Wicked Book 1

6.7K 125 19
                                    

CHAPTER ONE


"SA MAY BAHAY ANG AMING BATI, MERI KRISMAS NA MAWALHATI! ANG PAG-ibig ang s'yang maghari, araw-araw ay magiging Pasko lagi! Namamasko po!" Wala man lang nag-react buhat sa loob ng bahay na asul na maraming halaman sa bakuran. Kanda silip si Larcy sa bakod, halos isuot na niya ang ulo sa pagitan ng mga bakal. Napapamata siya sa mga ilaw na kumukurap sa mga halaman, pati na sa mga bintana at pinto. Alam niyang maraming tao sa loob ng bahay dahil may mga sasakyan na nasa labas at may tumutugtog na stereo. Kinalog ulit niya ang mga tinuhog na tansan. Kay Unyor iyon nakanyang kalaro. Inagaw niya iyon matapos itong itulak. Madamot kasi at ayaw magpahiram. Sumama na lang daw siya sa mga iyon na mangaroling. Ayaw na niya. Kokonti naman ang parte niya sa pera. Naisip niya, kung mag-isa lang siya sa pangangaroling, solo niya ang pera. 

 Bumira ulit si Larcy ng kanta, "Sa may bahay ang aming bati, meri krismas na malwalhati!" Isang babae ang lumitaw mula sa gilid ng bahay. "Mamamasko po!" Nilakasan niya ang boses. 

Bahagyang lumapit sa bakod ang babae, "Ikaw na naman? Gabi-gabi ka na, ah!"

 "Namamasko lang po." Giit ni Larcy.

 "Patawad na! Sa iba ka naman pumunta, lagi na lang dito!" 

 "Hindi ako 'yun! Sige na po, Papasko lang." Sinungaling ang babae. Noon lang siya nangaroling sa kalyeng iyon.

 "Bawal na nga! Kulit mo! Alis na! Lakad!" 

 Kinalog niya nang malakas ang mga tansan, "Tenk you! Tenk you! Am'pangit mo!" 

"Aba't—hambalusin kaya kita d'yan? Papahabol kita sa aso, makikita mo!"

 Binelatan niya ang babae, "Pangit ka! Am'pangit-pangit mo!" 

 "Talagang walang'ya ka—" nagpalinga-linga ang babae, nakakita ng patpat at sinundot siya niyon sa gate, "Alis! Bawal ang yagit dito!" Sa unang sundot ay tumama sa dibdib niya. Ang mga kasunoday naiwasan na niya. Naghagilap naman siya ng bato sa kalsada. Wala siyang mahanap kaya sa tumpok ng mga basura sa ilalim ng poste siya dumampot ng ipambabato sa babae. 

Dalawang maliliit na supot ang kinuha ni Larcy. Pagbalik niya, nakatalikod na ang babae, naglalakad sa gilid ng bahay. Sumampa si Larcy sa hamba ng bakod at tinawag ang babae, "Hoy, pangit!" Paglingon ng babae, binato niya ito ng supot ng basura. Hindi naman iyon tinamaan pero kumalat sa bakuran ang mga basura. Inihagis na rin niya ang isa pang supot. 

 "Hayup ka talagang bata ka!" 

 May kumahol na aso at sa kaunting saglit lang, nakita ni Larcy ang hayop. Humahangos ito sa kinaroroonan niya, galit. Lumundag siya pababa sa hamba. Sumampa naman doon ang dalawang paa ng aso, kanda kahol. 

 "Sige, Sharon, kagatin mo! Lamunin mo ang t'yanak na 'yan!"utos ng pangit na babae sa aso. 

Umatras si Larcy hanggang kalsada. Takot na siya. Parang magkakasya sa pagitan ng mga bakal ang aso dahil pahaba ang katawan niyon at mahaba rin ang nguso. Pero ayaw niyang tumakbo palayo dahil pagtatawanan siya ng pangit na babae. Sasabihan siyang duwag. Pangit daw ang duwag. Binubugbog nina Max ang mga duwag at inaagawan pa ng pera. Kaya hindi na langsiya tumakbo. Nakipagtitigan siya sa aso. 

 "Sharon! Come here!" Batang lalaki ang lumitaw at agad lumapit dito ang aso. Parang nagpapakarga. 

 "Hoy, James, bumalik ka sa loob!" sigaw ng babae sa bata. 

 "Nasa'an nga 'yung Game and Watch ko!" wika ng bata. Mas matanda ito kay Larcy. Matangkad at medyo mataba. Kulot-kulot ang buhokat mabilog ang mga mata. 

 "Hindi ko nga alam! Itanong mo nga sa mommy mo,"sagot ng pangit na babae.

 "Hanapin mo nga, eh!" Dinidilaan ng aso ang batang-lalaki at halos matumba na ito . "Sharon, no! Stop!" 

WickedTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon