Title: “A Game Called Hell”
Authors: Notable Writers Guild
Nilingon ng dalaga ang kaniyang pinanggalingan upang makita kung nakasunod pa ba sa kaniya ang
nakakatakot na nilalang, na kanina ay humahabol sa kaniya. Hapong-hapo na siya ngunit hindi pa din
siya natigil sa pagtakbo. Habang siya ay tumatakbo, hindi niya maiwasang hindi mapaiyak. Ilang santo't santa na ang kaniyang tinawag para lamang makalabas siya ng buhay sa gubat na iyon. Ngunit sadyang mapaglaro ang tadhana at tila siya ay paikot-ikot lamang.Sa hindi kalayuan ay nakakita siya ng malaking puno, at dahil sa nakakaramdam na siya ng pagod at pagkahina ay naisipan niyang magtago sa likod ng malaking puno upang makapagpahinga. Dahan dahan siyang umupo at tila nagsimula nang magmuni-muni nang bigla siyang nakarinig ng isang nakakakilabot na halakhak sa hindi kalayuan. Sa puntong ito, alam niyang wala na siyang pag-asang makatakas pa. "Nasaan ka?! Lumabas ka! Tayo na't maglaro!" sigaw ng isang nilalang na may kahila-hilakbot na boses. Sinundan niya ito nang napakalakas na halakhak, na siyang umalingawngaw sa buong kagubatan. Nagmamadaling tumayo ang dalaga at nagbalak na tumakbo ngunit dahil sa pagod ay bumigay na ang mga tuhod niya, kaya naman siya ay tuluyang naabutan ng nilalang. "Huli ka! Akala mo matatakasan mo ako?!” ang sambit ng nilalang, habang nanlilisik ang mga mata nitong nakatitig sa dalaga. Nanginginig ang dalaga sa takot at walang tigil sa pagtulo ang kaniyang mga luha. Makikita din sa mga mata nito ang pagmamakaawa. Ngunit hindi natinang ang nilalang na nakahawak sa kaniya. Sa oras na ito, alam niyang nalalabi na lamang ang kaniyang oras. Tuluyan na siyang napahagulhol nang maisip niya ang maaaring mangyari sa kaniya. "Sa simula pa lamang ay hindi ka na dapat pumasok sa lugar na ito. Hindi ka na dapat nagpadala sa kuryosidad mo. Dahil iyan ang papatay sa iyo." sambit ng nilalang. Binigyan niya ang dalaga ng isang nakakalokong ngiti at tumawa ito na parang nababaliw. Sinamantala naman ng dalaga ang pag aalis nito ng tingin sa kaniya at palihim na nanghandang tumakas. Ngunit sadyang malakas ang pakiramdam ng nilalang at napansin niya ang tangkang pagtakas ng dalaga. Agad niyang hinablot ang dalaga sa leeg. Napasigaw naman ang dalaga sa pinaghalong takot at sakit. "Sa tingin mo ba ay makakatakas ka pa? Ilang oras na tayong naglalaro ng habulan at napapagod na ako, alam mo ba yun? Kating-kati na ako na tapusin ang laro natin." sambit ng nilalang at ngumiti ito ng nakakakilabot. "M-maawa ka." nagsusumamong sabi ng dalaga dahil hirap na hirap na siyang huminga sa pananakal nito sa kaniya. Sinubukan nitong pumiglas ngunit walang nangyari, mas lalo lamang humigpit ang pagkakasakal ng nilalang sa kaniya."May mas magandang ideya ako." sambit ng nilalang na mukhang may masamang binabalak.
Kinuha nito ang itak. Agad nakaramadam ng kaba ang dalaga nang makitang unti unti nitong nilalapit ang itak sa kaniyang dibdib. "Maawa ka, huwag." sambit ng dalaga. "Game Over."
Matapos sambitin ng nilalang ang mga salitang ito ay hinigpitan nito ng todo ang pagkakasakal sa babae na siyang dumurog sa mga buto nito at kasabay din nito ang pagtarak ng itak sa dibdib ng kahabag-habag na dalaga. Binitawan ng nilalang ang walang buhay na katawan ng dalaga at hinugot ang itak nito. Sumirit naman ang dugo sa dibdib ng dalaga. Napangiti na lamang ang nilalang nang makita ang kalunos-lunos na itsura nito at naglakad na papalayo na tila ba walang nangyari.
Isang inosenteng tao na naman ang natalo sa laro ng kamatayan.
******************************