Unti-unting iminulat ni Levina ang kanyang mga mata. Napanaginipan niya ang pag-uusap nila ng kanyang lola ng siya'y pitong taon pa lamang. Isip niya'y marahil kaya niya napanaginipan iyon dahil kinabukasan ay tutungtong na siya sa edad kung saan makikilala niya na ang nakatakda para sa kaniya.
Bumangon na siya at nag-ayos ng kaniyang sarili. Panibagong araw na naman na kailangan niyang makisalamuha sa mga tao.
Oo, tama kayo. Siya'y nasa mundo ng mga tao. Hindi man niya gusto ngunit kailangan upang mahanap ang nakatakda para sa kaniya. Kung siya ang papipiliin ay mas gusto niya sa mundo kung saan siya kabilang. Doon kasi'y malaya siya, hindi katulad sa mundo ng mga tao na kailangan niyang ilihim kung anong klaseng nilalang talaga siya.
Sinusuklay niya ang kaniyang mahaba't itim na itim na buhok nang biglang tumunog ang doorbell ng inookupahan niyang apartment malapit sa pinapasukan niyang unibersidad.
Binaba niya ang suklay sa harap ng kaniyang salamin upang tignan kung sino ang nag-doorbell.
"Levi! Bakit naka-uniform ka pa? Hindi mo ba natanggap 'yung text ng president natin?", tumambad sa kaniya ang kaibigan niyang si Shantal. Ang nag-iisang kaibigan niyang mortal sa mundo ng mga tao. Dalawang taon niya na ring kaibigan ito, nagsimula ang kanilang pagkaka-ibigan nang iligtas siya nito sa pambu-bully ng mga mortal na masasama ang ugali. Iniwasan niya ang babae dahil hangga't maaari ayaw niyang magkaroon ng kaibigang mortal dahil kapahamakan ang maidudulot niya dito ngunit sadyang makulit ito at hindi siya nilubayan hanggang sa hinayaan niya na lamang ito. Bukod sa mabait si Shantal, maganda rin ito. Singkit ang mga mata nito, maliit at matangos ang ilong, may manipis itong labi na kulay rosas, balingkinitan ang katawan, lagpas sa balikat ang buhok nitong may natural na kulay kape, hindi man ito katangkaran ngunit marunong itong magdala ng kaniyang suot.
"Hello? Earth to Levina Auvrelion?", tila ba nagising siya sa pag-iisip nang kumaway sa harap ng mukha niya ang kaibigan.
"A-ah, hindi e. Ano bang sabi?", tanong niya rito. Kinuha naman ng babaeng kaharap ang cellphone nito sa bag na nakasabit sa kamay, tumipa ito at mayamaya'y pinakita ang text ng kanilang presidente sa klase.
"Oh, wala daw pasok, ha? So friend, go na magbihis ka na then samahan mo ako, gala tayo!", tinulak-tulak pa siya nito papunta sa kwarto niya. Hindi na siya naka-angal dahil alam niyang hindi naman siya mananalo sa kaibigan, kukulitin lamang siya nito buong araw kapag hindi niya ito sinamahan.
**
Naglalakad sila sa mall ng kaibigan niya nang makaramdam siya nang saglit na pagkahilo kaya naman napatigil siya.
"Levi, saan ba muna tayo? Sa store ng nga shoes or ng mga clo— Levi? Uy, friend, anyare sayo? Masakit ba ulo mo?", binalikan siya ng kaibigan niyang nauna ng kaunti sa paglalakad kanina.
Naalala niyang hindi pa nga pala siya nakakainom ng dugo ngayong umaga kung kaya't nahihilo siya. "Uhm, Shantal, teka magc-cr muna ako.", pagpapaalam niya sa kaibigan. Hindi na niya hinintay pa ang sagot nito dahil tila ba umiikot na ang kaniyang paningin. Dali-dali siyang naglakad takbo papunta sa pinakamalapit na CR. Nakatungo siyang naglalakad takbo dahil alam niyang sa ganitong sitwasyon ay namumula na ang kaniyang mga mata dahil sa uhaw sa dugo.
Sa pagmamadali niya'y bigla siyang bumangga sa isang bagay na naging sanhi ng kaniyang pagkaka-upo sa sahig ng mall.
"Miss, sorry! Okay ka lang ba?", dinig niyang tanong sa kaniya ng mortal na nakaluhod sa harapan niya at nakalahad ang kamay upang tulungan siyang tumayo. Nakayuko siyang tumayo mag-isa. Mabuti na lamang at nakalugay ang buhok niya ngayon upang matakpan ang kaniyang mukha kanina. Dali-dali na siyang pumunta sa CR at pumasok sa isa sa mga cubicle doon.
Kinuha niya ang pouch kung saan nakalagay ang dugo na nakalagay naman sa lalagyan na may nakalagay na tomato juice. Sadya itong pinagawa para sa kanilang mga bampira upang hindi maghinala ang mga mortal kung ano ang iniinom nila.
Unti-unting nauubos ang laman ng pakete ng juice at unti-unti ay nawawala na ang kaniyang hilo. Nang maubos ang dugo ay lumabas na siya sa cubicle at inayos ang nagulo niyang buhok at damit dahil sa pagkakabagsak niya sa sahig kanina. Ngayon niya lang naramdaman na medyo sumakit ang kaniyang puwetan, kumirot din ang kanang siko niya na nagkagasgas pala dahil sa nangyari kanina. Hindi niya na inabala pang gamutin ang gasgas dahil alam niya sa sariling paglipas lamang ng ilang oras ay maghihilom na ito, isang katangian na gustong-gusto niya sa pagiging isang imortal.
Nang maayos na niya ang sarili lumabas na siya sa CR ngunit nagulat siya nang may biglang lumapit na lalaki sa kanya. "Miss? Ayos ka lang ba? Sorry talaga sa nangyari kanina.", nabosesan nya ang lalaking mortal. Ito nga ang nabangga niya kanina.
"A-ayos lang. Ako nga ang dapat humingi ng paumanhin dahil ako naman itong hindi tumitingin sa dinadaanan ko.", nakayukong saad ni Levina sa lalaking mortal na kaharap niya.
"May gasgas ka sa siko. Teka, gamutin natin.", hinawakan ng mortal ang kaniyang siko ngunit parang napaso naman siyang umiwas dito.
"Ayos la—"
"Kobe, ang tagal mo naman. Tara na, hinahanap na tayo nila Archer.", napatingin siya sa isa pang lalaking mortal na naglalakad papunta sa kinaroroonan nila.
Sa mga sandaling iyon bumagal ang oras at kalauna'y tila tumigil na ito. Kumalabog ng malakas ang puso niya. Perpekto, ang tanging nasa isip niya nang mga oras na iyon. Alam niyang hindi na ulit magiging katulad ng dati ang buhay niya... dahil natagpuan niya na siya. Ang nakatakda. Ang kaniyang unang biktima.
Pakiramdam niya'y nauuhaw na naman siya. Tila ba natuyot ang kaniyang lalamunan gayong kaiinom pa lamang niya ng dugo kanina. Kakaiba ang nararamdaman niya ngayon. Ang kaniyang mga pangil ay unti-unting lumalabas kaya't tumakbo siya palayo sa lalaking iyon.
"Miss! Miss!", nadinig niyang tawag sa kaniya ng mortal na nagngangalang Kobe ngunit hindi niya ito nilingon dahil natatakot siya. Natatakot siyang baka kapag nilingon niya ang kinaroroonan ng lalaki ay tuluyan niyang mapatay ang kasamang lalaki nito.
Sa kakatakbo'y nakarating siya sa isang eskinita. Kumuha siya ng dugo sa kaniyang lalagyan at ininom ito. Napapikit siya nang maramdaman ang kaginhawahan sa lalamunan.
"Inang, ano ho ba ang senyales na mararamdaman ko kapag nakita ko na ang itinakda?", pagtatanong ulit ng batang Levina sa kaniyang Inang.
"Kakaibang pakiramdam ang mararamdaman mo, Levina. Unti-unting babagal ang oras. Kakalabog ng malakas ang iyong puso na tila ba gusto nitong kumawala sa katawan mo. At matinding pagkauhaw, 'yan ang mga senyales na naramdaman ko noon...",
"Ngunit, Levina, ito ang tatandaan mo. Huwag mong hahayaan na—"
"Levina! Naririto ka lang palang bata ka. Kanina pa kita hinahanap.", naputol ang sinasabi ng kaniyang Inang nang marinig niya ang galit na boses ng kaniyang Mama na biglang sumulpot sa harap nila.
"Opo, Mama. Ito na!", hindi na siya nakapagpaalam sa kaniyang Inang dahil hinawakan na siya sa kamay ng kaniyang Mama at hinila palabas sa silid ng kaniyang Inang.
Ang mga senyales na naramdaman ko nang makita ang mortal na iyon ay tugmang-tugma sa mga sinabi ni Inang. Nakita ko na nga siya. Siya na nga ang nakatakda para sa akin.
BINABASA MO ANG
Ang Nakatakda
VampireBumagal ang oras at kalauna'y tila tumigil na ito. Kumalabog ng malakas ang puso ko. Perpekto, ang tanging nasa isip ko nang mga oras na iyon. Alam kong hindi na ulit magiging katulad ng dati ang buhay ko... dahil natagpuan ko na siya. Ang nakatakda...