Kabanata 1

11.7K 154 11
                                    

"CLASS, ingat kayo sa pag-uwi. Bye!"

"Thank you and goodbye, Teacher! See you again tomorrow," sabay-sabay na sagot ng mga estudyante sa kanilang guro.

"See you. You may go now. Melo, maiwan ka muna."

Natigilan si Melo nang tawagin siya ng kanyang teacher. Pinanood muna niya ang paglabas ng kanyang mga kaklase sa classroom. Nang makalabas na ang lahat ng mga estudyante ay tahimik siyang lumapit sa teacher.

"Bakit po?"

"Upo ka muna."

Pinaghila siya ng upuan ng kanyang teacher. Kinabahan si Melo. Magkaharap na sila ng kanyang teacher. Wala naman siyang naaalalang may ginawa siyang kasalanan maliban sa pagtunganga sa pisara habang abala ang mga kaklase niya sa pagsusulat sa kani-kanilang mga papel.

"May dinaramdam ka ba?" tanong ng guro sa kanya.

"Po?"

"Bakit ang tamlay mo kanina sa klase? May dinaramdam ka ba?"

Umiling siya saka yumuko. Wala naman talaga siyang dinaramdam. Sadyang hindi lang siya makasabay sa kanyang mga kaklase. Pakiramdam niya ay walang may gustong makipagkaibigan sa kanya.

"Sigurado ka ba?"

"Opo, Teacher."

Tumangu-tango si Teacher Makris sa kanya. Tila inaanalisa nito ang kanyang kabuuan, pagkuwa'y kumuha ito ng papel at lapis.

"Ganito na lang. Puwede mo bang isulat ang pangalan mo rito?" nakangiting wika ng teacher sa kanya.

Kinabahan si Melo. Bakit palagi na lang siyang pinapagawa ng bagay na kinatatakutan niya? "Puwede na po ba akong umuwi, Teacher? Gutom na po ako, eh..." pag-iiba niya ng usapan.

Ngumiti si Teacher Makris at umiling. Nahihimigan nito ang pag-iwas ni Melo.

"Sige, hindi na muna kita kukulitin ngayon pero dapat bukas marunong ka nang magsulat ng pangalan mo, ha?"

"O-opo, Teacher."

"Good. Sige na."

"Bye po."

"Bye, ingat ka."

Halos takbuhin ni Melo ang pinto palabas ng classroom. Tila abot langit ang kanyang kaba kanina. Kung bakit ba naman kasi pagsusulatin na naman siya ng kanyang teacher? Wala na silang ginawa kundi ang magsulat buong maghapon, hindi ba sila napapagod? Kasi siya, kahit unang araw pa lang ng pasukan ay pagod na pagod na siya... sa kasusulat.

Tinanaw niya ang mga kaklase niyang sinusundo ng kani-kanilang mga guardians. Sumibol ang ideya sa kanyang isipan. Sana may sundo rin siya. Ngunit agad na nawala ang imahe ng kanyang ina sa kanyang isipan nang may makabunggo siya.

"Ano ba?! Tumingin ka naman sa dinadaanan mo!" masungit na wika .

"Sorry..."

"Sorry!" panggagaya nito sa kanya at inismiran siya saka naglakad palayo.

May sumalubong na ginang sa bata at tila nagsusumbong ito kaya naman mabilis na tinahak ni Melo ang gate ng eskuwelahan at dire-diretsong umuwi. Winalang bahala niya ang maingay na paligid. Sanay na sanay na siya sa kanyang dinadaanang marumi at maraming kumakalat na basura.

"'Nay! Nandito na po ako!" masiglang bungad niya sa pinto pa lang ng kanilang napakaliit na bahay.

Tulad kaninang umagang pag-alis niya ay gano'n pa rin ang reaksyon ng kanyang ina. Nakangiti pa rin ito sa kanya na mukhang masayang-masaya sa tuwing nakikita siya.

Drop of Hope [Published via Reedz Volume 5]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon