Last Page: The Conclusion

138 25 40
                                    


Ending: The Conclusion

Mahigit isang buwan matapos ang katanungang iyon, nagdesisyon na nga ang dalawa na magkita at magkakilala na ng personal sa wakas.

Si Arden pa mismo ang nagpunta sa probinsya nito at napag-alaman niyang "Alessa" pala ang tunay na pangalan nito at Esang talaga ang palayaw. Sa kabilang banda, hanggang sa puntong iyon, tanging "Andeng" lamang ang alam nito sa pangalan niya. Gusto niya kasing makita ang magiging reaksyon nito oras na malaman nitong isa siyang kilalang manunulat.

Nang makarating siya sa lugar kung saan nila napag-usapang magtagpo ay agad niyang napansin ito sa 'di kalayuan ayon na rin sa sinabi nitong suot na dilaw na bestida, puting headband, at maging ang bitbit nitong napakalaking backpack.

  Sa wakas. Nakita rin kita, Esang.

Sandaling pinagmamasdan ito ni Arden sa malayo habang nangingiting ino-obserbahan kung gaano ka-inosente ang itsura nito habang isa-isang nginingitian at tinitignan ang mukha ng bawat taong dumaraan malapit sa inuupuan nitong waiting shed.

Matapos ang ilang sandali ay tuluyan na niyang pinindot ang cellphone at tinawagan ang numerong ibinigay nito sa kanya. Nagmamadali naman nitong sinagot iyon bago excited na tumayo. Sa wakas. Maririnig na rin niya ang boses nito sa kauna-unahang pagkakataon.

"H-Hello? A-Andeng?" sabi nito sa kabilang linya. Kitang-kita naman niya kung paanong nagpalinga-linga ito sa paligid na para bang may hinahanap ito.

"Sinong hinahanap mo?" kunyaring tanong niya kahit alam naman niyang siya talaga ang hinahanap.

"Ikaw! Sino pa ba? 'Di ba sabi mo tatawagan mo lang ako kapag nakita mo na 'ko? Ibig sabihin nakatingin ka sa sa'kin ngayon? Nasan ka na? Andaya mo! Lumabas ka na at magpakita sa'kin! Hindi naman kita kakagatin e. Hindi ako nangangagat. Nangungurot lang."

Natawa naman si Arden sa sinabi nito.

"Ang daldal mo pala talaga. Akala ko hanggang sa keyboard ka lang madaldal. Bakit ang laki ng dala mong bag? Makikipagtanan ka na ba sa'kin?"

"Tse! Naman eh! Bahala ka d'yan. 'Wag mo 'kong kausapin hangga't hindi ka nagpapakita. Napaka-unfair mo! Pero nasa'n ka nga?"

"Ang liit mo pala, noh?" natatawang biro niya, "at maitim."

"Hindi ako maitim! Lagot ka talaga sa'kin."

"Paano mo 'ko makikita kung hindi ka naman naghahanap?"

"Bahala ka. Nagbago na isip ko. Ayaw na kitang makita." Muli itong umupo habang humahaba ang nguso.

"Gano'n lang kabilis? Nagbago na agad isip mo?"

"Oo."

"Nandito ako sa likod ng truck." Mabilis siyang nagtago sa gilid nito matapos sabihin iyon. Sa totoo lang, kinakabahan din siya ng mga sandaling 'yon. Hindi kasi siya sigurado kung anong magiging reaksyon nito oras na malaman nito ang dahilan kung bakit hindi niya basta-basta masabi rito ang tunay niyang pangalan. Kung bakit kailangan niya itong ilihim.

Narinig niya pa ang dahan-dahang paglakad ng mga paa nito papalapit sa puwesto niya. Nang tuluyan ngang makalapit at madako ang tingin sa kanya ay halos biglang mapako ang mga paa nito sa kinatatayuan.

Bakas na bakas ang pagkabigla sa mga mata nito nang makita siyang nakasandal sa gilid ng malaking sasakyan. Bahagyang inangat ni Arden ang isang kamay nang magtama ang kanilang mata sa kauna-unahang pagkakataon habang nananatili sa ganoong posisyon.

"Are you kidding me?" hindi makapaniwalang sambit nito habang kapansin-pansin ang biglang pangingilid ng mga luha sa magkabilang mata.

"Nope," seryosong tugon niya kasabay ng paghakbang sa mga paa upang lapitan ito bago nakangiting inalok ang kanang kamay, "Hi, Esang. I'm Arden. It's nice to finally see you."

Lost For WordsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon