatayo pa si Dyosabil dahil sa bigat ng kanyang timbang. "IKAW ANG MAY KASALANAN!" paninisi pa nito. Sa inis niya ay pinaikot niya ito sa sahig na parang isang trumpo. Hanggang sa tuluyan na rin itong nawalan ng malay dahil sa pagkahilo.
Nilapitan niya ang nakahigang si Junior sa sahig upang alamin kung talaga bang humihinga pa ito.
"Diyos ko, 'wag N'yo pong hayaang makapatay ako. Sayang naman ang fafa-ng 'to. Ang yummy n'ya o'," pagsusumamo niya habang dahan-dahan niyang inilalapat ang kanyang tainga sa dibdib nito.
Bigla siyang napaungol nang maramdaman niyang may isang kamay na humahagod sa kanyang likod. "Diyos ko, 'wag N'yo pong hayaang tuminikilig niyang pakiusap.
Hindi na niya napigilan ang sensasyong kanyang nararamdaman kaya unti-unti na niyang inilapit ang kanyang mukha sa nakapikit pa ring si Junior. Matama niyang pinagmasdan ang tila obra maestrang mukha nito. Makakapal ang mga kilay. Mahahabang mga pilik-mata, na sigurado siyang mas lalo nagpapaganda sa mga mata nito. Matangos ang ilong. Malalamang mga pisngi. Higit sa lahat, nang dumako ang kanyang mga mata sa mapupula nitong labi ay tila gusto ng tumulo ng kanyang laway dahil sa pananabik.
Mas lalo siyang nanabik nang marinig niya ang impit na pag-ungol ni Junior, na tila nagdedeliryo na. Kaya hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa, karakaraka niya itong sinibasib ng halik ang mga labi nito.
'Lord, thank you po sa biyaya!' sigaw ng kanyang isipan habang ninanamnam niya ang malalambot at matatamis na mga labi ni Junior.
Halos maubusan siya ng hininga nang maging mapangahas na rin ang mga labi ni Junior. Nakipaglaro na rin ang mahaba nitong dila sa kanyang nag-aalab na dila. Sipsipan-to-the-max ang peg nilang dalawa!
"HOY BABAENG LAMOK! Tantanan mo 'yang kissable lips ng unico hijo ko!"
Tumilapon ang patpating katawan ni Mega nang marahas siyang itinulak ni Donya Masteria palayo sa anak nito. Pumutok ang kanyang makasalanang mga labi dahil sa pagkakasubsob sa matigas na sahig.
"Walang hiya kang babae ka. Pinatay mo na ang anak ko, pinagsamantalan mo pa ang lips n'ya," galit na galit na sabi ni Donya Masteria habang yakap ang katawan ng kanyang anak. "Mabubulok ka sa kulungan!" sigaw pa nito.
"'Wag po... 'Wag po... Maawa po kayo sa hampas-lupang kagaya ko," pagsusumamo ni Mega habang naglulupasay sa sahig. Ilang beses pa siyang napalunok dahil sa paghahalo ng malapot niyang dugo mula sa kanyang labi, malagkit na sipon at maasim na luha.
"Wala po akong kasalanan. I did not kill anybody!" sigaw niya. Lumuhod pa siya upang mas lalong kaawaan ng donya. "Bukas, luluhod din po ang mga tala," aniya habang nakatingala sa chandelier na naroon.
"Hoy, tigilan mo 'yang pagdadrama mo!" sigaw muli ni Donya Masteria. "Pagbabayaran mo ang paglapastangan mo sa---" Hindi na nito naituloy pa ang sasabihin nang marinig nito ang pag-ungol ni Junior.
"Ang sarap mo talagang humalik Bebe Jelly..." narinig pa niyang bulong nito.
Tinapik ni Donya Masteria ang pisngi ng anak nito upang magising ito sa masamang panaginip sa pag-aakalang mga labi ng girlfriend nitong si Jelly ang hinalikan nito kanina.
"Mama, ano'ng nangyari?!" gulat na tanong ni Junior nang masilayan niya ang nakakagulat na mukha ng kanyang ina. "'Wag n'yo na 'kong tatakutin ng ganito a'," pakiusap pa niya habang iniiwasan ng tingin ang malaking butas ng ilong ng ina, na sa sobrang laki ay baka masinghot na siya ng buo.
"Okay, son. Promise!" taas-kamay nitong sagot. "May masakit ba sa 'yo?" nag-aalala pa nitong tanong nang hindi na nakatingin sa kanya.
Umupo na sa sahig si Junior at inobserbahan muna ang kanyang sariling katawan. Wala naman siyang ibang nararamdamang masakit maliban sa bahagyang pagsakit ng kanyang ulo. "Ang ulo ko lang po, mama," sagot niya.
"Aling ulo?" Mas lalong nanlaki ang butas ng ilong ni Donya Masteria dahil sa sinabi ng kanyang anak. Pinaghinalaan kaagad niyang pinakialaman din ni Mega ang isa pang ulo ni Junior. "Ipapakulong pa rin kita dahil sa panggagahasa mo sa anak ko!" sigaw niya kay Mega na napayuko na lang sa sobrang hiya.
Napayuko na rin si Junior upang silipin ang kanyang alaga. Bahagya siyang napangiti nang mapansin niyang 'nabuhayan ito ng loob'.
'Grabe ka talaga Bebe Jelly, pinasaya mo na naman ako kahit na sa panaginip.' aniya sa sarili.
"Oh, gusto mo bang ako na lang ang mag-check?" mungkahi ni Donya Masteria, na palihim pang napangisi.
"'Wag na po, mama. Wala na pong ibang masakit sa'kin kundi 'tong ulo ko," paliwanag niya habang hinahaplos ang kanyang ulo, sa itaas.
"Okay. Sige, ipapatawag ko ang family doctor natin upang ma-check up ka ng mabuti," sagot nito. Inakay na niya ito upang makatayo silang mag-ina. "Dyesebil, samahan mo na si Junior sa kwarto n'ya," utos nito sa kanilang katulong.
Nagpatiuna sa paglalakad si Junior paalis sa kanilang salas. Ilang hakbang na nagagawa niya nang maisip niyang lingunin ang babaeng kausap ng kanyang ina.
"Dyosabil, 'wag na 'wag n'yong hayaang makatakas ang babaeng 'yan. Hindi ko na s'ya ipapakulong, pero hinding-hindi na s'ya makakalis sa mansyong 'to hanggang hindi s'ya nagmamakaawang patayin ko na lang s'ya."
Natawa na lang si Junior sa mahabang litanya ng kanyang ina. Talagang mahilig na itong gayahin ang peg ni Donya Angelica Santibanez.
Matama niyang pinagmasdan ang kabuuan ng babaeng iyon. Matangkad siya ngunit napakapayat naman. Sa palagay pa niya ay dalawa o tatlong katawan nito ang katumbas ng katawan ng kahit sino kina Dyesebel at Dyosabil. Ang mahaba, kulot at buhaghag naman nitong buhok ay nakakatulong upang maisip niyang may tao palang mukhang sea urchin.
Nang mapansin niyang nakatingin sa kanya ang babaeng iyon ay agad niya itong dinilaan. "S'ya pala 'yong malaking butiking bumagsak sa 'kin. Este lumilipad palang sea urchin," natatawa pa niyang bulong at tumalikod na.
Tuluyan ng napatulo ang mga luha ni Mega nang tuluyang tumalikod si Junior. Hindi siya naiiyak dahil sa mga sinabi ni Donya Masteria ngunit dahil sa pag-aakala niyang mabait ang kanyang fafa. Iyon pala ay nagmana yata ng ugali sa ina nitong dragon. Kung sa ilong lang lumalabas ang apoy nito ay siguradong kanina pa siya tustado.
"Ikulong n'yo 'yan sa kuwadra ni Bays Gondo! Makikipag-agawan s'ya ng damo sa kabayo ko," galit pang utos ng donyang dragon kay Dyosabil. Wala na siyang nagawa kundi maging sunud-sunuran sa malalaking braso nito na humahatak sa kanya.
'Lord, ayoko na pong mabuhay. Ipapatay N'yo na lang po ako sa kilig...kay Fafa Junior.'

Itutuloy...

2018 © Mysterious Eyes | Xerun Salmirro

Oh, My Sardin!Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon