Kabanata 5

4.2K 194 68
                                    

Walang mapagsidlan ang galak na nararamdaman ni Melo. Atat na siyang pumasok sa eskuwelahan. Gustung-gusto na niyang ipakita kay Julienne na kaya na niyang isulat ang pangalan nito. Magiging magkaibigan na rin sila sa wakas!

Kung maaga siyang gumising araw-araw, puwes mas inagahan pa niya ang gising niya nang Lunes na 'yon. Naghihilik pa ang kanyang ate nang umalis siya. Binigyan rin siya ulit ni Aling Pamela ng ulam para sa kanyang baong kanin.

"Salamat po, Aling Pamela! Pagpalain ka po ni—"

"Pagpalain ako ni Papa Jesus," natatawang pagtatapos ni Aling Pamela sa kanyang sasabihin.

Napakamot na lamang sa kanyang ulo si Melo. Ang hilig talagang basagin ng ale ang trip niya.

"Aling Pam naman! Totoo po 'yong sinabi ko, ah."

"Oo na, sige na. Pumasok ka na nga. Mukhang ganado ka ngayong pumasok at sobrang aga mo. Baka naman natutulog pa ang teacher mo."

"Nando'n na po 'yon. Maaga kaya palagi si Teacher Makris," katwiran naman niya.

"Oo na. Sige na." Pagtataboy sa kanya ng ale.

"Bye po!"

"Ingat ka!" pahabol pa ng ale.

DIRETSO lang ang lakad ni Melo papuntang eskuwelahan. Binati pa niya ang guwardiyang nakabantay sa kanilang gate.

"Good morning po!"

"Good morning, iho. Ang aga natin, ah," puna nito sa kanya. Nginitian lang naman ito ni Melo.

Patakbo pa niyang tinungo ang kanilang classroom. Naabutan niya si Teacher Makris na mukhang kararating lang din.

"Good morning, Teacher!" bati niya rito. Bahagya pa itong nagulat sa kanyang presensya.

"Good morning, Melo! Ang aga mo naman," ani ng guro. Pansin rin nito ang maaliwalas na mukha niya.

"Opo, Teacher. Maaga po kasi akong nagising kanina."

"Ah, kaya pala mukha kang masaya ngayon. Mukhang may maganda kang ibabalita, ah." As if on cue, muling nagliwanag ang mukha ni Melo.

"Opo, Teacher. Meron nga po."

"Ano naman iyon? Marunong ka nang sumulat ng pangalan mo, gano'n ba 'yon?"

Saglit na natahimik ang bata. Yumuko siya at tila nalungkot. "Sorry po, Teacher Makris. Hindi ko pa po alam sulatin ang pangalan ko. Susubukan ko po ulit," aniya.

Bumuga ng hangin ang guro. "O sige. Magpa-iwan ka ulit mamayang hapon, ha? Aaralin natin ang pagsusulat ng pangalan mo."

"Opo, Teacher."

"Good morning, Teacher Makris!"

Pareho silang napalingon sa pinto nang magsalita si Julienne na mukhang kanina pa nakikinig sa kanilang usapan.

"Good morning din, Julienne!" bati ng Teacher. Nang rumehistro na sa utak ni Melo kung sino ang dumating ay bigla siyang naghistirikal sa tuwa.

"Good morning, Julienne! Alam ko na kung paano sulatin ang pangalan mo!" Mabilis niyang binuksan ang kanyang bag at ipinakita sa kaklase ang isinulat niya mula pa kagabi. In fact, ilang ulit pa niyang isinulat iyon.

Nagulat naman si Teacher Makris at tiningnan ang papel. Namilog ang mga mata nito. "Ikaw talaga ang sumulat nito?" hindi makapaniwalang tanong ng guro.

"Opo, Teacher Makris!" pagkumpirma ni Melo. Bumaling siya kay Julienne. "Puwede na ba tayong maging magkaibigan, Julienne?" puno ng pag-asang tanong ni Melo. Sobrang sarap sa pakiramdam na makamit ang mahalagang bagay na pinaghirapan at iyon ay ang pagkakaibigan nila ni Julienne.

Drop of Hope [Published via Reedz Volume 5]Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon