Mapula ang kulay ng kalangitan habang patuloy sa pagbangon ang haring araw sa silangan. Mula sa bintana ng aking kuwarto ay kitang-kita ko ang malawak na karagatang sakop ng dating napakatanyag na Manila bay na dinarayo ng mga turista noon dahil sa angkin nitong kagandahan lalo na sa pagsapit ng dapit-hapon. Marahil napakaganda nga ng Maynila siguro noong hindi pa ito sinira ng mga Vergatians. Hindi ko na kasi maalala ang naging hitsura nito noon dahil siguro sa aking murang kaisipan at napakabata ko pa.
Akmang pagtayo ko sa aking kinauupuan malapit sa bintana ay tatlong mahihinang katok ang aking narinig sa pintuan ng aking kuwarto. Gumuhit ang matamis na ngiti sa aking pisngi dahil alam kong ang aking abar (yaya) na ang nasa harapan ng aking pinto.
"Pasok." ang malakas na sabi ko bilang pagbibigay pahintulot sa kanya para pumasok na sa aking kuwarto.
Marahan ay bumukas ang pintuan at isang maputla at payat na babaeng kasing-edad ko ang iniluwa nito. Ibinaluktot niya ang kanyang mga tuhod at inilagay sa kanyang noo ang dulo ng kanyang mga daliri at saka nagbigay pugay sa akin.
"Isang magandang araw sa'yo mahal na Aliakhan Xhyrene. " ang sabay na wika niya habang nagbibigay pugay sa akin.
Ngumiti ako sa kanya at iniyuko ang aking ulo tanda ng pagtanggap ko sa kanyang pagbati. Tumingin ako sa kanyang malalalim na mga mata pero umiwas siya ng tingin sa akin. Ipinagbabawal kasi sa batas ng mga Vergatians ang tumingin sa mga mata ng mga maharlika lalo na kung ito ay mga alipin.
"Magandang umaga abar Aleli, mas komportable ako na tawagin mo na lamang ako sa aking tunay na pangalan."ang tugon ko sa kanya.
Sinuklian lamang niya iyon ng pilit na ngiti at nanatiling nakatayo sa gitnang bahagi ng aking kuwarto. Alam kong hindi niya babanggitin ang aking tunay na pangalan dahil na rin sa takot na mahuli at maparusahan ng mga Vergatians na umaantabay sa akin.
Ilang saglit lang at niluwa din ng pintuan ang dalawa pang babaeng alipin na halos kasing-gulang din namin ni Aleli. May dala-dala silang mga pagkain at mabilis na inihanda ang mga iyon sa aking salaming mesa na nasa gawing bintana ng aking kuwarto. Nanatiling nakatingin naman si Aleli sa dalawang kasamahan niyang babae na abala sa paghahanda sa aking almusal. Nanatili rin akong nakatayo malapit sa bintana at masayang pinagmamasdan sila. Sa loob kasi ng palasyo ay sila lamang ang nakikita kong mga kauri ko na tao at hindi mga Vergatians na halos hawig sa mga bayawak ang hitsura.
Nang makapaghanda na sa aking almusal ay sabay-sabay silang tumabi sa gawing bahagi ng kuwarto at naghihintay kung may ipag-uutos pa ako sa kanila.
"Alam ninyo, hindi ako kakain ng inihanda ninyong almusal kung hindi ninyo ako sasaluhan." ang sabi ko sa kanila habang papalapit ako sa mesa.
Hindi ko na mabilang kung makailang ulit ko na rin silang niyayang saluhan ako sa pagkain pero lagi akong bigo. Takot silang maparusahan kapag nahuli silang nakikisalo sa pagkain sa mga tulad kong itinuturing na bahagi ng isang royal family. Madalas ay iniiwasan nila ako kahit na kauri ko sila. Pero, hindi ako papayag ngayong araw na ito na mabigo pa rin na makuha ang kanilang loob at maramdaman nilang hindi ako kaaway kundi isang kakampi.
Walang umimik sa kanilang tatlo at tila walang naririnig mula sa aking sinasabi. "Sige, hindi na rin ako kakain kung ayaw ninyo akong saluhan." ang banta ko sa kanila.
Kitang-kita ko sa kanilang mga mukha ang pag-aalala sa aking nasabi at saka nagtitinginan kung sino sa kanila ang magsasalita. Nakita ko si Aleli na humakbang sa kanyang harapan at saka yumuko para ako ay kausapin.
"Mahal na Aliakhan, ikapapahamak po namin ang hindi ninyo pagkain sa inyong almusal. Nakikiusap po kami sa inyo. Maawa na po kayo sa amin." ang hindi nakatiis na si Aleli, dala na rin ng takot na maparusahan sila ng Varnu o ang Mayordomo ng buong palasyo.
YOU ARE READING
THE DAY THE EARTH HAS FALLEN
Ficção CientíficaThey arrived, and we thought they were friends. But we were mistaken... They came to annihilate all humans on Earth and make it their own abode. They enslaved us, treating us worse than any animal. We endured hardships as we tried to save the remain...