Huling Yugto

196 23 15
                                    

Naglalakad siya papunta sa likod ng bahay ng mga Crisostomo. Nang makarating na sa kanyang destinasyon ay umupo siya sa lupang natatamnan ng maliliit na damo. Namayani ang katahimikan. Tanging mahinang tunog lamang ng pagdaan ng hangin ang maririnig.

Umupo siya malapit sa isang maliit na lapida. Hindi ordinaryo ang lapidang ito. Ang bawat disenyo nito ay halatang pinag-ukulan ng mahabang oras. Ang bawat detalyeng nakalagay dito ay halatang pinagbuhusan ng pagmamahal. Mas maliit ito kumpara sa isang ordinaryong lapida.

Naka-embossed dito ang isang hugis. Hugis talampakan ng isang aso. Sa loob ng disenyong ito ay may mga katagang nakalagay.

In loving memory of our faithful friend and family member

Kai Crisostomo”

You will always be that special and cheerful dog that once appeared in our lives.

Thank you for being the best friend anyone can ask for.

You will always be my forever KAIbigan. 

“Kamusta ka na?” simula ni Karen.

“Alam mo, nakakatampo ka. Hindi mo ako hinintay. Tagumpay ang naging operasyon ko sa puso. Mas malakas na ako ngayon. Kaso, wala ka na. Wala na tuloy akong kalaro, iniwan mo kasi ako agad eh. Pero 'wag kang mag-alala masaya naman ako ngayon.” pagbawi ni Karen. Parang isang buhay na Kai ang kanyang kinakausap. Lumipas na ang mga araw ng pagluha niya, masayang-masaya na siya ngayon kung nasaan man naroroon ang matalik na kaibigan.

“Kai, alam mo bang nag-iba ang mundong ginagalawan ko magmula ng dumating ka sa buhay ko? Akala ko hindi magiging maganda ang kapalaran ko nung mag-labingtatlong taong gulang ako. Kasi sabi nila malas daw ang numerong thirteen.” pagpapatuloy ni Karen.

“Ngunit kaibahan noon ang nangyari. Isang araw ay sumulpot ka na lamang bigla sa aming bahay. Natuwa agad ako sa'yo una pa lamang kitang nakita. Alam mo ba na ang ibig sabihin pala ng ibinigay ko sa'yong pangalan ay 'rejoice'? Pinatunayan mo iyon dahil binigyang saya at kulay mo ang buhay ko.” turan ni Karen. Naging masaya talaga si Karen sa sandaling panahon na nakasama niya ang matalik na kaibigan.

“Simula ng dumating ka ay naging malaya ako. Nagkaroon ako ng kauna-unahang kaibigan sa pamamagitan mo. Na-realize nila mommy at daddy na hindi maganda ang epekto sa akin ng pagiging overprotective nila. Sa kauna-unahan ding pagkakataon ay nakapasok ako sa paaralan. Naranasan kong maging isang totoong estudyante sa ilalim ng apat na sulok ng silid-aralan. Nakakilala ako ng bagong mga kaibigan sa katauhan nina Grace at Marky.” Napakalaki ng pasasalamat ni Karen sa pagdating ni Kai sa kanyang buhay. Sandali man ang inilagi ng matalik na kaibigan sa mundong ito ay naging makabuluhan naman ito.

Ano naman kung mas maikli ang buhay mo kaysa sa ibang tao? At least hindi mo 'yun sinayang at mas naging makabuluhan ang buhay mo hindi tulad ng sa iba, mahaba nga ang kanilang buhay punung-puno naman ng pagsisisi.”

Noon lamang naintindihang lubos ni Karen ang mga binitiwang kataga sa kanya ng tutor na si Ms. Adrianne.

“Bebe girl! Nasaan ka na naman ba? Aalis na tayo. Magsisimula na ang misa sa simbahan.” tawag ni yaya Lourdes kay Karen.

“Sige Kai. Alis na muna kami, linggo kasi ngayon. Pupunta muna kami ng simbahan para magpasalamat kay Lord. Alam kong, kasama mo na ngayon diyan sa langit si Lord. Pakabait ka diyan ha, at ako'y magpapakabait din dito sa lupa.” Tumayo na si Karen at umalis. Tinungo na niya ang kanilang sasakyan kung saan naghihintay ang mga magulang at yaya Lourdes niya.

Natapos na ang misa at dumiretso na sa kanilang sasakyan ang mag-asawang Crisostomo. Samantalang nagpaiwan naman sandali si Karen kasama si yaya Lourdes sa loob ng simbahan. Nagdasal muna ulit si Karen sa Panginoon at nang matapos ay nag-sign of the cross. Bago bumalik sa sasakyan, ay napansin ni Karen ang rebulto ng isang santo. Nilapitan niya ito.

Rebulto ito ni San Roque ang santo ng mga aso. Napansin niya ang asong kasama ni San Roque kahawig na kahawig ito ng namayapang matalik na kaibigan. Ngumiti si Karen.

Naramdaman ni Karen ang pag-akbay sa kanya ng isang babae. Si yaya Lourdes pala ito.

“Alam mo ba bebe girl sabi nila, kapag daw ang isang aso ay namatay sa hindi inaasahang pagkakataon ay may ibig sabihin ito. Sabi nila, kung may sakit daw ang isa sa amo nito ay maaaring iyon ang dahilan. Para mailigtas ang amo ay isinasakripisyo nila ang kanilang buhay kapalit ng paggaling ng kanilang amo mula sa pagkakasakit.” sabi ni yaya Lourdes habang nakatingin sa rebultong tinititigan ni Karen.

“Hanggang sa huling sandali pala ng pamamalagi mo sa mundo, kaligtasan ko pa rin ang iniisip mo. Sana balang araw makapaglaro tayong muli. Makapaglaro sana tayo diyan sa paraiso kung nasaan ka man ngayon. Walang iniintinding sakit o problema. Tinatamasa ang buhay na walang hanggan.” nakangiting sabi ni Karen habang nakatitig sa rebulto ng asong kasama ni San Roque. Animo'y kinakausap niya ang rebulto ng aso.

“Hanggang sa muli nating pagkikita, KAIbigan.”

KAIbigan (Short Story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon