Sinulatan kita 'pagkat walang boses. Idinaan sa mga letra yaong mga nadarama. Pinaagos ang tinta kasama ng luhang pagod na. Pagod ngunit hindi ang isip na sanlibo't isang mga salita ang nagsisitalunan. Mga pawang alon ng dagat na walang kasawa-sawa at paulit-ulit na sinasalanta ang kaawa-awang kaisipan. Pero bakit? Bakit hanggang ngalan mo lamang ako. Ni hindi madugtungan ang sasabihin ko. Maraming naiisip pero iyong kilanlan lang ang nasambit. Mabuti pang tigilan ko na. Baka tulad sa iyo, ang pagtapos nitong liham ay walang pag-asa.