Hindi na naabutan ni Melo ang kanyang ate pag-uwi ng bahay. Wala siyang nagawa kundi muling asikasuhin ang sarili niya. Wala namang pakialam iyon sa kanya. Ni minsan sa buhay niya ay hindi siya kinausap nang matagal ng kanyang ate. Mabuti na lang at bumalik na ang kanilang kuryente. Ibig sabihin ay nakapagbayad na ang kanyang ate.
Pagkatapos niyang gawin ang kanyang routine ay agad siyang sumalampak sa sahig. Pag-aaralan niya ang pangalan ni Julienne. Hawak ang lapis ay nagsimula siyang gumuhit ng letra, ngunit magsisimula pa lamang siya ay bigla na lamang niyang nakalimutan kung ano ang unang letra ng pangalan nito.
"Ano nga ulit 'yon?" tanong niya sa kawalan. Desperado siyang pag-aralan ang pangalan ng kaklase niya.
Malalim siyang napaisip. Kani-kanina lang ay nakarehistro pa sa utak niya ang mga letra ngunit bigla na namang nawala. Saan napunta ang mga iyon?
"Kung nandito lang sana si Nanay," anas niya. Pakiramdam niya nawawala siya sa kawalan. Ni hindi niya alam kung sa'n siya magsisimula. Ayaw gumana ng kanyang utak pati na rin ang mga kamay niya.
Mahigit isang oras na siyang nakatitig sa papel ngunit blangko pa rin ito, katulad ng kanyang utak. Kahit anong gawin niya, hindi niya magawang makapagsulat. Hay buhay, parang lapis. Dadaan at dadaan ka sa ilang beses na pagsha-sharpen. Sa lagay niya, kahit ilang beses na siyang hinahasa, mapurol pa rin.
Hindi na niya napansin ang oras. Ni hindi na niya nagawang makapaghapunan. Nakatulugan na lamang niya ang ginagawa. Nagising na lamang siya nang marinig ang pagkalampag ng pinto.
"Anong oras na't nakatihaya ka pa d'yan? Bumangon ka na!"
Bumungad sa kanya ang aburidong mukha ng kanyang ate. Dali-dali siyang bumangon kahit hindi pa man tuluyang nagigising ang kanyang diwa. Nakatulog pala siya sa sala sa kakaaral ng pangalan ni Julienne.
Akmang papasok na siya sa silid nang biglang tumunog ang kanyang tiyan. Noon niya lang naalalang hindi pala siya nakapaghapunan kagabi. Nagkatinginan sila ng ate niya.
"Eto, bumili ka ng ulam sa labas." Padaskol na ibinigay nito sa kanyang ang singkuwenta pesos. "Tutulog-tulog ka nang hindi kumakain."
Napangiti siya pagkatalikod ng ate niya. Akala niya ay pagagalitan na naman siya. Kahit papaano ay nag-alala rin pala ito sa kanya.
"Salamat, ate."
Hindi ito sumagot sa kanya. Gano'n pa man ay natutuwa ang kanyang puso.
Pagkatapos bumili ng ulam ay agad siyang kumain at gumayak papuntang eskwelahan. Gano'n din ang ate niya. Pumapasok ito sa isang unibersidad sa kanilang lugar. Hindi nga lang niya maintindihan kung bakit madaling araw na itong umuuwi palagi. Ah, siguro dahil sa part-time job niya.
"Baon mo." Natuwa pa siya nang binigyan siya ng kanyang ate ng bente pesos. Di bali nang hindi siya nakakain kagabi. At least binigyan siya ng baon nito.
Magaan ang kanyang loob na pumasok sa eskwela ng araw na iyon. Ngunit pagkapasok niya ng classroom ay bigla niyang naalala na hindi pa pala niya alam kung paano sulatin ang pangalan ni Julienne! Patay!
"Good morning, Julienne!" bati niya rito ngunit dinedma lamang siya. Mukhang papanindigan nito na kakaibiganin lamang siya 'pag alam na niyang isulat ang kanyang pangalan. Naisip niyang pag-aralan itong muli mamayang gabi.
"Pangako, pag-aaralan kong sulatin ang pangalan mo." Kahit hindi siya nito kinakausap ay ayos lang. Darating din ang araw na papansinin siya nito. Wala sa bukabolaryo ni Melo ang sumuko.
Maghapon na walang ginawa si Melo kundi ang tumunganga sa klase. Hindi naman niya kasi nahahabol ang itinuturo ng teacher. Pakiramdam niya, napakabilis ng lahat. Napansin iyon ni Teacher Makris kaya naman no'ng hapong iyon ay muli siya nitong kinausap.
BINABASA MO ANG
Drop of Hope [Published via Reedz Volume 5]
Short StoryCOMPLETED. Cover by Dyosita. ©greatfairy 2017