Kalbaryo

19 0 0
                                    

Panaginip. Maraming bersyon ang agham sa pag eksplika ng panaginip. Sa sarili kong opinion at simpleng eksplanasyon ay ang kakayahan ng utak na gumana ng hindi mo inuutusan. Sino pa nga ba ang uutos sa utak kung hindi ang utak din mismo.
Konsensiya. Kamalayan. Nakakalito. Pero ang mga bagay na nakikita, panaginip man o riyalidad na nararanasan, ay electrical impulse na ibinibigay ng limang pangunahing pandama ng tao papuntang utak at ang utak ang nagpoproseso ng nakikita, nalalasahan, nararamdaman, naaamoy at naririnig. Karamihan ay naniniwala na may espirito ang tao. Isang hindi mawaring elemento ng tao na kapag  namatay ay lilisanin nito ang katawan. Sa aking pananaw ay kapag tayo ay namatay, walang espiritong lalabas sa katawan bagkos ito ay maglalaho mismo sa loob ng katawan. Ang kamatayan ay pagkabigo ng utak na mag-isip at ang espirito ay katumbas ng mismong kamalayan. Kalahati ng kamalayan ay hindi boluntaryo at ito ang nagbibigay ng panaginip gising man o tulog. Hanggat gumagana ang utak mayroon kang kamalayan.

May iba't ibang uri ng panaginip. At nagbabase ito sa nararamdaman ng isang tao bago matulog o bago gumana ang hindi-sadyang-kamalayan. Minsan ikaw mismo ay matutulala, at ang mata mo ay matutuon sa iisang lugar pero ang mga nakikita mo ay iba't ibang uri ng imahe na pinoproseso ng utak mo. At ilang saglit ay babalik ka sa totoong nakikita mo. Bago mo malaman, nanaginip ka na pala. Itong eksaktong pagtulala ay ang madalas kong ginagawa o nagagawa ng hindi sadya bunga na rin ng aking sobrang pag-iisip ng kung anu-anong mga bagay. Hindi siya nakakasama pero wala din kabutihang naidudulot sa akin. O maaaring siguro ay wala pang halaga ito sa ngayon. Masayang pag-aralan ang pananaginip at isalin sa sarili mong eksplanasyon. Kahit sanggol ay meron nito, kahit hayop meron at siguro lahat ng nilalang na may utak o may buong utak. Sa mga nagsisimula pa lang, marahil ay siyamnapu't limang porsyento ng panaginip ay hindi mo maaalala. Isa pa sa mga nakakairitang katotohanan na hindi ko matanggap. Paslit pa lamang ako ay alam ko na kung paano kontrolin ang aking panaginip. Sa agham ay tinawag na Lucid Dreaming. Hindi lahat ay nakakagawa nito. Natutunan ko lang ito dahil kadalasan noong bata pa ako, ang mga panaginip ko ay bangungot. Nakakatakot, nakakasira ng ayos ng pag-iisip. Nakakainis. Nakakabugnot. At nagpasya akong hayaan ang bangungot na maganap at hinamon ko ang sarili kong kontrolin ito.

Sa loob ng panaginip.

Isang malawak at mga sira-sirang bahay sa paligid. Ang paboritong setting ng aking bangungot. Isang babae. Nakakatakot na babae na minsan nang dinukot ang laman loob ko. Minsan na ring sumigaw sa tainga ko ng napakahabang sigaw na di mo mawari kung ano nga ba ang sigaw na iyon. Isang malakas at matining na "Aaaaaaahhhhhh ... " na para bang hindi matatapos hanggat nandoon ka sa mundong iyon. At hindi magtatagal ay mapapansin mong masasanay ang tenga mo sa tunog na yun. Ang babaeng ito ay isang imahe ng birheng Maria, duguan ang mukha at hawig sa black lady ng unang umere ang Magandang Gabi Bayan Holloween edition. Ngunit ang aparisyon ay di malinaw, at hindi ko rin sigurado kung ang Birheng Maria nga ang aninag ko. Sa mundong ito lalo na sa pagkabata, ay punong puno ng anino. May mga daraan na tao sa paligid ngunit di mababakas ang kanilang mukha o kung mayroon nga ba silang mukha. Lahat sila ay tuloy tuloy sa paglalakad at ang iba ay umuulit na. Kapag tumingala ka, ang makikita mo ay yaong parang nasa ilalim ka ng tubig ng swimming pool at lahat ng nasa paligid ay umaalon. Malabo at mahamog. Sa isang saglit ay mapupunta ka sa bahay nyo at magkakaroon ng isang sitwasyon. May kumakatok sa pinto. Malakas at puwersahan binubuksan. Nanghihingi ng tulong. Sa labas ay maririnig mo ang sigaw ng mga taong tila nasusunog, hindi makahinga at naghihingalo. Sobrang bigat sa pakiramdam na para bang may pinapasan kang mabigat na bagay. Sa siwang ng bintana ay makikita mong sobrang liwanag gaya ng pagtitig sa apoy at sa isang saglit huhupa at makikita mong isa lang pala itong takipsilim at ang nakita mong matinding liwanag ay ang kulay kahel na araw na palubog na. Ang pakiramdam mo ay luluwag ngunit maaalala mong nakasilip ka nga pala sa siwang ng bintana. Nang biglang tumambad sa paningin mo ang imahe ng nasusunog na mukha ng tao at patuloy na humihingi ng tulong. At ang lahat ay magbabalik sa takot at hindi maipaliwanag na pakiramdam na parang litong lito at kung bakit ka napunta sa lugar na yon ay hindi mo alam. Wala kang magawa sa ingay ng sigawan ng nahihirapan at nasusunog na mga tao sa labas pero hanggang ngayon hindi mo pa din alam kung tutulungan mo ang taong nasa pinto at kumakatok. Nasa sulok ng sala ng bahay na bahagyang nagiging kwarto ko. Nanlalaban ang riyalidad sa panaginip. Patuloy ang hinagpis na naririnig sa labas habang unti-unting napapadilat at lumalabas ang imahe at nagkakaroon ng malay na ako ay natutulog at nasa kwarto lamang ako. Hanggang sa tuluyan na akong nagising. O baka naman talagang nagkamalay lang at hindi tuluyang gising. 

Tahimik. Madilim. Hinahabol ko ang paghinga ko. At humuhupa na ang kaba. Ngunit hindi tuluyang bumubukas ang mga mata ko. Kahit anong pilit na buksan ay lumalabo nanaman ang paningin. Kasabay ng paglabo ng mga imahe ng kwarto ay ang patuloy na pagkakarinig sa mga sigaw. Paunti-unti. Hindi pa pala ako tuluyang nagigising ngunit ang diwa ko ay may malay na. Sa pagkakataong ito ay napagod na ako at ibinigay ang sarili sa panaginip. Sindayang ipikit ang mata at bumigay sa takot.

Ang lahat ay blangko matapos kong hayaan ang sariling magpadala sa bangungot. Ang sunod na nangyari ay narinig ang sigaw ng aking ina, "Adan! Gumising ka na at mag almusal!" Dumilat at napahinga ng malalim. Lumuwag ang dibdib sa sarap ng tinig ng ina na para bang matagal mo nang hindi naririnig. Nagpapasalamat at nakabalik na ako sa riyalidad.

Ito ang unang pagkakataon na buo kong naaalala ang mga pangyayari sa panaginip ko. Ito rin ang simula ng aking kalbaryo dahil simula nung natutunan ko magkamalay sa panaginip ay hindi na ako muli pang nagkaroon ng pagkakataong taimtim na makatulog. At lahat ng tulog ako ay bukas na bukas ang malay na tila ba ako ay lumilipat lang sa kabilang mundo tuwing ako ay matutulog upang magpahinga ng pisikal. Simula noon ay hindi na naging normal ang mga bagay-bagay. Walong taong gulang ako noon nang maranasan ang mga bangungot at ito rin ang panahon na una akong nagkamalay sa panaginip.

At simula nga noon ay nakaugalian ko na magpuyat upang mahanap ang taimtim na tulog. Sadyang pinapagod ang sarili upang makatulog ng walang iniisip. Pero mailap ito. Hindi ko na rin malaman kung isa ba itong sakit o isang bagay na ako lang ang mayroon. Ngunit isa lang ang sigurado. Nakakapagod ito dahil hindi tama ang oras ng pahinga, at kung makakatulog man ay pisikal at hindi mental ang pamamahinga kung kaya't sobrang nakakapagod. Ngunit wala kang magagawa dahil kailangan mong mabuhay. Sa di maipaliwanag na dahilan kailangan mong magtuloy-tuloy sa buhay.

MultibersiboTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon