Hele ng Humihiyaw na Damdamin tuwing Takipsilim

16 4 5
                                    

CeriumLithiumNeon
Sa hinagap na lamang nagisnan ang matiim na pag-asang minsang nagliwanag,
unti-unti nang nahimbing ang puso sa heleng tumutugtog kasabay ng paglisan—
Paglisan ng ulirat habang pinagmamasdan ang kislap na siyang nabanaag
sa kawalan ng buhay at pagkamatay ng tanging dahilan na namagitan.

Nabalot ng init ang minsang nanlamig na damdamin dala ng takot,
At pagkalungkot na kay hirap labanan sa tuwing namumutawi na ang lumbay.
Sa pagkakataong wala na ang tanging bagay na kayang bigyang lunas at gabay,
ang isang damdaming hanap ay paglingap kapag mukha'y nagsimula nang malukot.

Isang alitaptap na sa gitna ng parang ay dahan-dahang nagbigay-liwanag,
lumandas sa dulo ng hiwagang nakasilip habang ang mga tala'y walang imik.
Habang patuloy na nagmamasid ang buwang dala'y liwanag tuwing ang hapis ay makamandag
at patuloy na pumapasok sa sistema sa isang pitik.

Isang pusong gusto nang sumuko at hayaan na lamang ang papel na gusot
sa mesang nagsilbing kanlungan ng nag-uumapaw na kalungkutan,
sa katotohanang bawat pagsikat ng araw ay may kalakip na paglisan.
At sa bawat pagdamay, ay may isang pusong makalalaya sa pagkalugmok at lungkot.

"Mahal," salitang bahagyang narinig mula sa mga labing nanginginig,
at sa kay hinang pagbigkas dulot ng garalgal na tinig
na bagamat may mga baybaying malinaw na nanaig sa piniling daigdig
ay hindi pa rin nito mapawi ang pag-aalala sa tuwing mauupos na ang kandilang minsang sinindihan nang buong sigasig.

Kawangis ng mga paru-paro sa harding puno ng milyon-milyong bulaklak,
dahan-dahan itong lalapit sa natipuhan nito, maglalagalag
maglalaro at muli lilisan matapos makakuha ng nektar.
Hanggang sa ang mga dahon ng bulaklak ay paisa-isang malaglag.
Muling mangingibabaw ang nakasanayang ritmo, tahimik at walang buhay na lugar.

Haraya: Kalipunan ng mga TulaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon