Ako'y tumulay
sa manipis na nyebe
patungo sa 'yo.
Saksi ang buwan,
ang buong uniberso
sa pag-ibig ko.
Imahinasyon
ang s'yang aking sandata--
ang aking buhay.
Landas na laan
upang ang bawat titik
puso'y marating.
Ang bawat linya,
saknong, maging tugmaan
ay alay sa 'yo.
Ang tanging rason
kung bakit salita ay
may ritmo't himig.
Ika'y s'yang tula
na aking yakap-yakap—
na laging hanap.
Ang bukambibig
ng personang makata
sa araw't gabi.
Maubusan man
ng tinta ang panulat
papel ma'y gusot.
'Di mapapagod
na ikaw ay mahalin
hanggang sa huli.