PROJECT XX >>>
Hatinggabi no'n nang mapagpasyahan nang umuwi nina Aika at Karl. Katatapos lang nila gawin ang kanilang group project na noong unang linggo pa dapat naipasa sa bahay ni Teresa.
Bukas na lang kasi ang ibinigay na palugit ni Gng. Marasigan sa kanila. Kapag hindi nila iyon agad maipasa sa nasabing araw ay asahan na nilang bagsak ang kanilang grupo sa markahang ito.
Tatlo lamang sila sa grupo. Matatapos sana nila agad ang proyekto kung lahat sila'y nagtulungan. Kaso hindi nila agad ito natrabaho nitong mga nakaraang araw dahil bukod sa kumpol-kumpol na mga gawain sa eskuwela ay tanging sina Aika at Karl lamang ang gumagawa. Kaya tuloy ay hindi nila agad iyon mapangalahatian.
Kung sana lang din ay pumapasok ang kaklase nilang si Teresa at tumulong sa kanila, siguradong matatapos naman nila agad iyong project. Kaya lang ay madalang lamang kung magpakita ang kanilang kaklase sa classroom. Halos hindi na ito pumapasok.
Sobrang antok at pagod na sina Aika at Karl. Inayos na nila ang kanilang mga gamit para makauwi na.
"Madilim na sa labas. Gusto niyo ihatid ko na kayo?" alok sa kanila ni Teresa. Nag-inat sandali si Karl at humikab. Hindi na nila napansin ang oras.
"Naku! Sa sakayan na lang kami. Meron pa naman sigurong mga namamasada ngayon," sabi nito.
"Oo nga. 'Wag na lang. Kami na nga itong biglang pinuntahan ka tapos ihahatid mo pa. Baka maabutan pa kami ng mga magulang mo rito kung sakali." anang katabi nitong si Aika, humihikab na rin.
"Wala naman sila rito," tipid na ngumiti si Teresa.
"Bakit? Asan sila?" tanong pa ni Aika. Kanina pa siya atat na atat na malaman 'yon. Mag-isa lang kasi si Teresa sa kanila. Hindi na niya tuloy napigilan pang umusyuso. Tinitigan lang siya ni Teresa at hindi siya sinagot nito. Nagkatinginan sina Aika at Karl. Tumikhim si Aika at nginitian na lamang si Teresa.
"Uh..sige uuwi na kami. 'Wag mo na lang kami ihatid. Wala kang kasama pabalik, e. Sobrang dilim pa naman sa daan. Salamat ulit sa tulong," sabi nito kahit ang totoo'y medyo nagsisisi siya kung bakit pinuntahan pa nila si Teresa rito.
Ang layo layo ng bahay nila mula rito. Bakit nga ba hindi na lang hayaan nina Aika at Karl na bumagsak itong kaklase nila? Tutal e sobrang tagal na nitong hindi pumapasok. Ang alam nga nila'y iddrop-out na siya sa kanilang klase. Pero kinailangan nilang puntahan si Teresa para matapos nila agad ang proyekto at mapasa agad iyon bukas. Ka-grupo pa rin naman nila ito. Ayos na rin kung mapapakinabangan nila iyong babae kahit ngayon lang.
"Oo sige. Pasensya na ha kung ngayon lang ako nakatulong sa inyo."
'Pasensya mo mukha mo. Pabuhat ka lang talaga, e.'
Gusto sanang sabihin iyon ni Aika pero sa huli'y pinili niya na lang ang ngumiti at manahimik.
"Ayos lang naman," si Karl. "Pero matanong lang, Tere. Kailan ka babalik sa school? Nung unang buwan ka pa siguro namin huling nakita." naiilang siyang tumawa.
Kinagat naman ni Aika ang pang-ibabang labi. Bakit kasi tanong pa nang tanong itong kasama niya? Ang ingay. Halata namang gusto nitong kaklase nila na magsiuwian na sila at tumigil na sa kakasalita.
Walang sinagot si Teresa ninuman sa kanila. Hinawakan ni Aika ang braso ni Karl para mapatingin siya rito. Tumango siya sa kanya.
YOU ARE READING
One Shots (Horror Edition)
HorrorEnjoy these spooktacular stories I wrote. Don't expect too much guys. This is not for the faint of heart. All Rights Reserved. Stories by Fidideviee