Unang Pagkakataon

63 2 0
                                    

Mula sa berde ay naging pula ang ilaw sa traffic light bago pa man dumating ang kotse ko sa linyang hintuan ng mga sasakyan sa malaking daan. Walang sasakyan na dumadaan sa puntong ito dahil na rin marahil sa oras. Alas dose y medya, nang ibaling ko ang tingin ko sa orasan ng sasakyan. Mga isang daan at labing anim ang bilang sa oras ng pagtigil sa interseksyon. Ang mga mata ko'y naluluha, hindi dahil bukas ang bintana ng sasakyang minamaneho ngunit dahil sa matinding pagod na aking dama bunga ng mahabang araw sa trabaho. Biglang dumilim ang paligid. Sa tantya ko ay mga tatlong sigundong pansamantalang nawalan ng liwanag. Hindi ko wari ang nangyari at ng mapansin ay limang segundo na lang ang natitirang oras sa traffic light. Dali-daling tinapakan ang clutch at inilagay sa unang kambyo ang sasakyan upang humanda sa pag-andar.

Marahil hindi pansin ng nakararami ang paglipad ng oras dahil sa subsob sa kanya-kanyang gawain. Ang iba ay madalas kumikilos batay sa liwanag ng araw at namamahinga sa pagsapit ng gabi. Paulit-ulit ang mga pangyayari sa buhay dahil sa kani-kanilang responsibilidad. Datapwat nahihirapan ay patuloy pa rin sa pagganap sa tungkulin. "Ano ba ang kahulugan ng buhay?", marahil isang beses mo nang naitanong sa sarili ngunit nagsawalang bahala ka dahil may iba pang mas mahalaga at mas mababaw na tanong kaysa sa tanong na iyan. Ang oras ay buhay. At ang lahat ng bagay sa buhay ay magkakaugnay. Insekto, mga hayop, halaman at maging mga bituwin sa langit. Lahat ay may kinalaman sa isa't isa. Multiberso. Sa sariling paglalarawan ay isang malaking halu-halong istorya na posibleng umiral at maaaring umiral o nangyari sa kagagawan ng bagay mula sa nakaraan, ngayon at kinabukasan. Ang walang hangganang posibilidad. At ang nararanasan na hirap o ginhawa ay bunga ng mga nagawa sa nakaraan at ang mga bagay na gagawin at ginagawa ngayon ay maaaring magbunga ng dalamhati o saya sa kinabukasan. Datapwat kailangang pag-isipang mabuti ang mga hakbang na gagawin dahil sa isang punto ay maaaring maging sanhi ng malawakang pagkasira ng mundo.

Introduksyon.

Ako si Adan. Isang masipag at magalang na tao. Masayahin, makisig at matalino. Mula ako sa lahi ng Pilipino at Español. Sa unang tingin ay mukha akong dayuhan. Asul na kulay ng mga mata at wari'y nangungusap. Makapal na kilay, hindi katangkaran ngunit makisig. Kayumanggi ang kulay ng balat na marahil nakuha ko sa inang purong Pilipino. Malaki ang respeto ko sa lahat ng umiiral sa mundo. Magsisimula ang kwento ko sa eskuwelahang aking pinapasukan.

Iskolar ako sa Pribadong Mataas na paaralan ng bayan ng San Jose. Ikatlong taon ko na sa Mataas na paaralan. Hindi madalas makisama sa mga kapwa estudyante. Hindi rin aktibo sa mga sangay ng paaralan. Maayos na namumuhay sa puder ng aking Ina na nagngangalang Pilar. Isang tindera ng sari-saring bagay sa harap ng tahanan na limang kalye lang ang layo sa paaralang pinapasukan.

Isang tipikal na araw habang ako'y nagbabasa ng aralin sa ilalim ng puno ng akasya sa loob ng paaralan nang may lumapit na estudyante at nagsabing, "Magandang araw!" Bilang tipikal na ako, hindi ko alintana ang boses at ni hindi nakuhang tumingin bagkus nagpatuloy sa pagbabasa. Habang nakatuon sa aralin ako'y nagtanong, "May maitutulong ba ako sa iyo?", sa di gaanong interesadong tono. "Wala naman." ang sagot nya na tila naglalambing halintulad sa bungad nya kanina. "Madalas kang nag-iisa.", mausisang sinabi at sinundan ng mas mausisang tanong, "Maaaring ba akong maupo sa tabi mo?" Bahagyang nakataas ang aking kanang binti sa bakod na nagsisilbing upuan sa paligid ng puno. Nakasubsob sa gawing kanan ang ulo habang nagbabasa. Hindi dumadampi ang mata ko sa mukha ng kahit na sinong dumaan sa harapan at tanging paa lamang ang makikita. Sa tanong na bigkas ng estudyante, ako ay napatingala upang sumagot. Dahan-dahang bumagal at tila titigil ang oras nang unti-unting umaakyat ang tingin ko sa taong nasa harapan ko. Nagmula sa baiwang na halatang manipis dahil ang blusang balot sa katawan ay maluwag sa parteng iyon, papunta sa malusog na hinaharap at buhok na nakatabon dito. At nang makita ang kanyang mukha ay doon na tumigil ang oras. Mga labing mapupula, kinis ng kayumangging mukha. Matangos at matulis na ilong. At isang pares ng inosenteng mata na ngumingiti kasabay ng kanyang mga labi. Hugis puso ang tampok ng kanyang mukha dahil sa buhok na nakahati sa gitna at may maliit at may tulis na baba. At tuluyan nang tumuon ang mga mata ko sa halos perpektong hubog ng kanyang magandang mukha. Natulala. Sa estadong ito, mabagal ang lahat, at dahan dahang gumagalaw ang kanyang mga labi. Ang paningin ko ay nagsasalitan sa kanyang mga mata at labi. Ito ang unang pagkakataon na kontrolado ko ang oras. Hindi espesyal na kapangyarihan bagkus isang pangyayari na hindi sinasadya at bigla na lang umiiral. Marahil dahil ito sa di inaasahang paghanga sa taglay na ganda ng isang babae na sa una ring pagkakataon ay sobrang lapit kong naaaninag.

Tiniklop ang aklat at madaliang sinabing "Ayos lang, sige umupo ka." Nanatiling nakanganga ang bibig matapos ang pangungusap. "Ako nga pala si Amika." pagpapakilala ng babae sabay abot ng mapupulang palad upang makipagkamay. "Ako si ... Adan." Kabadong sagot.

Hindi ako madalas makipag usap sa tao. Karamhian sa kanila ay itinuturing kong balakid sa aking matahimik at mapayapang mundo. At halata sa akin na ito ang unang pagkakataon ko na makipag-usap ng wala sa intensyon. Hindi ko alam o marahil wala akong pakialam kung iniiwasan ako ng mga tao. Ang tanging alam ko lang ay ginagawa ko ang mga ginagawa ko dahil iyon ang tungkulin ko bilang isang sumisibol sa indibidwal. Mag-aral, makapagtapos upang magtrabaho. At pagkatapos ay mamamatay. Ngunit sa mga segundo nang unang makilala ko si Amika ay tumatakbo sa isip ang mga bagay sa utak ko. Mga pangyayari o posibilidad na maaari kong gawin sa mga oras na iyon. Mga sitwasyon na pilit tumatabon sa riyalidad na ako ay may kausap sa harapan. Mabagal pa din ang galaw ng mga nasa paligid. At ang utak ko ay pinupuno ng mga imahe na kaming dalawa ay masaya sa isa't isa. Magkahawak ng kamay at naglalakad sa parke. Sa kabilang banda ay ang posibilidad na pasakitan sya at pagsisihan ang mga bagay kahit hindi ito sinasadya. Mga masasakit na salitang sasambitin. Ang pakiramdam ay parang naranasan ko na ito pero sa riyalidad ay ito ang unang pagkikita naming dalawa at ngayon pa lang kami magkakakilala. Bukod sa mga imahe na iyon ay mas malawak pang pwedeng pagpilian.

Natigil ang pag nganga nang maramdaman ang mahapdi at makating kagat ng langgam sa aking gitnang daliri sa kanang kamay. At bumalik sa normal ang galaw ng lahat sa paligid. "Aray!". "Hahaha. Okay ka lang ba?" ang malambing na tanong ni Amika. "Oo pasensya na." sagot ko. Inabot ko ang kamay na inaalok nya bilang ganap na pagpapakilala. Ngunit agad binawi dahil sa kati sanhi ng kagat ng langgam. "Paumanhin kung naabala kita. Gusto ko lang makilala ka at kahit papaano ay umusyoso sa kung ano mang ginagawa mo." ang sabi niya. "Nagbabasa lang ako ng aralin. Malapit na ang pagsusulit, kailangan kong maging handa." nahihiyang pagsagot ko sabay kamot sa ulo. "Wag kang mag-alala, hindi ako magtatagal. Masyado lang akong nagiging mas mausisa kung hindi ko magagawang magtanong." biglang sabing "Napaka-interesanteng tao mo kasi." Ako ay napatingin na may pagtataka.

Sa hindi maipaliwanag na dahilan, kilala ko ang mga mukha ng estudyanteng nakikita ko sa paaralan. Ngunit hindi ko alam ang mga pangalan maging ng mga kaklase ko. Naaalala ko lang ang mga pangalan dahil nakapaskil sa ding-ding ng silid-aralan ang pangalan ng mga opisyal sa klase. Wala akong kinakausap at ni wala akong larong alam gawin. Aktibo lang ako sa pagtakbo tuwing umaga dahil isang magandang ehersisyo ito para maging maayos ang paghinga ng mga baga. Maliban doon, wala na akong ibang alam gawin. Maaaring meron pang iba ngunit ito ang dinidikta ng utak ko na alam nya sa pagkakataong ito. Ang iba sigurong aktibidades ay likas na kakayahan na. Ngunit bagay na hindi ko malalaman hanggat hindi ako dumadating sa punto na iyon. Marahil bunga lang din ng pamumuhay ko sa sarili kong mundo.

"Ano naman ang napaka-interesante sa akin?" patanong na sambit. Ngumiti si Amika at tumingin direkta sa aking mga mata. Nakakabighani ang kanyang mga kilos, hindi inaasahan. "Walang laman ang mga mata mo." natatawang sabi niya."Parang taong pinapatakbo ng makina. Walang kaluluwa." dagdag nya. "Anong interesante doon?" aking tanong. "Gusto kong usisain kung anong makinarya ang nagpapatakbo sayo." sabay tawang mahinhin.

Hindi sumugat sa damdamin ko ang kanyang mga pangungusap, bagkos ako ay nagtataka kung bakit ganon ang tingin nya sa akin gayong hindi ko naman alintana ang mga bagay na ito at hinding hindi ko binigyan ng pansin kailan man.

"Ding-Dong!" kampana ng paaralan na hudyat para bumalik na sa kwartong aralan. "Kung ganon, maaari ba kitang maging kaibigan?" ang muling malambing na tinig ni Amika na nagtatanong. "Huh? Ah, eh..." nalilitong sagot. "Hindi mo kailangan sagutin ngayon. Maaari mong pag-isipan." Nakangiting sabi ni Amika. Sabay tumayo at sabing, "Ikinagagalak kong makilala ka!" Kumaway at nagpaalam.

Ako ay napabuntong hininga pagtalikod nya. Sinusubukan alalahanin ang pangyayari at mausisang binabalikan kung mayroon ba akong maling nasabi. At naalala na mas maraming nasabi si Amika kaysa sa akin. At kung lalahatin ay walang ka-kwenta kwentang pangungusap ang naisambit sa kanya. Ngunit dahil ang ugali ko ay simple at rasyonal, sinarado ang utak at tuluyan nang bumalik sa kwartong aralan at nagpatuloy sa nakasanayang gawain.

MultibersiboTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon